Patrick Pasta

Bigong makopo ng Gilas Pilipinas Youth ang tiket sa quarterfinals matapos indahin ang 61-85 na pagkasawi mula sa kanilang qualifying game kontra Japan sa 2024 FIBA U18 Asia Cup na ginanap sa Prince Hamza Sports Hall, Amman, Jordan, Setyembre 6.

Photo Courtesy of FIBA Basketball.

Matatandaang ito ang unang pagkakataon mula 2006 kung saan hindi naselyuhan ng Gilas ang puwesto sa quarterfinals.

Maagang sinalpak ng Japan ang liderato kontra Pilipinas sa first half ng tunggalian, 40-31, bago tuluyang pamagain ang bentahe sa ikatlong yugto at kamtin ang double-digit lead kontra sa huli, 64-50.

Kinapos naman ang Gilas Boys na higitan ang plays ng Japan sa huling yugto ng sagupaan matapos nitong itarak ang 76-56 iskor, limang minuto na lamang ang natitira sa tunggalian.

Tinuldukan ng Japan ang laro sa iskor na 85-61 upang silatin sa Pilipinas ang tiket sa quarterfinals at sungkitin ang kanilang highest point-advantage na 24 baskets sa laro.

Pinamunuan ni Mark Esperanza ang Batang Gilas tangan ang 16 na puntos at anim na assists, habang umagapay naman si John Earl Medina na naglista ng 11 puntos.

Sa kabilang banda, binitbit naman ni Leon Watanabe ang Japan sa kanyang 15 puntos at anim na rebound, samantalang nagposte ng 13 puntos at tatlong rebounds si Riku Segawa para sa kanilang 24-puntos na tagumpay.

Malaking dagok sa opensa ng Gilas Boys ang pagliban ni Andy Gemao, isa sa high-scorer ng koponan, matapos magtamo ng third metacarpal fracture injury sa isang tune-up game kontra Iran.

Nauna nang pinamunuan ni Gemao ang Gilas sa kanilang finals game kontra Indonesia, 87-62, sa Southeast Asia Basketball Association (SEABA) upang makapasok sa FIBA U18.

Bunsod ng resulta ng laro, sasalang naman ang Gilas Boys para sa fifth to eighth seed classification games sa Setyembre 8-9.