Josel Sapitan

Bumida ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) veteran JD Cagulangan sa pagbubukas ng UAAP S87 Men’s Basketball matapos magtala ng near triple-double performance upang pabagsakin sa 77-61 ang Ateneo De Manila University (ADMU), nitong Setyembre 7 sa Smart Araneta Coliseum.

Photo Courtesy of Rappler.

Bumandera ang five-foot nine guard ng 17 points, 10 assists, at seven rebounds upang simulan ang dominanteng kampanya ng Fighting Maroons at sungkitin ang unang panalo sa harap ng 12,932 crowd.

“Kung ano role ko, ‘yun lang lalaruin ko dahil gusto lang naman namin lahat manalo,” wika ni Cagulangan matapos ang impresibong opening attributes kontra sa karibal na Blue Eagles.

Binuksan ng UP wing rookie Jacob Bayla ang unang round ng season 87 matapos bitawan ang isang three-pointer sa 8:52 minuto ng first quarter, na agad binawi ng open backboard shot ni co-captain Chris Koon

Inakay naman ng high school star Jared Bahay ang opening frame ng ADMU, markado ang foul-counted perimeter at contested three upang idikit sa 16-17 ang talaan. 

Bagaman dikdikan ang naging takbo sa unang yugto, rumagasa ang UP sa second quarter sa pangunguna ni Cagulangan na tumikada ng walong puntos at apat na opensibang pasa upang selyuhan ang double-digit lead sa pagtatapos ng first half.
 
Floor general mentality ang baon ni JD sa second half matapos kontrolin ang takbo ng laban gamit ang matinding depensa at kaliwa’t kanang fastbreak plays na nagresulta sa 10-2 ratsada upang panatilihin ang kalamangan.

Pinainit naman ni S86 Rookie of the Year Francis Lopez ang last quarter matapos siyang magtarak ng limang sunod na puntos sa transition upang ikandado ang 77-61 panalo ng koponan.

Humataw si Bahay ng 13 puntos sa kanyang debut game sa UAAP na sinahugan ng 11 markers ni Joshua Lazaro dagdag pa ang seven points ni Waki Espina at tig-apat na tirada nina Ian Espinosa at Ayodeji Balogan.

Magpapatuloy ang round 1 ng UP Fighting Maroons sa darating na Sabado, Setyembre 14, ganap na 6:30 ng gabi, katapat ang University of the East sa parehong lugar.