Malacañang sa face shield requirement: It will stay
Ni Patricia Nicole Culob
PHOTO: Expat Forum |
Nanindigan ang Malacañang na ipatutupad pa rin ang face shield requirement kasabay ng pagbasura nila sa mga alegasyong may kurapsyon sa likod ng polisiya.
Sa isang press briefing, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa pinag-uusapan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang posibilidad ng pagtatanggal sa face shield requirement.
"Sa ngayon po wala… “Pero I understand that even the WHO [World Health Organization] will render an expert opinion on whether or not the use of face shields is justified. Antayin po natin 'yong opinyon ng WHO,” hayag niya.
Sa kabilang banda, nagpahayag si WHO representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe na pag-aaralan nila ang karanasan ng bansa sa paggamit ng face shields.
Itinanggi rin ni Roque na konektado ang kurapsyon sa likod ng face shield requirement.
"Wala pong relasyon 'yan… ang pagsusuot po ng face shields, nakikita niyo naman sa ating presidential press briefings, ay sang-ayon po sa mga opinyon ng eksperto,” paliwanag niya.
Matatandaang nag-ugat ang mga alegasyon matapos kwestiyunin ng senado na "overpriced" umano ang face shields na binili ng The Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa halagang P27.72 at P120 kada piraso.
Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer