First quarter ng distance learning, 'matagumpay' — DepEd

 Nina Jennylou Canon, Gwyneth Morales, at Mark Angelo Mañez

LARAWAN MULA SA: The Buzz Files

Sa muling pagbubukas ng klase para sa second quarter ng distance learning, masasabing naging “matagumpay at matiwasay” ang unang bahagi ng distance learning ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio.

“Tingin ko nairaos ang ating first quarter na wala namang maraming glitches so puwede rin sabihin natin na matagumpay na naisagawa ang distance learning delivery modality sa first quarter,” wika ni San Antonio.

Ngunit para sa gurong si Noel Reyes, masalimuot ang nakalipas na quarter dahil dumami ang mga mag-aaral na hindi makatugon sa mga pangangailangan ng blended learning.

“Sa pagsasara ng unang quarter ng panuruan ay ganoon pa rin, mas lumalala. Mas marami ang nagda-dropout, mas marami ang walang kapasidad para tumugon sa pangangailangan ng blended learning partikular sa online class,” ani Reyes na 15 taon nang high school teacher.

Dahil dito, si Reyes na ang gumagawa ng paraan upang maibsan ang stress at pressure ng mga mag-aaral na dulot ng tambak na requirements.

Sa kabilang banda, sinasabi ni San Antonio na hiling din umano ng kagawaran na hindi matambakan ang mga mag-aaral sa ‘requirements.’

“Gusto nating tuloy-tuloy din na maging hindi masyadong nao-overwhelm ang mga mag-aaral sa mga ginagawa,” ani San Antonio.

“Pero pinapaalala rin natin sa lahat na hindi naman puwedeng gawing napakagaan na kasi wala namang isang bagay na ginagawang wala ka nang effort ay matututo ka,” aniya pa.

Halo-halo naman ang pananaw ng mga magulang ukol sa distance learning.

Ayon kay Gloria Cabangis na isang magulang, madali niyang natututukan ang kaniyang anak sa pag-aaral.

"Madali siyang tutukan at lagi lang nakikinig. Tapos madali rin 'yong klase nila," aniya.

Ngunit para kay Shiela Hipolito, mahirap ang distance learning lalong-lalo na ang mga modules ng mga mag-aaral.

“Sobrang hirap, lalo na 'yong modules, sobrang hirap gawin,” ani Hipolito na isa ring magulang.

Naghahanda pa rin ang kagawaran ukol sa pagpapatuloy ng face-to-face classes matapos kanselahin ang dry run nito dahil sa bagong COVID-19 variant.


KAUGNAY NA ULAT: http://bit.ly/3rTt5PF 

PAALALA


Previous Post Next Post