Ni Patrick Caesar Belas

PHOTO: Daily Pedia

"Takot ka kasi alam mong marami kang atraso all throughout the years and you cannot possibly have the time to cover up everything also.”

Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos akusahan nito si Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senator Richard Gordon na umiiwas umano sa isang state audit.

Binigyang diin ng Pangulo na ang nasabing humanitarian organization ay kinakailangang sumailalim sa audit kung ito ay tumatanggap at gumagastos ng pera mula sa pamahalaan.

"Kailangan malaman namin 'yung binigay namin sa'yo nang ilang taon na, nasaan na? Sen. Gordon, I'm demanding an answer," ani Duterte.

Taliwas dito, mismong ang Commission on Audit (COA) na ang nagsabi na wala sila sa hurisdiksyon upang isagawa ang pag-audit sa PRC dahil ito ay isang non-governmental humanitarian organization.



Gayunpaman, idinagdag din ng COA na maaari pa rin namang suriin ang mga nagastos ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa PRC.

Siniguro rin ng PRC na dumadaan sa masusing auditing process ang organisasyon mula sa isang international firm.

“Being that PRC is not a government agency, it is not subject to audit by the [COA].  The PRC audit is conducted by a private international accounting firm which is also the auditor of the International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies which receives a copy of the independent audit report,” ayon sa PRC sa isang statement noong Biyernes.

Matatandaang inakusahan din ng Pangulo si Gordon na ginagamit umano nito ang pondo ng PRC para sa pangangampanya, bagay na itinanggi ng senador.

Nag-ugat ang alitan sa pagitan ng dalawa matapos magsimula ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa procurement ng pamahalaan sa overpriced personal protective equipment (PPE) noong nakaraang taon nang magsimula ang pandemya.