By Roland Andam Jr.

PHOTO: The Philippine STAR / Senate PRIB / ExplainED PH

Kasuhan man ng libel o paninirang-puri ng kanyang mga nakakaalitan, hindi raw ito aatrasan ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon, sabay sabing sila ang mas dapat na matakot sa kanya.

Ito ang iginiit ni Guanzon matapos matanong sa isang panayam sa ANC, nitong Martes, kung nakararamdam daw ba siya ng takot sa posibilidad ng pagsasampa ng libel suits ng nakakagirian niyang kapwa Comelec Commissioner Aimee Ferolino.

Sinalubong ni Guanzon ang naturang tanong ng isang halakhak bago niya sinabing si Ferolino ang mas dapat na matakot sa kanya gayong maaari siyang magsampa ng “impeachment case” laban dito sa paglabag sa “anti-graft and corrupt practices act.”


“She should be afraid of me, because I might file an impeachment case against her for violation of the anti-graft and corrupt practices act,” matapang na tugon ni Guanzon.

Pagdidiin pa niya, huwag nila siyang pagbabantaan ng libel suits gayong naging propesor siya ng batas at may higit sa 25-taong karanasan bilang isang ‘practicing lawyer’.

“You can sue me anywhere in the country and I have money to go around the country to campaign against your candidate,” dagdag pa niya.


‘Pagtataksil’ ni Ferolino

Sa isa namang panayam sa CNN Philippines, partikular na tinukoy ni Guanzon na ang Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang umano'y nilabag ni Ferolino. 

Si Ferolino ang ponente o tagasulat ng resolusyon ng Comelec First Division hinggil sa “consolidated” na tatlong kaso ng diskwalipikasyon laban sa tumatakbong pangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Ayon kay Guanzon, isa umanong pagtataksil o panlalansi sa tiwala ng publiko ang ginagawa ni Ferolino na pag-aantala sa paglalabas ng resolusyon ng first division na tila ba sinasadya umano para ma-“knock out” ang kanyang boto pabor sa pagdidiskwalipika kay Marcos Jr.

“This is betrayal of public trust,” saad ni Guanzon.

Ngayong araw, Pebrero 3, ang opisyal na pagsisimula ng pagreretiro ni Guanzon mula sa kanyang Comelec post. 

Inaasahan namang lilipat si Casquejo sa Second Division ng poll body bilang Presiding Officer.
 
Dahil dito, ayon pa rin kay Guanzon, tinatarget din ng pag-delay ni Ferolino sa pag-isyu ng resolusyon na i-“defeat” maging ang boto ni Commissioner Marlon Casquejo na nauna na ring tumangging isapubliko ito.

Maari rin aniyang pinagsususpetsahan ng mga nasa likod ng naturang delay na baka DQ rin ang boto ni Casquejo. 

Nilinaw naman din agad ni Guanzon na hindi pa niya alam ang boto ng kapwa niya Senior Commissioner.

"So it's not just my vote that's being defeated by our junior member – both senior commissioners' votes are being defeated because this way, we cannot cast our vote,” saad ni Guanzon.

“Why? Because Commissioner Casquejo is moving to the Second Division as presiding commissioner and therefore cannot vote starting Feb. 3," dagdag pa niya.

Bukod dito, pinalutang ding muli ni Guanzon ang suspetsya nitong may isa umanong “makapangyarihang” politiko na nangingialam sa kaso. 

Pahayag pa ni Guanzon, “"If she was not paid or bought off, she should already release her resolution.”
 

Guanzon's Blind Item 

Sa kapareho pa ring ANC interview nitong Martes, isiniwalat ni Guanzon na isang senador mula Davao ang tinutukoy niyang nakikisawsaw sa DQ cases laban sa dating senador Bongbong Marcos. 


Mariin namang tumanggi si Guanzon na pangalangan ang naturang senador, ngunit sinabing nabunyag na niya ito sa isang “person of authority” na kalauna'y kanya ring tinukoy na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

“Among the senators that supported her (Ferolino) in the Commission on Appointments. But it's enough for me that his wife already knows and that's going to be a war in his household,” wika ni Guanzon.

“I've already told a person in authority and I have to respect him also. He says he'll get back to me, he'll get back to me,” dagdag pa niya.

Aniya pa, hindi pa tamang oras at hindi rin “fair” sa kanya na ilantad ang katauhan ng senador sa publiko.

Gayunman, handa umanong humarap si Guanzon at ilahad sa “proper forum” ang kanyang nalalaman. 

“[I]t's not time to say it in public. [But] if I have to say it in a proper forum, I will do it. If the Senate calls me, I'll do so,” saad niya.

“It's not fair for me to also say his name here without a proper forum. Let's do it in the Senate.”

Dalawa sa mga nakaupong senador ngayon ang mula sa Davao: sina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 

Ayon pa kay Guanzon, “close” umano ang senador kay Ferolino noong nasa Davao pa ito.

“You know Commissioner Ferolino, lacking in experience in the practice of law, was nominated and strongly supported by a senator, or at least one senator. That’s already on record, that she will not act like this if it’s not that senator who will order her because they are very close since they were both in Davao,” giit ni Guanzon.

Samantala, nakatakda namang magtatapos ang termino ni Ferolino bilang Comelec commissioner sa 2027 – pitong taon makaraan siyang ma-appoint sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte, na mula rin sa Davao, noong Nobyembre 2020. 


Iniwasto ni Ricci Cassandra Lim