Paano maging mabuting kaagapay sa kaibigang may pinagdadaanan
Gianela Zapata
Aminin man natin o hindi, lahat tayo ay nangangailangan ng taong nariyan para sa atin – yung tipong matatakbuhan tuwing may problema ka, yung handang makinig sa mga satsat at daldal mo, o kaya nama’y mga taong masasandalan at mayayakap kapag nais mo. Ngunit, alam mo ba? Lahat ng nabanggit ay kaya mo ring gawin para sa taong mahal mo – maging nariyan ka para sa kanila. Hindi madali ang magpagaan ng loob ng iba, lalo na kung ikaw mismo, sa sarili mo, ay may iniindang hinanakit. Gayunpaman, sa mga simpleng kilos mo’y maaaring maibsan ang kalungkutan ng isang tao.
Gayunpaman ay huwag mag-alala, sapagkat ayon sa dalawang eksperto sa pananaliksik na sina Spencer Greenberg at Kat Woods, mayroong apat na
pangkalahatang estado na maaaring basehan upang malaman kung ano nga ba ang nararamdaman at kailangan ng isang tao tuwing may nangyaring hindi kanais-nais sa kanya.
pangkalahatang estado na maaaring basehan upang malaman kung ano nga ba ang nararamdaman at kailangan ng isang tao tuwing may nangyaring hindi kanais-nais sa kanya.
UNANG ESTADO: Nabigla at nalilito
Parang Cup of Joe, sila ba ay litong-lito sa kung saan na ito patungo?
Maaring hindi pa nila masyadong naproproseso ang pangyayari kaya’t sariwa pa ang sugat. Ang ilan sa mga mararamdaman nila ay ang pagkabigla, pagkalito, sorpresa, takot, pangamba, at pagtanggi. Isang halimbawa ay kapag biglang namatay ang lolo ng kaibigan mo kahit malakas pa naman siya noong mga nakaraang araw. O kaya hindi siya nanalo sa sinalihan niyang kompetisyon kahit ginawa niya naman lahat niya. Kapag may nangyaring negatibo at hindi inaasahan, maaaring kailangan nila ng panahon para maunawaan kung ano talaga ang nangyari at kung ano ang nararamdaman nila tungkol dito.
Kaya, ang mga dapat nating gawin sa estadong ito ay ang aktibong pakikinig, pagpapahayag ng pag-aalala, pagbibigay ng mga positibong payo upang malutas ang kalituhan, pagbibigay-halaga sa kanilang nararamdaman, at ipaalam o tanungin kung tama ba ang iyong pag-unawa sa kanilang sinabi.
PANGALAWANG ESTADO: Masama ang pakiramdam at hindi muna handang bumuti ito
Salungat sa kanta ng Calein, hindi na maibabalik ang nakaraan, pati na rin ang pinagmulan kahit gaano ka umasa.
Ang kadalasang mga emosyon na nangingibabaw sa estadong ito ay matinding kalungkutan, depresyon, pagkabalisa, galit, paghamak, pagkakasala, at paninibugho. Posibleng sobrang nalungkot o nagalit sa sarili ang iyong kaibigan dahil hindi man lang siya nakapagpaalam sa kanyang lolo. Sa pangalawang sitwasyon, pwedeng naiinggit ang iyong kaibigan sa mga nanalo dahil alam niyang siya dapat ang may medalya. Dito, kailangan silang matulungan upang maipahayag ang kanilang damdamin nang hindi natatakot mapagsabihan na ‘nagdradrama’ lang sila.
Hayaan lang natin silang ilabas ang kanilang nararamdaman ngunit huwag natin sila iwanan sa kanilang pagdurusa – Huwag natin salungatin o tutulan lahat ng pag-iimbot o ‘rants’ nila, dahil maaaring mas makapagpalala pa ito sa kalagayan ng emosyon nila. Sabi nga nila, kailangan muna natin danasin ang mga negatibong emosyon bago tayo makaranas ng kaligayahan at katahimikan. Kaya, tulungan natin silang mapatungo sa estado kung saan handa na silang bumuti ang kanilang pakiramdam.
PANGATLONG ESTADO: Masama ang pakiramdam ngunit handa nang bumuti ito
Tama ang Ben&Ben noong kinanta nilang lahat ay magiging ayos sa tamang panahon.
Ang maaaring maranasang emosyon sa pangatlong estado ay kagaya din ng sa pangalawa, ngunit ito ay nasa mas mababang antas na. Nalulungkot pa rin ang iyong kaibigang nawalan siya ng mahal sa buhay, ngunit gusto niyang alalahanin nalang ang mga masasayang alala nila ng kanyang lolo. Naiinggit pa din nang kaunti ang iyong kaibigan sa ibang kalahok, ngunit pagod na siya sa kakaisip ng masama tungkol sa kanila. Gusto niya na ring pokusan ang sarili niyang paglago para sa mga susunod na pagkakataon.
Ang mga paraan kung paano mo sila matutulungan na mawala ang mga negatibong emosyon na iyon ay nakadepende sa kanilang “comfort language.” Ilang halimbawa ay ang pagiging optimismo, pagyakap, paggawa ng mga bagay na nakakapagpasaya sa kanila katulad ng pagkakanta o pagluluto, at pag-iisip kung paano niyo matugunan ang problema.
PANG-APAT NA ESTADO: Mabuti na ang pakiramdam at gusto ng solusyon
Sabi nga ng Munimuni, hihilumin ang iyong mga sugat.
Sa pinakahuling estado ay karaniwang mababang antas na lamang ng mga negatibong emosyon ang nararamdaman nila. Ang pinakamahalaga sa estadong ito ay matulungan mo ang iyong kaibigang harapin ang kanilang problema. Ang simpleng pagsama sa iyong kaibigan sa simbahan upang ipagdadasal ang kanyang yumaong lolo o ang palaging pangangamusta sa kanya ay malaking bagay na upang maipahwatig mong mahalaga siya sa iyo. Gayundin sa pagbibigay suporta sa iyong kaibigan sa tuwing nag-eensayo siya para sa mga susunod na kompetisyon.
Tuwing hindi maganda ang ating nararamdaman, kadalasan ay mahirap at nakakawalang-ganang mag-isip ng mga paraan upang bigyang solusyon ang mga suliranin. Ngunit, kailangan pa rin natin ng inspirasyon at pag-asa na maging mas mabuti ang ating kalagayan.
Kung ikaw ay nakarating sa huli ng artikulong ito, pagbati! Ikaw ay talagang maasahan. Marami ka mang napasaya o natulungang kaibigang malapit nang malubog sa kalungkutan, nawa’y huwag mong kakalimutan ang iyong sarili. Maging masaya ka rin!.