Balik-tanaw: Ang kinukubling hiwaga ng mga tipak ng kahapon
Angelee Kaye A. Abelinde
Minsan, hindi masamang bumalik sa nakaraan…
Karaniwang araw para sa akin noong nag-aaral pa lamang sa sekondarya ang maglakad patungong terminal. Dahil nga sa palaging nag-aagawan sa pampasaherong sasakyan tuwing uwian, malimit naming bagtasin ng aking mga kaibigan ang kalsada patungo sa abalang centro ng aming siyudad. Subalit, hindi ko makukumpleto ang paglalakad na ito nang hindi nililingon ang dalawang abandonadong estruktura sa bakanteng lote sa tabi ng kalsada.
Kahit noon pa man, malaking katanungan na sa akin kung anong bahagi ng kasaysayan ang ginampanan nito sa aming munting lungsod. Sa gitna ng mga nagsusulputang modernong gusali, naroon lamang sa bakanteng lote nagpapahinga ang matandang estruktura—inangkin na ng mga halaman, pinakupas na ng panahon at naging pugad na ng katahimikan.
Madalas mahumaling dito ang aking guni-guni na pinaglalaruan ang mga ideyang baka dati itong pribadong paaralan, magarbong mansyon o kaya’y marangyang bahay-tuluyan. Bagama’t hinaharang ng pinagtagpi-tagping yerong bakod ang sinumang magtatangkang pumasok sa napabayaang pamana ng noon, mas pinukaw lamang nito ang aking atensiyon at hindi na napigilang galugarin ang kwentong nakapaloob sa naturang mga bakas ng kahapon.
Malaking bahagi pa ng ating pagkatao bilang Filipino ang hindi pa natin lubusang kilala, at ang pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan ang siyang magtutulak sa atin patungo sa pagkilalang ito. Ilang nasirang estruktura pa kaya sa kasalukuyan ang may tinatagong malalim na kwento sa kasaysayan?
Administracion de Correo
Larawan ni Eliza Romualdez-Valtos/Manila Bulletin. |
Sa Kastilang arkitektura pa lamang ng abandonadong gusali, mahihinuha na agad na malaki ang naging papel nito sa lokal na probinsya ng Camarines Sur noong ika-19 na siglo. Ayon sa Nueva Caceres Heritage Movement Inc. (NHMCI), ipinatayo ang Administracion de Correo noon pang 1826 upang magsilbing post office ng probinsya. Binigyang-diin ng Naga City Arts and Cultural Coalition (NCACC) na kabilang ito sa natitirang heritage site na may kaugnayan sa sibiko at sekular na kasaysayan ng siyudad dahil umiikot na sa relihiyon ang iba pang buhay na estruktura tulad ng mga simbahan.
Sa loob ng 198 taon, katabi ang isa pang estruktura ng Carcel Provincial, naging piping saksi ang dalawang gusali sa tatlong yugto ng malawakang pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa mga mananakop.
“It must be noted that the guardia civil were confined in these buildings during the uprising of September 1898 in which Felix Plazo and Elias Angeles figured significantly,” saad ng NCACC.
Sa kabila nito, hindi pa rin sapat ang makasaysayang kahalagahan ng estruktura upang maging matatag na bakod nito mula sa ilang pagtatangka ng demolisyon. Kamakailan nga lang ay naipit ito sa balak na pagbuwag, ngunit hindi rin natuloy sa tulong ng mga progresibong grupo sa lungsod.
Old Camalaniugan Church
Larawan mula sa LGU Camalaniugan Website. |
Sa isang pook naman ng Cagayan, matatagpuan ang naiwang alaala ng nasirang Camalaniugan Church na ipinatayo noong 1596. Ilang trahedya rin ang dinanas at tiniis ng naturang simbahan tulad ng sunog noong 1719 at bagyo noong 1845 bago ito tuluyang mawasak noong 1898. Hindi na ito nagawang ipaayos pa dahil inabot na ng tubig-ilog ang pader ng simbahan dahil malapit sa Cagayan river ang lokasyon nito.
Gayunpaman, itinuturing na hiyas ng kasaysayan ng Cagayan ang natitirang bakas ng Camalaniugan Church. Idineklara ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong 1939 ang simbahan bilang historical marker. Ito rin ang nagsisilbing tirahan ng Santa Maria Bell o tinatawag ding Bell of Antiquity, ang pinakamatandang kampana sa buong bansa at sa buong Timog-silangang Asya.
La Presidencia
Larawan mula kay Jonathan Espiña/Jon to the World Blog website. |
Gamit ang mga bato, korales at apog mula sa karagatan, itinayo noong 1800s ang gusali ng La Presidencia upang maging tanggapan ng gobernadorcillo sa Barcelona, Sorsogon. Matatagpuan ang estruktura nito sa baybayin ng Karagatang Pasipiko bilang pananggalang laban sa pag-atake ng mga pirata at moro. Dagdag pa ng lokal na pamahalaan ng Barcelona, may lagusan din anila sa ilalim ng gusali patungo sa kalapit nitong simbahan.
Noong 1941, panahon ng mga Hapones, nagsilbing garison o istasyon ng mga militar ang La Presidencia. Matapos ang apat na taon, 1945, ginamit ito bilang munisipyo at opisina ng kanilang municipal president. Kalansay na lamang ng naturang gusali ang makikita sa kasalukuyan dahil hindi ito nakatiis sa hagupit ng bagyo, daluyong at malalakas na hanging ibinubuga ng Karagatang Pasipiko. Sa ngayon, isa na itong sikat na pasyalan at nakaukit pa rin sa mga naiwan nitong pundasyon ang kasaysayan ng Barcelona.
Balaoan Cemetery
Larawan ni Max Tuazon. |
Minsan niyo na rin bang naisip na ang lugar na kinatatayuan niyo ngayon ay baka isang sementeryo dati?Sa Brgy. Cabua-an, Balaoan, La Union, ang lugar na kinatitirikan ng kanilang sabungan ay dating libingan na ipinatayo noong 1877. Itinuturing itong mahalagang kultural na ari-arian dahil dito kinitil ang buhay ng Siete Martires ng La Union na nakipaglaban noong 1896 na rebolusyon.
Itinuturing din itong isa sa natitirang pinakamatandang sementeryo sa probinsya. Sa kabila ng kahalagahan nito sa kasaysayan, tuluyan na itong nabura sa mapa noong 2018. Bago pa man ito palitan ng sabungan, matagal na ring napabayaan ang naturang libingan dahil sa unti-unting paglubog ng gitnang bahagi nito. Ang noo’y tahimik na himlayan sa likod ng estilong Baroque na arko ay napalitan na ngayon ng ingay, sigawan at tilaok ng mga pinagsasabong na manok.
Guiob Church
Larawan mula sa Jonny Melon Adventure Travel. |
Ipinatayo noong ika-16 na siglo, ang Guiob Church ruins ay isa sa mga pinakamatanda sa buong bansa na nananatili pa ring buhay hanggang ngayon. Madalas ginaganap dito noon ang misa, kasal, binyag at lamay bago ito tuluyang mawasak dahil sa pagputok ng Mt. Vulcan noong 1871. Itinuturing na National Cultural Treasure ng National Museum of the Philippines ang mga naiwang alaala ng simbahan.
Bagama’t kongkretong pader na lamang nito ang masisilayan sa kasalukuyan, mapapansin sa bawat detalye ng natitirang estruktura nito kung gaano kayaman ang kasaysayan ng Camiguin. Bihira itong bisitahin ng mga turista, bagay na mas nagpapaganda sa panagano ng lugar. Payapa, banayad at malumanay lamang ang bawat likas na tunog na maririnig. Halos sakupin na rin ito ng kulay berde dahil sa damo at mga punong nakapaligid sa estruktura, ngunit sa gitna nito’y nananatili pa ring nakalitaw ang kariktan ng Guiob Church ruins.
Pamana ng nakaraan
Maaaring bakas na lamang ng mga nasirang estruktura ang makikita natin sa kasalukuyan, ngunit hindi nito mabubuwag ang matayog na tore ng katotohanang isa sila sa mga pangunahing humulma sa ating kasaysayan, nagsemento sa ating pagkakakilanlan, at nagpintura sa ating makulay na pagkatao bilang mga Filipino. Kasabay ng ating bawat paghakbang paatras sa nakaraan, kaakibat nito ang tatlong beses na paghakbang pasulong sa ating hinaharap.
Noong araw ding iyon, gaya ng nakasanayan namin ng aking mga kaibigan, matulin ang aming naging paglakad, nagbabakasakaling makarating nang mas maaga sa kaniya-kaniyang terminal ng aming uuwiang barangay. Tanda ko pa noon, nakikisabay ang musmos naming tawanan at kwentuhan sa ritmo ng aming paghakbang. Dati’y palagi akong takot na mapag-iwanan kaya’t sinisikap kong laging makasabay – walang hihintuan, lilingunan at babalikan.
Madalas kong makagawian kapag naglalakad sa kalsada, sa destinasyon lang ako laging nakatuon. Bihira akong lumingon lalo na kung nagmamadali, naghahabol ng oras at napag-iiwanan na ng panahon. Maituturing man bilang isang parikala, ngunit mas makikilala ko pala ang aking kabuuan sa pamamagitan ng paglingon sa mga bagay na aking nalampasan at pinagdaanan.
Sa puntong iyon, binagalan ko ang aking paglalakad at hindi natakot na baka ako ay mahuli. Datapwat isang nakasusukot na senaryo kung iisipin, nang pinili kong lumingon sa abandonadong gusaling may malaking papel pala sa aming kasaysayan, doon ko napagtantong… hindi pala masamang bumalik sa nakaraan.
Edited by: Adrian Rex S. Bernat