Vax sites iniiwasang maging superspreader
Ni Ricci Cassandra Lim
>
LARAWAN MULA SA: UNTV |
Nagbigay ng babala ang Malacañang nitong Huwebes, Agosto 5, sa mga opisyal kaugnay sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa mga vaccination sites
Lumabas ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos idagsa ng mga tao sa Metro Manila patungo ang mga vaccination sites sa gitna ng mga balitang hindi sila makatanggap ng ayuda sa loob ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ).
>
Gayunpaman, sinabi ni Roque na hindi totoo ang mga kumakalat na impormasyon.
"Tingin ko may mga nagpapakalat talaga ng fake news. Meron po talagang walang matinong ginagawa sa buhay nila. Ewan ko ba kung bakit hindi pa sila ma-COVID," ani Roque.
Nabanggit ni Roque na binigyang diin ni Pangulong Duterte na obligasyon ng Local Government Units na mapadali ang proseso ng pagbabakuna.
“Obligasyon po ng mga lokal na pamahalaan na iwasan na maging superspreader event ang ating mga bakunahan. Dapat maging makatao at yung overcrowding po, hindi makatao,” pahayag nito sa kaniyang press briefing.
Ayon din sa kanya, may sapat na kakayahan ang pamahalaan upang maipatupad ang mga protocols at may kahihinatnan ang mga hindi susunod.
“Sapat po ang ating resources para magpatupad ng minimum health standards. Ang hindi po magpapatupad niyan, ay isang klase ng dereliction of duty ng ating mga lokal na opisyales,” aniya.
“Kailangan mapatupad ang minimum health standards. Otherwise, ang ating bakunahan na ang objective ay makasalba ng buhay, baka ‘yan pa ang maging dahilan ng pagkakasakit at kamatayan,” dagdag niya.
Mga sanggunian ng ulat: Manila Bulletin, Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN News