Ni Carlos Jimwell Aquino

PHOTO: Seamans Life, Seamans Wife


The First Hand


Syempre ito ‘yung una lagi sa chismis. Pwedeng siya yung pinaka-unang nakakaalam ng balita, pwede rin namang siya yung gumawa ng isyu. Basta siya yung ugat, teh. The root of all evil ika nga hahaha.




The Second-hand


Ito yung una namang mga napagkuwentuhan. Pwedeng siya yung BFF ni first-hand o di kaya kapit-bahay na nakarinig sa chika niya. Medyo risky ang maging second-hand kasi kailangan mo i-maintain ang stories bago mo ikwento pero minsan dito na nagsisimulang magbago ang plot.



The Third-hand


Dito naman papasok yung mga na-networking, mga open-minded daw. Sila na yung mga napagkwentuhan ng second-hand chismakers. Minsan sila lang yung mga nakarinig lang, nabulangan, o may nalaman lang onti, ‘tas go na sa chika. Yung ibang member dito mga nakakatakot na kasi madalas nababago na yung kwento tapos nadadagdagan pa. Shocks, ang creepy! 



The Curious One


Ito yung mga nachikahan mo na maraming tanong. Yung dinadaan ka sa mga kwentuhan at tanungan para lang makabuo siya ng fiction story. Minsan dito yung gigil sa pagpiga, kahit wala ka nang ma-kuda, pipilitin ka pa rin niya. Curious yern?


The Silent Listener


Ito minsan yung mga kasama ng mga chismakers. Sila yung tipong kunyari nagse-cellphone pero yung tenga nag-eextend tapos kapag nahuli o nakutuban siyang nakikinig, ngingitian ka lang na parang walang nangyari. Feeling niya ata nakikinig lang siya kay Papa Dudut. Oha!



The Innocent One


Ito pwede rin siyang maging silent listener pero ito may lines siyang laging sinasabi: “Hindi ko ‘yan alam” o ‘di kaya “ Ano ba ‘yon?”. Basta madalas dito’yung maang-maangan pero deep inside alam niya ang story. Kaloka!



The Slipped One


Mga chikang-chika pero may onting pagpipigil sa sarili HAHAHA! “Yung minsan dadaan-daanin ka sa mga sarcastic na banat o di kaya pahapyaw-hapyaw yung pagbibigay ng chika. Yung todo ang pagsikreto niya sa chika pero unti-unting nadudulas. Pero minsan mapapadaldal mo ‘to kapag binigyan mo ng meryenda or let them feel na you’re a trust-worthy chismaker! 






The Playsafe


Ito yung madalas na may linyang “Uy teh, ‘wag mo ‘kong idamay diyan ha. Di ko naman talaga sure kung si Kwan ba ‘yung kabet ‘non pero nakita ko kasi sila talaga magkasama kagabi. Pero baka naman kasi kaibigan niya lang talaga, hindi naman kabet.”



The Anonymous


Ito madalas karugtong ni Playsafe. Siya yung tipong nagsasabing “Sis, ‘wag mong sabihin ako nagsabi ha. Mayayari tayo nito. Basta kapag tinanong ka kanino mo nalaman, wag mo akong ituro, ‘di ko din sasabihin na nakwento ko sayo, kunwari magugulat na lang akong alam mo.”



The Pointer


Madalas ganito sina Playsafe at Anonymous. Ituturo ‘yung iba para maligtas sila. Sasabihin na lang nila bigla na “‘Di naman talaga sa’kin galing ‘yun. Nakwento lang sa’kin ni Kwan ‘tas nalaman niya lang din daw doon sa mga kamag-anak ni ano. Tapos ito pang si ano, siya talaga ‘yung nagsabi ‘dun sa looban kaya ‘ayun nalaman.Basta ‘wag mo na lang talagang sabihin na galing sa’min kasi hindi naman talaga kami ‘yung nagsimula, si Kwan talaga.”



The Unstoppable


Ay sis ito ‘yung mga idol ko. ‘Yung tipong bibili ka lang ng pandesal para sa almusal pero lumamig na ‘yung tinapay kaka-chika mo. Ito din ‘yung mga pawalis-walis kunyare pero naghihintay lang lumabas si kumare para makipagchikahan. Madalas din ‘to sa hapon, pagkatapos magmeryenda tambay sa labas, tapos aabutin na ng gabi. Kahit ‘di makapagsaing, go lang. Push! Ratrat sa chika hangga’t ‘di nauubos.



The Anxious


Ito naman ‘yung mga pagkatapos magkwento, balisa at di magkandaugaga. Ito yung minsan inaatake ng konsensya kung bakit pa siya nagkwento. Madalas din dito yung mga nag-ooverthink. Yung tipong mga takot na kumalat yung balita, pero todo chika siya. Ayaw niya lang din siguro masira ang friendship niya sa ibang ka-chika. Hays, think before you speak kasi, teh!



The Flash


Ay ito rin, kudos sa mga ito. Daig pa ang NDRRMC, PAGASA, at PHILVOLCS sa pagbibigay ng advisory sa kapwa ka-chismis. Minsan mabilis pa sa speed of light. Yung tipong di pa tapos i-chika sa isang grupo, nakarating na agad sa iba. 



The Counselor


Ito mga 50/50. Minsan helpful, minsan hindi. Mga dakilang tagapayo. Tuturuan ka kung paano ang mga gagawin. Sila yung mga madalas tanungan kasi sila yung may mga experience na sa mga isyu. Respected din ang mga ito, syempre sila ang kwentuhan ng bayan. Pero ‘di tayo sure kasi minsan sila din yung source ng chika dahil nagkwento ka. Oops!



The Journalist


Sabi nga nila, journalists are the vanguards of truth and justice kaya bago maki-chismis, inaalam muna ang both sides para nga naman transparent. Sila din minsan ang mga tanungan ng mga chismakers to verify their stories. Magagaling ang mga ito, magaling kumuha ng unique angles na sure na bebenta sa iba. Line nila palagi: “Ano nang update? Kumusta na?”.



The CCTV


Mga Taga-Bayan Mo, Ipatrol Mo o YouScoopers. Sila yung mga nakaantabay sa istorya ng buhay mo. Medyo creepy man, pero realtalk ‘to kasi anumang kibot mo, posible nilang malaman ito. Minsan naman kapag matutulog sila or wala sila sa mga scene, nagde-deploy sila ng mga spy at mata para ‘di sila mahuli sa chika.



The Techy One


Ito for sure maraming makaka-relate. Akala niyo ba na ang chika ay sa lansangan lang, high-tech na ‘to mga sis. Isang message lang o kaya send sa GC, marami nang makakaalam. It is more convenient, fast and hassle-free. Kailangan mo lang talaga ng mabilis na Internet para ready ka to answer their questions.





The Director


Ito naman yung matapos mo kwentuhan, makakagawa na ng pelikula. Siya na bahala kung papagandahin o papapangitin niya istorya mo. Huwag kang mag-alala kung kulang man yung nasagap mo para sa kanya, siya na bahala magdugtong o mag-conclude ng mangyayari.



The Historian


Sila yung mga background checker. Alam nila istorya ng buhay mo, ng pamilya mo o anuman. Madalas ang linya nila: “Nagmana ‘yan kay Kwan”, “Ganyan din kasi si ano”, “Eh ‘di ba nga ganoon yung pamilya niya” o “ Kanino pa ba magmamana?”.



The Judge


Ang dakilang korte suprema. Maraming kakampi ang mga ito, kasi kung sino ang panigan niya, dun din ang mga ka-chika. Hindi naman daw sila mga judger, sadyang sinasabi lang daw nila ang totoo. Kapag nakabangga mo sila, asahan mong ‘di na maganda ang imahe mo sa iba. 



The Traitor


Ito 'yung pinakakinaiinisan ng lahat ng mga ka-chika. Sila din kasi ‘yung mga hunyango. Akala mo kakampi, tapos ilalaglag ka. Ang masaklap pa, ikaw lang ang masama, siya malinis na. Pinautang lang, kakaliwa na. Yung mga ganito dapat hindi ini-invite sa last supper eh, hayaan mo siyang magutom.