Vincent Kierk Tugnao

Naihatid ng Tay Tung High School ang Region VI (Western Visayas) sa ikalawang sunod na ginto para sa Palarong Pambansa 2024 nang silatin nito ang National Capital Region, 25-15, 18-25, 27-29, 25-22, 15-12, sa Gold Medal match ng Girls Secondary Volleyball nitong Lunes, Hulyo 15 sa Cebu City.

    Photo Courtesy of Jacqueline Hernandez/Rappler.

Dehado man ang pagsimula ng fourth set, gumawa ng 14-5 magical run ang Western Visayas upang dalhin ang laro sa deciding set at maipanalo muli ang kampeonato.

“I’m really happy because this is a rare feat, going back-to back, and we’re in the province, unlike NCR, where the players are crowded. We just work with who we have, “ sambit ng Palaro champion coach na si Ian Macariola.

Nakitaan agad ng tikas ang defending champs sa unang set nang palubugin nito ang NCR sa sampo.

Agad namang nakasagot ng panalo ang NCR sa ikalawa at ikatlong set na siyang nagbigay kumpiyansa sa kanila na maagaw ang titulo mula sa Tay Tung.

Pagkabukas ng fourth frame, nakalamang pa ng anim na puntos ang NCR, subalit nakabawi ang Region 6 nang kayurin nina team captain Jothea Ramos at Dona Mae De Leon ang comeback run at maipanalo ito na may tatlong puntos na kalamangan.

Kasunod nito, sinamantala ng Bacolod-based squad ang tatlong errors ng NCR sa huling apat na puntos upang madepensahan ang kanilang gintong medalya.

Hinirang na best player si Dona Mae De Leon na may pinagsamang 15 puntos galing sa kanyang 10 blocks at 5 attacks upang pamunuan ang Western Visayas sa muling pagreyna sa High School volleyball.

Matatandaan na nasilat ng Region 6 ang sana’y three-peat championship ng NCR noong nakaraang taon sa pamamagitan rin ng five-setter match.