Bagong Kaalaman mula sa mga Tagong Kuwento ng Kasaysayan
Francine Tosoc
Ilang taon ka nang naninirahan sa Pilipinas? Maalam ka ba sa kasaysayan o isa ka rin sa mga dinadalaw ng antok tuwing klase na sa Araling Panlipunan? Kung sa tingin mo’y alam mo na ang kuwento ng nakaraan, baka magulat ka sa mga bagong kaalaman na iyong matututunan. Sa artikulong ito, iyong matutuklasan ang limang kawindang-windang at nakawiwiling mga kaalaman patungkol sa ating kasaysayan. Kaya’t halina’t samahan mo akong tuklasin ang mga ito at ibahagi sa iba!
Sumagi na ba sa ‘yong isipan kung ano ang ikinamatay ni Apolinario Mabini?
Hindi bala ng baril, itak o pamana ang kumitil sa buhay ni Apolinario Mabini. Akalain mong nakaligtas siya mula sa Rebolusyong Pilipino pero hindi sa panis na gatas? Totoo 'to, promise! Sa katunayan, pumanaw si Apolinario Mabini dahil nakainom siya ng kontaminadong gatas ng kalabaw. Bagaman kasali sa listahan na maaring ang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay ay dahil sa kolera, hindi alam ng karamihan na ang sakit na ito ay nakuha niya mula sa panis na gatas ng kalabaw[1]. Dahil din uso ang pagkalat ng sakit na ito noong panahon kung kailan siya namatay, walang nagtangkang lapitan siya dahil sa takot ng mga ito na makakuha rin ng nasabing sakit.
Kung nakikinig ka sa Araling Panlipunan noon, ano ang pinakagitnang bahagi ng Pilipinas?
Hindi probinsya ng Masbate at Romblon ang pinaka-sentro ng bansa kundi ang Marinduque, isang hugis pusong isla na nasa pagitan ng Bondoc Peninsula sa timog-silangang bahagi ng Luzon at ng isla ng Mindoro. Ito ay napapaligiran ng apat na anyong tubig, sa hilaga ng Tayabas Bay, hilagang-silangan ng Mongpong Pass, Timog-silangan ng Kipot ng Tayabas, at at sa timog ng Sibuyan.
Skibidi gyat gyat gyat gyat sigma Ohio rizz?! No, it’s Sigma, Capiz!
Taliwas sa alam ng nakararami, wala sa Youtube at Tiktok, kundi sa probinsya ng Capiz ay matatagpuan mo ang munisipalidad ng Sigma! Ano naman kaya ang rizz nito? Dito mo lang naman matatagpuan ang St. John The Baptist Church—isa sa mga makasaysayang simbahan ng bansa.
Bukod pa riyan, matatagpuan mo rin dito ang Our Lady of Lourdes Meditation Hill, isang grotto na may kapilya at espirituwal na hardin na may matitipunong mga puno at bulaklak na talagang angkop para sa pagninilay at pagdarasal. Sa itaas nito, ay isang krus at isang malawak na tanawin ng highway, ang mga gumugulong na burol, at ang mga hanay ng bundok. Kaya’t kung nais mong magpahinga at tahimik na lugar? Baka nasa Sigma ang solusyon!
Alam niyo bang sinakop din ng Britanya ang Pilipinas?
Hindi lang Espanya, Amerika, at Japan ang sumakop sa ating bansa. Sa katunayan, dumating ang mga puwersang Briton sa Pilipinas noong 1762. Gusto nilang sakupin ang Pilipinas dahil ito ay isang paraan tungo sa Tsina. Ang pagsalakay na ito ay bahagi rin ng pitong taong digmaan sa pagitan ng Inglatera at Pransya, kasama ang Espanya.
Noong Nobyembre 2, 1792, sinakop ng mga Briton ang Maynila at itinalaga si Dawson Drake bilang unang Gobernador Briton ng Maynila. Nang matapos naman ang pitong taong digmaan, taong 1764, tuluyang naibalik ang mga isla sa Espanya. Akalain mo ‘yun, muntik na pala tayo maging isang bansang Briton?
SKL, ang gulugod o backbone ng pambansang bayani na si Jose Rizal ay naka-display sa Fort Santiago
Ito pa, share ko lang. Alam naman nating lahat na nakalibing sa ilalim ng Rizal monument sa Luneta Park ang mga labi ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, maliban sa isang bahagi ng kanyang gulugod. Ang bahaging ito ng kanyang gulugod ay naka-display sa isang relikaryo sa Rizal Shrine sa Fort Santiago. Ang piraso ng kanyang gulugod ay may basag, na nag-udyok sa mga historyador na maniwalang ito ang parteng tinamaan ng bala nang siya’y ay barilin noong Disyembre 30, 1896.
Bilang isang Pilipino, hindi na iba sa atin ang kasaysayan ng bansa. Ngunit, upang tunay na maunawaan ang kahulugan ng ating nakaraan, kinakailangan nating maglaan ng oras upang tuklasin at pag-aralan ang mga ito na madalas ay napag-iiwanan. Mula sa hindi inaasahang sanhi ng kamatayan ni Apolinario Mabini hanggang sa mga makasaysayang detalye ng mga lugar at pangyayaring madalas ay nalilimutan, malinaw na ang ating kasaysayan ay puno ng mga nakakagulat at mahahalagang detalye.
Bagaman hindi natin nasaksihan ang mga pangyayari noong nakaraan, mahalagang patuloy nating tuklasin ang ating kasaysayan gamit ang mapagkakatiwalaang sanggunian dahil ang bawat bagong kaalaman ay isang piraso ng palaisipan na nagbibigay liwanag sa mas malalim na pag-unawa sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Tandaan, ang tunay na yaman ng ating kasaysayan ay hindi lamang nasa mga nakasulat sa aklat, kundi pati na rin sa mga kwentong matagal nang nakatago sa likod ng ating kinagisnang kultura.
Sa pamamagitan man ng mga balita sa radyo o telebisyon, libro, o mga pananaliksik, sikapin nating makapagtamo ng bagong impormasyon dahil ang bawat mabuting kaalaman ay ginto para sa ating kaisipan. Ikaw, ano ang pinakatumatak sa’yo sa larangan ng kasaysayan?
Copyedited by RB Bautista.