Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales

PHOTO: Daily Tribune

Hinamon ni Senador Bong Go nitong Martes si Bise Presidente Leni Robredo na magpabakuna laban sa COVID-19 kasama si Pangulong Rodrigo Duterte para makuha ang kumpiyansa ng mga Pilipino.

Sa isang interview kasama ang reporters, sinagot ni Go ang mungkahi ni Robredo na magpabakuna ang Pangulo sapagkat isa itong sikat na personalidad.

"Pagkatapos ni Pangulong [Rodrigo] Duterte o sabay, ikaw naman VP Leni [Rob]redo ang magpaturok eh ipakita mo... sabay-sabay tayo. Ako po ay hinahamon kayo na para makuha ang kumpiyansa ng bawat Pilipino. Ipakita natin na sabay-sabay tayong [magpabakuna],” ani Go.

Hinimok din ng mambabatas sina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III na magpabakuna upang mapagkatiwalaan ang biniling gamot kung sakaling mayroon nang supply sa bansa.

“Nagsalita na po ang pangulo, willing po siya mauna ano? Importante po rito to gain confidence of the Filipino people. [Health] Secretary [Francisco] Duque, [Vaccine Czar] Secretary [Carlito] Galvez, kapag nandyan na ang vaccine, magpaturok na agad kayo para mapagkatiwalaan 'yung vaccine na binili ninyo,” aniya pa.

Sinabi rin niya na gusto rin ng Pangulo na makatanggap ng gamot laban sa nakahahawang sakit sapagkat natatakot pa rin ang mga Pilipino.

“Ang ating pangulo naman willing po siya magpa-vaccine para makuha ang kumpiyansa. Kaya sabi ko, ipaintindi natin sa Pilipino na kailangang pagkatiwalaan itong vaccine na binili dahil takot pa ang Pilipino,” ani Go.

Sa isang press briefing ngayong araw, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pumayag si Pangulong Duterte na tumanggap ng bakuna ngunit ang isasagawa ito nang pribado.

Ayon sa kamakailang sarbey mula sa Pulse Asia, 32 bahagdan sa 2,400 respondents ang nais nang makatanggap ng bakuna, 47 bahagdan naman dito ang tumatanggi sa pagtanggap dahil sa kaligtasan at antas ng pagiging epektibo nito, at 21 bahagdan pa ang hindi pa desidido.


ITO AY ISANG EKSKLUSIBONG ULAT.

PANOORIN ANG INTERVIEW: Philippine Daily Inquirer