Duterte: Mag-face shield kung ayaw matamaan ng Omicron variant
Ni Kier James Hernandez
PHOTO: Mark Demayo/ABS-CBN News |
Ito ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People kaugnay sa banta ng bagong variant bunsod ng COVID-19 sa paniniwalang nakatulong nang malaki ang paggamit ng plastic barrier sa pagbaba ng mga kaso.
“Kaya ‘yung talagang gusto n’yo ‘di kayo matamaan, huwag ninyong itapon ‘yung shield. Continue using it, I advise you because I really firmly believe that the wearing of that face shield has contributed a lot. I cannot quantify by what percentage but just a gut feeling na ‘yung kasi [cases], mababa na tayo ngayon,” ani Duterte.
Naniniwala ang pangulo na ang pagsusuot ng face shield, kasabay ng face mask, ay makatutulong upang magkaroon ng dagdag na proteksyon ang bawat isa.
"Nakakatulong sa Pilipino, totoo lang, I think the compliance of our citizens in the matter of strictly enforcing the mask, one, and while it might be not really a well-studied proposition, but I would dare say that that shield will add another layer of protection,” dagdag niya.
Matatandaang inaprubahan na ng pangulo ang hindi sapilitang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert level 3 pababa noong Nobyembre 15.
Iginiit naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na tinitingnan na ng gobyerno ang posibleng pagsusuot muli ng face shields.
Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng tatlong kumpirmadong kaso ng naturang variant.
Samantala, ayon pa sa Pangulo, ikinatatakot niya na baka mas makalusot ang nasabing baryante sa bansa nang mas maaga sa inaasahan sapagkat "Depleted na talaga ang pera ng Pilipinas. Even coping with the growing expenses for the typhoon victims."
Report Sources: Philippine Daily Inquirer