‘Love of country’ ni Duterte nag-udyok sa kanyang tumakbo bilang VP
Ni Monica Chloe Condrillon
PHOTO: PCOO |
Isinaad ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang pagnanais na makatulong at maipagpatuloy ang pagsisilbi bilang pagmamahal sa bayan ang naging dahilan kung bakit siya nagdesisyon na tumakbo bilang bise presidente sa darating na Halalan 2022.
“Alam mo bakit ako tatakbo ng vice president? Is it ambition? Maybe. Is it a sense of love of country? Yes. Is it really because I want to see the continuity of my effort even though I am not the one giving the directions? Baka makatulong ako,” opisyal niyang pahayag sa kanyang pagtanggap sa nominasyon ng kanyang partidong PDP-Laban sa national convention nito noong Miyerkules, Setyembre 9, sa Pampanga.
Aniya, gusto niyang manatili para tumingin at makapagmungkahi pa sa susunod na mamumuno kung ano ang dapat gawin sa iilang mga sitwasyon.
Kaakibat ni Duterte sa kanyang pagtakbo si senador Christopher “Bong” Go na siyang pinili ng partido na tumakbo bilang presidente.
“Let us not be hindered by those who only seek personal political gain and instead realign ourselves with the party’s objectives,” mensahe niya sa kaniyang mga ka-partido
Tiwala naman ang pangulo na magwawagi ang PDP-Laban sa darating na eleksyon.
“I am confident that with a strong resolve and solidarity, we’ll once again claim victory in the upcoming elections and together achieve a genuine and lasting prosperity for our country,” wika niya pa.
Labis din siyang nagpasalamat sa pananalig ng kanyang partido at sa suportang ipinakita nito sa administrasyon, lalo na sa mga proyekto nito tulad ng pagsugpo sa iligal na droga, terrorismo, korupsyon, at kahirapan.
“I am hopeful that this will allow me to continue serving the Filipino people and lead the entire nation towards greater progress,” dagdag niya.
Pinalalahanan din ng pangulo ang ibang mga kandidato na magkaisa at tutukan ang pagpapaunlad ng kalidad ng pamumuhay dito sa Pilipinas lalo na’t patuloy pa rin ang pagharap sa krisis dulot ng COVID-19.
Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer