Paul Bryan Bio at Prince Carlo Estrella

Inireklamo ng isang baguhang TV5 Employee ang isang Program Manager na kanyang pinangalanang Cliff Gingco sa “Wanted Sa Radyo” nito lamang Agosto 9 dahil sa alegasyon ng pangmomolestiya.



Ayon kay “talent,” inaya siya ni Gingco na makipag-inuman sa kanya sa isang chat. Noong Hulyo 22, habang pauwi mula Batangas papuntang Maynila, nakipagkita sa kanya si Gingco sa isang hotel sa Pasig na kung saan inakala niyang para ito sa media coverage ng parating na SONA. 

Pagkadating niya sa hotel, pinakain siya ni Gingco ng dala nitong pagkain bago sila nagtungo sa isang bar sa Poblacion, Makati, sakay ang media service ng TV5 para uminom. 

Nang malasing noong madaling araw ng Hulyo 23, naganap na ang insidente ng pangmomolestiya sa tinutuluyan nilang hotel sa Pasig na kung saan, ayon sa nagrereklamo ay nagising na lamang siya sa tabi ni Gingco.

Dagdag pa ng biktima, pinasakay siya ni Gingco sa isang ride-hailing application at dumiretso siya sa Action Center upang magsumbong. 

Nagpalipat-lipat din siya aniya sa mga police station dahil hindi sakop ng hurisdiksiyon ng mga una niyang napagsumbungan ang kaso. 

Nagtungo rin siya sa Ortigas sub station, ngunit saad niya, pinagtawanan lang ng ilang pulis na naroon ang kanyang hinaing hanggang sa mapunta siya sa Pasig City Police Headquarters kung saan binigyan siya ng imbestigador. 

Pagkatapos i-ere ang reklamong ito kay Raffy Tulfo, agad na naglahad ng public statement ang TV5 sa kanilang mga social media account na sinasabing naglabas na sila ng Notice To Explain kay Gingco at inaksyunan na ang imbestigasyon sa insidenteng ito.

Sa huli ay naghayag ang TV5 na magkaroon ang publiko ng reserbasyon at respeto sa dalawang panig na sangkot sa insidenteng ito habang umuusad pa ang nasabing imbestigasyon.

Panoorin ang istorya sa link na ito: