Bagong mundo - loading: Ocean Hero at Ecosia, patuloy ang paglilingkod sa kalikasan

Ni Jhennisis Valdez

Tamad ka ba at ayaw mong makonsumo ang iyong pisikal na enerhiya, ngunit nais mong makatulong sa paglaban sa climate change? ‘Wag kang mag-alala, Ocean Hero at Ecosia ang bahala sayo, isang pindot mo lang makatutulong ka na agad.

Kasabay ng naganap na scientist rebellion noong nakaraang buwan, siya namang pag-aksyon ng mga simpleng mamamayan ukol dito upang marinig ng buong mundo na kailangan tayo ng kalikasan. Ito ay nagdulot ng pagsikat sa madla ng mga environmental search engine na Ocean Hero at Ecosia, upang makatulong sa pagsasaayos ng ating kalikasan.


Eco-sia ang susi
PHOTO: Innovative Visual

Naunang sumikat sa publiko ang search engine na Ecosia na kung saan sa pamamagitan ng paggamit nito ay makatutulong ito upang malabanan ang deforestation o pagkakalbo ng kagubatan.

Ito ay sapagkat ang layunin ng Ecosia ay makapagtanim ng puno sa bawat paggamit ng kanilang search engine.

Gumagana ang prosesong ito sa pamamagitan ng; una, kapag nag-search ang isang indibidwal gamit ang Ecosia, nagkakaroon ito ng mga search ad na siyang pinanggagalingan ng income ng nasabing kumpanya. Ang kitang natatanggap nila ay ginagamit upang makapagtanim ng puno sa iba't ibang lugar sa mundo.

“We use the profit we make from your searches to plant trees where they are needed most,” ayon sa Chief Executive Officer (CEO) ng Ecosia na si Christian Kroll.

Sa katunayan, umabot na sa 15 milyong tao ang gumagamit ng Ecosia na naging dahilan kung bakit nakapagpatayo na ang kumpanya ng 13,000 planting sites at nakapagtanim na sila ng higit 150 milyong puno sa buong mundo.

Kaugnay nito, tinataya ring isang puno ang dumadagdag sa kanilang listahan kada segundo.

Dagdag pa, maliban sa kanilang mga planting site, nagkaroon din sila ng iba pang proyekto gaya na lamang ng pagliligtas ng mga chimpanzee sa Uganda, muling pagbuhay sa disyerto ng Burkina Faso, at pangangalaga ng mga palm oil tree sa Indonesia.

Bilang patunay na totoo at hindi nagsisinungaling ang Ecosia, nagkakaroon ito ng monthly financial reports na makikita sa kanilang website.

Ayon naman kay Kroll ay ligtas ang paggamit ng Ecosia dahil hindi nila ipinagbibili ang bawat data ng mga tao, at wala ring third-party tracker ang kumpanya. 

“Trees mean a happy environment, healthy people, and a strong economy,” pahabol ng organisasyon.


Makabagong Ocean Hero

PHOTO: Do Something Directory

Kagaya rin ng Ecosia na naging kilala ay ang Ocean Hero, ngunit ang pinagkaiba lamang nito ay sa dagat sila nakapokus.

Gayunpaman, hindi ganoon kapatok ang Ocean Hero kumpara sa ibang search engines, kaya naman nagkaroon sila ng panibagong feature gaya ng ocean mode na kung saan maaari mong i-set ang iyong web background na parang nasa ilalim ng karagatan. 

Bukod pa rito, mayroon din silang ranking system ng bawat user ng Ocean Hero, na kung saan nakabase ito kung ilang plastic bottles na ang napulot dahil sayo.

Ayon sa Ocean Hero, umaabot sa 18 bilyong pounds ng plastik ang natatagpuan sa iba’t ibang anyong tubig sa mundo kada taon. 

Bunsod nito, tinatayang isang garbage truck ang nagtatapon ng basura sa dagat kada minuto, na naging dahilan upang masira ang karagatan.

Bukod pa rito, dahil sa mga microplastic o mga maliliit na uri ng plastik mula sa mga pampaganda na napupunta sa dagat, kinakain ito ng mga isda na siyang dahilan kung bakit parte na ng foodchain ng tao ang maruming plastik.

Pahayag naman ng World Economic Forum, pagdating ng 2050 ay mas marami nang plastik sa dagat kaysa sa mga isda.

Tinatayang karamihan sa oxygen ng mundo ay nanggagaling sa karagatan at nasa 3.5 bilyong tao ang nakadepende rito upang mabuhay. Kaya naman dahilan lamang ito kung bakit paglaban sa water pollution ang isa sa mga agenda ng Ocean Hero.

Sa ngayon, nagkaroon na ng mga collection hubs ang organisasyon katulong ang Plastic Bank sa mga lugar na nangunguna sa pagkonsumo ng plastik, gaya ng Indonesia, Philippines, Haiti at Brazil.

“You search the web, we fight ocean pollution,” ayon sa CEO ng Ocean Hero na si Marvin Burman.

Ngayong lumala na ang kalagayan ng kalikasan, nagsilbing magandang simula ang Ecosia at Ocean Hero upang muling maibalik ang dating kulay ng ating mundo. Ngunit hindi dapat tayo umasa rito, kung hindi simulan natin ang pagbabago sa ating sarili. Para bumilis ang pag-loading ng pinaganda at pinatatag na kalikasan, upang masabi natin ang katagang “Bagong mundo - completed!”

Previous Post Next Post