'AYOS LANG': Comelec, ‘walang problema’ sa mas maagang inagurasyon ni Inday Sara

Ni Roy Raagas

PHOTO: Angie de Silva/Rappler; Sara Duterte/Facebook

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na wala silang nakikitang problema sa inanunsyong balak ni Davao City Mayor Sara Duterte na manumpa bilang Bise Presidente bago ang Hunyo 30, kahit hindi ito sakop sa batas.

Binanggit ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang press briefing na maaari itong mangyari, dahil may naganap nang ganitong senaryo noon at wala itong nakikitang ilegal.

“As to whether the oath should happen at exactly 12 o’clock, marami na tayong nangyaring nanalong presidente kahit si Barack Obama nga at si Donald Trump na parehas sa provision ng Constitution natin, nag-oath sila even several minutes before 12 o’clock,” ani Garcia.

Dagdag pa niya, marami sa mga nananalong nasa lokal na pamahalaan, gayundin sa mga kongresista, ang gumagawa ng ganitong pangyayari noon pa man.

“Is that a violation of the Constitution? Nobody questioned," giit ng commissioner.

Sa kabilang banda, nakasaad sa Artikulo VII, Seksyon 4 ng 1987 Saligang Batas na magsisimulang umupo sa pwesto ang mga inihalal sa ika-12 ng tanghali sa Hunyo 30, hanggang sa eksaktong petsa sa susunod na anim na taon.

Kaugnay nito, inanunsyo ni presumptive vice president Sara Duterte na nais niyang gawin ang pagtatalaga sa kanya sa Davao City sa ganap na ika-19 ng Hunyo.

Wika niya, gusto niyang idaos ito nang mas maaga upang makadalo siya sa panunumpa ng kanyang running mate na si presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“While waiting for the proclamation, I already penciled in June 19 as the inauguration date in Davao City. The Dabawenyos’ patience made me the public servant that I am today, it is only fitting to honor them the opportunity to witness the oathtaking,” ayon sa pahayag ni Duterte-Carpio.

 

Iniwasto ni Kyla Balatbat

Previous Post Next Post