Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: Philippine Daily Inquirer

Halalan season na naman at ilang buwan na lang ay pormal na ring magsisimula ang campaign period sa bansa. 

Ngunit bago 'yan, halina't ating balikan ang mga mala-telenovelang drama, mga sorpresa’t pasabog, at iba pang mga kaganapang pulitikal na nangyari sa bansa nitong mga nagdaang buwan bilang pagsalubong sa Eleksyon 2022.


COC Filing: Entrada ng mga Sorpresa

PHOTO: My SBN

Sa darating na susunod na botohan, alam mo bang nasa 77 na mga national positions ang pag-uumpugan ng mga kandidato?

Sa nasabing bilang, parehong isa ang nakalaan para sa Presidente at Bise Presidente, 12 naman sa mga senador, habang 63 sa mga party-list representatives. 

Kahit pa may pandemya, gugulong at gugulong daw ang eleksyon, ayon ‘yan sa Commission on Elections o COMELEC. 

Kung kaya’t sa kabila ng patuloy na pananalanta ng coronavirus disease (COVID-19), umarangkada ang walong araw na itinakdang palugit para sa pagsusumite ng certificate of candidacies (COC) ng mga kumakandidato para sa paparating na pambansang halalan sa susunod na taon.

Mula Oktubre 1 hanggang 8, nasa 302 na mga indibidwal ang nagtungo sa Sofitel Philippine Plaza sa Pasay City upang magpasa ng kani-kanilang COC sa pagka-Pangulo, pagka-Bise Presidente, at pagka-senador.

Sa nabanggit na bilang, 97 ang mga presidential aspirants, kapansin-pansing mas mababa ito kumpara sa 130 indibidwal na nagsumite para sa pagka-Presidente noong 2015. 

Mula naman sa 19 noong 2015, umakyat sa 29 ang nagpasa ngayon bilang VP. Tumaas din ang bilang ng mga nagsumite ng pagka-senador sa 176 mula sa 172 noong nakaraang eleksyon.

Humigit-kumulang naman na 38 ang mga partidong pulitikal na may kumpletong kandidato mula sa Pangulo, VP, senador, hanggang sa congressman. 

Higit pa ring mas marami ang mga kumakandidatong independent, kung saan nasa 76 ng mga nag-file sa pagka-Pangulo ang walang partidong pulitikal, samantalang 12 naman sa pagka-VP, at 85 sa pagka-senador.

Unang nagpasabog ang kasalukuyang namumunong partido sa bansa, ang Cusi-led PDP-Laban faction. Sa ilalim nito naghain noong Oktubre 2 ng kanyang kandidatura sa pagka-VP si Senator Christopher “Bong” Go.

Hindi siyempre mawawala sa tabi ng kanyang dating personal aide si Pangulong Rodrigo Duterte na bagama’t una na ring tinanggap ang pagnomina sa kaniya ng kanilang partido sa pagka-VP ay nag-anunsyo nang hindi inaaasahan na magreretiro na umano siya mula sa pulitika.

Oktubre 5 naman nang maghain ng kanyang COC ang dating senador at anak ni diktador Ferdinand Marcos Sr., Bongbong Marcos. 

Sa araw ring iyon, umani ng batikos ang kampo ni Marcos dahil saktong nakatanggap ng alert SMS ang mga tao sa COMELEC venue nang siya ay naghahain ng kanyang kandidatura.

Sa halip kasi na emergency alert para sa mga kalamidad, SMS na may #BBM2022 at nagsasabing “BBM sa bansa, BBM sa taong bayan, BBM sa Masa. BBM Pilipinas!!!” ang naipadala sa kanila.

Itinanggi ng kampo ni Marcos na may kaugnayan sila sa nasabing alert. Ayon naman sa National Telecommunications Commission (NTC), dadaan daw sa kanilang imbestigasyon ang isyung ito.

Kung sorpresa ang pinag-uusapan, hindi rin nagpahuli ang lider ng oposisyon at kasalukuyang Bise Presidente, Leni Robredo.

Matapos ang pananahimik ukol sa kanyang planong pulitikal ng ilang buwan, noong Oktubre 7, kinumpirma niya na rin sa wakas siya ay tatakbo bilang Pangulo. Sa araw na ito niya rin ipinasa ang kanyang pagkakandidatura sa COMELEC. 

Bagamat tatakbo siya bilang independent, agad ding nilinaw ng kanyang tagapagsalita, Attorney Barry Gutierrez, na mananatili ang pangalawang Pangulo bilang chairwoman ng Liberal Party.

Kinabukasan, Oktubre 8, kasabay ng pahayag na tatakbo siyang ka-tandem si Sen. Kiko Pangilinan, sinamahan din ni Robredo ang senador sa paghain nito ng kanyang COC para VP. 

At sino ba naman ang makalilimot sa pang-ending pasabog ng PDP-LABAN?

Sa huling araw ng COC filing, lumitaw si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa bilang standard-bearer ng faction ng ruling party na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Samantala, narito ang ilan pang pamilyar na mga pangalan na nagpasa rin ng kani-kanilang COCs para sa pagka-Pangulo at pagka-VP:

• Sen. Manny Pacquiao, Promdi
• Manila Mayor Isko Moreno
• Sen. Panfilo Lacson
• Sen. Vicente Sotto III
• Sen. Bong Go
• Sen. Francis Pangilinan
• House Deputy Speaker Lito Atienza

Sa mga naghain naman para sa pagka-senador, ang ilan sa kanila ay umaasang ma-reelect at ang iba naman ay sumusubok makabalik sa Senado.

Narito ang listahan ng mga pamilyar na ring mga mukha sa mga tatakbong senador:

• House Deputy Speaker Loren Legarda
• Sorsogon Gov. Chiz Escudero
• Sen. Risa Hontiveros
• Sen. Juan Miguel Zubiri
• Sen. Joel Villanueva
• Sen. Sherwin Gatchalian
• Sen. Leila de Lima
• Sen. Dick Gordon
• Taguig 1st District Rep. Alan Peter Cayetano
• JV Ejercito
• Jinggoy Estrada
• Samira Gutoc
• Herbert Bautista
• Neri Colmenares
• Chel Diokno
• Jejomar Binay
• Gibo Teodoro Jr.
• Antonio Trillanes
• Gregorio Honasan
• Larry Gadon

Hindi rin mawawala ang mga artista at iba pang kilalang personalidad na makikipagkarera para mapabilang sa 12 na mailuluklok sa darating na halalan.

• Raffy Tulfo
• Carlito Balita
• Francis Leo Marcos
• Robin Padilla
• Rey Langit
• Mark Villar
• Manny Piñol
• Silvestre Bello Jr.
• Salvador Panelo
• Noli De Castro


Candidate Substitution, Withdrawal: Pag-ariba ng Political Drama

PHOTO: ABS-CBN News

Bagama’t tapos na ang COC filing, ayon sa COMELEC, hindi pa maisasapinal ang listahan ng mga opisyal na kandidato para sa Halalan 2022, gayong may paghahain pa ng substitution at withdrawals hanggang Nobyembre 15.

Sa ilalim ng Section 77 ng Omnibus Election Code, pinapahintulutan ang mga accredited political parties na mag-substitute kung ang kanilang mga kandidato ay namatay, na-disqualify, o nag-withdraw.

Ang unang yugto ng tila nabubuong political circus sa Halalan 2022 ay naganap nang mag-withdraw si incumbent Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ng kanyang re-election bid.

Humalili sa kanya sa pagtakbo bilang alkalde ng Davao City ang kanyang nakababatang kapatid na si Sebastian "Baste" Duterte na nauna na ring nag-withdraw ng kanyang kandidatura sa pagka-vice mayor.

Ilang oras lamang matapos ang pagbawi sa kani-kaniyang lokal na kandidatura ng magkapatid na Duterte, emosyonal namang naghatid ng talumpati sa isang Malasakit Center event ang noo'y vice presidential aspirant Christopher "Bong" Go kung saan din siya tila nagpahiwatig ng kanyang pag-atras sa paglaban bilang VP. 

Dumating ang Nobyembre 13 at lubos pa ngang tumindi ang paglaganap ng political drama kasabay ng candidate substitution at withdrawal.

Bagama't nakailang ulit siyang sabihin na hindi siya tatakbo sa anumang national position, opisyal nang tinuldukan ni Sara ang kanyang pagmamatigas at naghain na ng kandidatura sa pagka-VP sa ilalim ng partidong Lakas-CMD.

Agad itong sinundan ng paglalabas ng resolusyon ng partido ni Bongbong Marcos, Partido Federal Pilipinas (PFP), na kumukupkop kay Sara bilang running mate ni Marcos.

Sa kaparehong araw, nag-withdraw din ng kanyang kandidatura sa pagka-Presidente si Sen. Bato Dela Rosa. 

Nagpahiwatig naman si Sec. Martin Andanar na tatakbo raw si Sen. Go bilang Pangulo, at ang kasalukuyang Pangulo na si Digong ay makikipagkarera sa sarili niyang anak para VP.

Nag-withdraw nga bilang VP si Sen. Go at nag-file ng substitution para sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan.

Hanggang sa huling araw ng substitution at withdrawal, hindi pa rin nauubusan ng pasabog si Duterte maging ng kanyang mga opisyal at kasamahan sa partido. 

Nobyembre 15, matapos mabigong makasilat ng puwesto sa International Law Commission (ILC), bumitiw sa puwesto bilang tagapagsalita ng Pangulo si Atty. Harry Roque kasabay ng pagsasapubliko ng kanyang senatorial bid na ini-endorso naman ni Duterte-Carpio.

At bilang ending scene sa tila binubuo nilang telenovela, binitawan nang tuluyan ni Pangulong Duterte ang inisyal nitong retirement plan at last-minute na naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-senador.

Ayon sa datos ng COMELEC, anim sa sampung substitutions na kanilang naitala ay may mga koneksyon kay Pangulong Duterte.

Sumatutal, nasa 22 national candidates ang hindi na nagpatuloy sa karerang pulitikal na magaganap sa susunod na taon. 

Ang iba pang kilalang personalidad na nag-file ng substitution ay kinabibilangan nina Joseph Peter Sison na humalili sa mamamahayag na si Noli de Castro sa ilalim Aksyon Demokratiko; at dating Party-list Rep. Walden F. Bello na tatakbong VP at ka-tandem ni labor activist Leodegario “Ka Leody” de Guzman sa ilalim naman ng Partido Lakas ng Masa.

Sa malamang, hindi pa rito magtatapos ang pag-arangkada ng samu't-saring pasabog at taktika ng mga kandidato para sa Halalan 2022. Baka nga ito pa lamang ang simula. 
 
Gayumpaman, manatili nawa tayong maging mapagmatyag at maging matalino sa pagkilatis sa mga ilululok nating mga lider. Lagi't-lagi, PILIIN ANG PILIPINAS!