Ni Daniel Enrico Chua

PHOTO: Sagisag

Ipinapanukala ng Department of The Interior and Local Government (DILG) ang pag-oobliga na isabit ang Vaccination Card sa leeg sa tuwing lalabas ng bahay upang madaling matukoy kung sino na ang mga bakunado.

Ayon kay DILG Usec. for Brgy. Affairs Martin Diño sa isang public press briefing, naipaabot na sa Inter-Agency Task Force for Infectious Disease (IATF) ang kanilang suhestiyon na isakatuparan ang pagsuot ng Vaccination Card ID sa tuwing lalabas ng tahanan.

Sa panukalang ito, tanging vaccinated person lang ang papayagang makapasok at gustong mag-dine in sa mga restaurant, magpagupit sa salon, at maging ang pagpasok sa simbahan at iba pang pampublikong lugar sa umiiral na Alert Level 4.

Dagdag pa ni Diño, makakatulong din ang patakarang ito para maiwasan ang labis na pagsita at pagsuway ng mga opisyales sa mga tao.

Samantala, patuloy pa rin ang panghihikayat ng Department of Health (DOH) sa lahat ng Pilipino na magpabakuna para makamit ang herd immunity.


Sanggunian ng ulat: RMN