Ni Xhiela Mie Cruz

PHOTOS: PCOO, SENATE PRIB

Binansagang ‘pathological - teller’ at ‘despot’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang chairman ng Senate blue ribbon committee na si Senator Richard Gordon dahil sa kuwestiyonableng paggasta ng gobyerno sa sobrang taas na presyo ng suplay ng medikal noong nakaraang taon.

Sa isang pre-recorder ‘Talk to the People,' lantarang binuweltahan ng pangulo ang nasabing senador sapagkat napakarami pa umano nitong sinasabi na nagtulak sa kaniya upang bitiwan ang mga pambabatikos na salita.

“‘Yung blue ribbon committee, ang chairman is a despot. He does not allow anybody to answer and cuts the testimony of even the COA [Commission on Audit],” ani Duterte.

“Nakinig man ako, ano’ng klaseng tao ito? And he talks and talks and talks. He cannot help but open his mouth. He is a pathological story-teller, si Gordon,” sabi pa nito.

Dagdag pa rito, tinawag din ni Duterte ang senador na para umano itong lasing kapag nagsasalita, hindi nakikinig at hindi nagbibigay ng kahit kaunting pagkakataon upang makapagsalita ang iba.

“Pa-English-English, ‘yung English mo hindi naman maintindihan ng lahat. Mag-English ka, Filipino-English, mag-i-English na slur. Slurred para kang lasing,” pahayag ng Pangulo.

Ikinumpara pa ng Pangulo ang kaniyang sarili sa senador pagdating sa paraan ng pagsasalita nito na hindi kailanman ito nagsalita nang parang nakainom at may halaga ang bawat sinasabi ng kaniyang bibig.

Sa kabilang banda, umabot sa isang oras ang pambabatikos ni Duterte kay Gordon at dalawang oras naman ang kabuuan ng kaniyang public address.


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer