TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Drop the ‘Vice’: VP Leni Robredo tatakbong Pangulo

Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: ABS-CBN News

Opisyal nang nagdeklara ng kandidatura at nakapagsumite na rin ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-Pangulo ang kasalukuyang Bise Presidente Leni Robredo, nitong Huwebes, Oktubre 7.

“Buong-buo ang loob ko ngayon: Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako; lalaban tayo. Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022,” pahayag ni Robredo kinaumagahan ng Huwebes sa naging deklarasyon nito ng kandidatura. 

Binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na kailangan nang wakasan ang kawalan ng maayos na pamamahala na siya aniyang ugat ng kaliwa’t-kanang suliraning kinahaharap ngayon ng bansa.

“Alam na nating lahat ito: Kaya maraming nagugutom, naghihirap, at namamatay, dahil sariling interes at hindi kapakanan ng Pilipino ang number one priority ng mga nasa poder. Ang kawalan ng maayos na pamamahala ang ugat ng ating maraming mga problema, at ito ang kailangan wakasan,” pahayag ni Robredo. 

Nanumpa rin siyang kanyang tutuldukan ang korupsyon, “’yung incompetence,” at kawalan ng malasakit na laganap sa kasalukuyang administrasyon, at papalitan ito ng pamumunong matino at may kahusayan.

“At kung gusto nating tunay na makalaya sa ganitong sitwasyon, hindi lang apelyido ng mga nasa poder ‘yung dapat palitan; ‘yung korupsiyon, ‘yung incompetence, ‘yung kawalan ng malasakit, kailangang palitan ng matino at mahusay na pamumuno,” aniya.

Hinimok naman niya ang taumbayan na samahan siyang sugpuin ang “luma at bulok na klase ng pulitika” at igawad pabalik ang kakayahang magdala ng pagbabago sa kamay ng masang Pilipino.

Ilang oras naman makaraan ang kanyang talumpati, bandang alas-3 na ng hapon nakapagpasa sa Sofitel Philippine Plaza Manila, Pasay City, ng kanyang COC si Robredo na sinamahan ng dalawa sa kanyang mga anak na sina Aika at Tricia Robredo.

Matapos pirmahan ang 2022 election integrity pledge, agad ding umalis si Robredo at hindi na nagbigay pa ng talumpati gaya ng ibang kandidato. 


Ticket ni Robredo sa Halalan 2022

Bagama’t lalaban si Robredo bilang independent candidate at hindi sa ilalim ng Liberal Party (LP), kanyang nilinaw kinabukasan, Agosto 8, na hindi siya bumaba sa puwesto bilang chairperson ng LP.

Ayon kay Robredo, ang desisyon niyang tumakbo bilang independent candidate ay pagpapakita na bukas sila sa pakikipag-alyansa sa maraming partido, at idinagdag pa na hindi naman para sa partido ang pagtakbo sa pagka-Pangulo, bagkus para sa “pagkakaisang-lakas ng sambayanan.”

“Running for independent is our symbolic way of showing na bukas kami sa pakikipag-alyansa sa maraming mga partido, na ‘yung aming isinusulong na inclusivity. ‘Yung sinimulan naming na pakikipag-usap kahit hindi bahagi ng partido. ’Yung pagkakandidato naman para sa pangulo ay hindi para sa partido, pero para sa pagkakaisang-lakas ng sambayanan,” pahayag ni Robredo.

Gayunpaman, mula pa rin naman sa LP ang magiging ka-tandem ni Robredo na si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na tatakbo namang bise presidente.

Personal pang sinamahan ni Robredo si Pangilinan na magsumite ng kanya ring COC para sa pagka pangalawang pangulo.

Matapos niyan, sa isang press briefing nito pa ring Biyernes sa Quezon City Reception House, pormal na ipinakilala ni Robredo si Pangilinan bilang kanyang running mate, at sinabing kumpiyansa siya na kaya ng Senador na aniya’y “subok na pagdating sa serbisyong publiko” na pangatawanan ang responsibilidad ng ikalawa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa bansa.

“Wala akong duda na kayang-kaya at handang-handa na siyang (Pangilinan) tumugon sa mas malaking hamon, at sa mas malakas na tawag ng paglilingkod. Karangalan ko na ipakilala sa inyo ang magiging kasangga natin sa pagtakbo, ang ating bise president, walang iba kung hindi si Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan,” ani Robredo.

Patungkol naman sa senatorial slate ng tambalang Leni-Kiko, ayon sa tagapagsalita ng Bise Presidente, asahan aniya ang paglabas ng listahan sa loob ng linggong ito.

“Mayroon na siyang ilang mga unang kabahagi noong kaniyang senatorial slate, at umaasa tayo, we will make the announcement kung sino pa iyong ibang makakasama rito sa kampanyang ito,” saad ni Gutierez.

Sa kasalukuyan, ang mga sumusunod na mga senatorial candidates pa lamang ang nakukumpirmang mapapasama sa lineup:

• Human rights lawyer Chel Diokno
• Akbayan Senador Risa Hontiveros
• Senador Leila De Lima
• Dating Senador Antonio Trillanes IV

Samantala, ilan naman sa makakalaban ni Robredo sa presidential race ay ang anak ng dating diktador, Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr. na siya ring tinalo ni Leni sa pagka-bise noong Halalan 2016; Manila Mayor Isko Moreno; Sen. Panfilo "Ping" Lacson; Sen. Manny Pacquiao; at former police chief at Sen. Ronald "Bato" dela Rosa.