TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

'Pinaka-qualified': Roque naniniwalang karapat-dapat tumakbo si Sara bilang pangulo

 Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: Philippine Star

Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kwalipikado si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo bilang presidente sa 2022 elections.

Kahit binigyan na ng pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang tumakbo ang kanyang anak, sinabi ni Roque na pinapakita ng sarbey na si Sara ang nangungunang opisyal para sa halalan sa susunod na taon.

“Sa tingin ko si Mayor Inday Sara siya ang pinaka-qualified, pinakahanda. As survey showed, kung tatakbo siya, siya talaga ang mananalo,” ani Roque sa isang panayam sa DZRH nitong Biyernes.

Ayon kay Roque, inaasahan niyang makakagawa si Sara ng “mabuting desisyon sa tamang oras” sa kung anong makabubuti sa kanyang ama at sa buong bansa.

Kamakailan, sinabi ni Duterte na huwag nang tumakbo sa pinakamataas na pambansang posisyon ang kanyang anak dahil hindi pambabae ang pagiging isang presidente.

Kanya ring inilalayo ang kanyang anak sa mahabang oras ng trabaho, kritisismo, at insulto mula sa kritiko.

“My daughter, inuudyok man nila. Sabi ko, my daughter, is not running. I have told Inday not to run because naaawa ako sa dadaanan nya na dinaanan ko,” ani ng pangulo sa pagbubukas ng Metro Manila Skyway Stage 3 nitong Huwebes.

Ayon sa Pulse Asia survey, 26 porsiyento mula sa 2,400 respondents ang boboto kay Mayor Duterte kung tatakbo man siya sa pambansang eleksyon.

Nakatanggap din siya ng majority preference sa Mindanao na may 26 porsyento, sa Kalakhang Maynila na may 16 porsyento, at kabuuan ng Luzon na may 12 porsyento.

Sina dating Senador Bongbong Marcos at Senadora Grace Poe ang sumunod sa kanya na parehong nakatanggap ng 14 porsyento.


KAUGNAY NA ULAT: Manila Bulletin