Fervin Earl Chavez

Sa patuloy na paglawak at pag-usbong ng wikang Filipino, maraming salita mula sa nakalipas na panahon ang patuloy nang nakalilimutan. Dahil sa mga bagong pormasyon o pagbabagong-anyo ng mga salita, mas lalong yumayabong ang kultural na kaalaman at leksikon ng bawat Pilipino ngayon. Ngunit, ang kapalit din nito ay ang siyang pagkalimot natin sa ibang mga salita na maaring hindi na akma sa dikurso at lipunan ngayon. Hindi ito dapat ikabahala; hindi isang kanser sa lipunan ang pagkalimot sa isang salita. Pawang ang pagkalimot sa isang salita ay natural. Ngunit, hindi rin ibig sabihin nito na patuloy na nating ibabaon sa limot ang mga salitang ito hanggang sa tuluyan na natin silang makalimutan at ang ambag nila sa hugis ng wikang Filipino. 


Gayunpaman, narito ang limang (5) malalalim na salita sa wikang Filipino na maaring hindi na ginagamit o hindi mo na naririnig ngayon:

Arabal

Ito ay mula sa salitang Espanyol na arrabal (suburban). Pareho rin ang pagpapakahulugan ng KWF Diksyunaryo dito: ang arabal ay isang residential area na nasa bandang dulo o border ng isang lungsod. Sa pagsasalin naman nina Domingo De Guzman, Francisco Laksamana, at Maria De Guzman, sa nobelang Noli Me Tangere noong 2015, ang arabal ay nangangahulugang distrito.

Mataas ang pagkakataon na hindi mo na naririnig ang salitang ito. Kapag tinanong ka kung saan ka nakatira, hindi mo na sinasabing “doon ako sa unang arabal nakatira” o ‘di kaya “si Katniss Everdeen ay nagmula sa ika-labindalawang arabal sa Hunger Games” dahil baka mapakamot pa sa ulo ang iyong kausap. Hindi na rin ito ginagamit sa mga pormal na usapan, gaya ng mga Local Government Unit (LGU), upang tukuyin ang parte ng lugar na kanilang sinasakupan. 

Kalimitang distrito o district o pawang babanggitin mo na lang ang pangalan ng lugar sa halip na gamitin pa ang salitang arabal. 

Kimi

Uy, hindi ako nagjo-joke, ha! Ang kimi ay isang salita sa wikang Filipino na ginagamit upang ilarawan ang isang taong mababa ang self-esteem o walang tiwala sa sarili. Ilan sa variant ng kimi ay ang salitang ngimi.

Panigurado’y naririnig mo ang salitang kimi araw-araw, pero ito ay sa kahulugang nasa isip mo ngayon. Ang kimi ay ginagamit ngayon bilang conversational filler upang sabihin na ‘joke lang’ o nagbibiro ka lamang sa kausap mo. Parehas ang gamit nito sa mga salitang: charot, eme, chariz, at jk. Ang pangungusap na “Crush ko si Juan. Kimi lang!” ay isang halimbawa ng paggamit ng kimi bilang conversational filler.

Gayunpaman, iba ang gamit ng kimi ngayon sa kimi noon. Gaya ng napaliwanag, ang kimi noon, lalo na sa mga malalalim at matatas magsalita ng wikang Filipino, ay ginagamit upang tukuyin ang isang taong walang lakas ng loob. Takot ka umamin dahil baka ma-reject ka? Ikaw ay kimi. E, paano kung ikaw ay nakiming sumali sa kompetisyon dahil ang gagaling ng mga kalaban mo? Ikaw pa rin ay kimi. 

Kimi lang!

Papagayo

Is it a bird? Is it a plane? No, it’s a papagayo!

Ang papagayo ay isang uri ng loro (parrot). Ayon sa KWF Diksyunaryo, ito  ay may balahibong kulay berde. Marahil hindi ito malawakang ginagamit, dahil sa halip na gamitin ang salitang papagayo, mataas ang posobilidad na ang ang unang salitang maaring maisip at masabi natin, kapag nakakakita ng loro, ay parrot ng wikang Ingles, o ‘di kaya ibong nagsasalita para sa mga hindi alam ang katawagan nito.

Tunggak

Narinig mo na ba ang salitang tangik? Ang salitang ito ay madalas sinasabi kapag hindi maalam ang taong kausap mo ukol sa naturang konteksto. Ang pangungusap na ‘tangik! Kakaalis lang niya kanina,’ ay isang halimbawa ng paggamit ng tangik sa isang kontekstong kulang ang impormasyong alam ng kausap mo. Marahil ang tangik ay isang modern version ng mas matandang salita, ang tunggak.

Ayon sa KWF Diksyunaryo, ang salitang ito ay nangangahulugang mabagal makaunawa o may kahirapan sa pag-iisip. Isa itong pang-uri at madalas na ikinakabit bilang katangian ng isang tao. Sa madaling sabi, kung hindi ka matalino, ang itatawag sa’yo ng kausap mo ay tunggak.

Mapapansing nagkaroon ng morpolohikal na pagbabago ang salitang tunggak upang maging salitang tangik. Ang tunog /u/ sa tunggak ay naging tunog /a/, habang ang tunog /a/ naman nito ay naging /i/ (tangik) o /e/ (tangek). Kalimitan ding tinatanggalan na ng isang letrang ‘g’ ang tunggak upang maging tangik at hindi tanggik. Mayroon ding ibang pagkakataoon na dinadagdagn pa ito ng ‘-s’ sa dulo (tangiks/tangeks).

Sa katunayan, nagkaroon ng pagbabago sa anyo at gamit ng salitang tunggak sa ngayo’y mas kilalang tangik. Ang tunggak ay pormal na tumutukoy sa isang tao at maari ring gamitin bilang ekspresyon habang ang tangik ay ginagamit ngayon na maaring limitado lamang sa ekspresyon.

Bakla

Kung grabe ang rizz ng crush mo at nabighani ka sa kanya, ikaw ay kabakla-bakla! Kung ikaw ay na-scam ng isang babae dahil siya ay maganda, ikaw ay kabakla-bakla pa rin. Kung ikaw ay takot sa malakas na ugong sa langit at hindi mo alam kung saan ito nanggaling, ikaw ay kabakla-bakla. At gayong kung binabasa mo ang lathalain na ito dahil interesado kang magbasa o makakuha ng panibagong impormasyon, ikaw ay kabakla-bakla!

Panigurado’y naririnig mo na araw-araw ang salitang bakla na tumutukoy sa sekswal-oryentasyon ng isang lalaki na nagkakagusto sa kapwa nito lalaki. Ngunit may iba pang kahulugan ang salitang ito na hindi mo pa naririnig: ang salitang bakla ay tumutukoy [1] kapag nabighani ka sa anumang porma ng kagandahan, [2] o ‘di kaya nama’y naloko ka nito; ang bakla ay puwede ring [3] pagkasindak sa isang bagay na hindi tukoy, at [4] pagkilos ng isang bagay dahil sa iyong interes o pakinabang. Lahat ng ito ay depinisyon ng bakla sa KWF Diksyunaryo.

Marahil kapag sinabing bakla, tumutukoy kaagad ito sa pagiging queer o homosexual. Ngunit, sa wikang Filipino - at gaya na rin sa ‘gay’ ng wikang Ingles - may iba pang kahulugan ang salitang ito na hindi mo pa naririnig. Nakarinig ka na ba ng taong gumamit ng salitang bakla sa kontekstong nabighani, naloko, natakot, o ginayak ng sariling interes? Maaring hindi.

May dahilan kung bakit ang tunggak ay naging tangik, tangiks, tangek na sa makabagong panahon. May dahilan kung bakit mas ‘sikat’ na ginagamit ang modernong gamit ng bakla at kimi kaysa sa “orihinal” na depinisyon nito. At gayong may dahilan din kung bakit hindi na naririnig ang arabal at papagayo sa mga usapan ngayon. Simple dahil ang wika ay nagbabago at yumayabong sa normal na beysis.

Gayunpaman, mahalagang malaman pa rin ang mga salitang ito bilang reperensiya natin sa kung gaano kalawak ang leksikon ng wikang Filipino. Ang mga salitang ito ay pirasong sumasalamin sa kultura at lipunang Pilipino noon at ngayon. Lalo na’t sa panahon ngayon na mas nagiging malikhain ang mga Pilipino sa pag-imbento o pag-modipika ng anyo ng isang salita, mainam na mabalikan natin kung saan tayo at ang wikang Filipino nagsimula, dahil ang siyang mga salita ang nagbibigay-puwersa sa mismong wikang Filipino upang mabalikan ang imbentaryo, kasaysayan at kultura nito tungo sa ganap na pagiging imortal ng diwa at kaisipang Pilipino sa pamamagitan ng wikang ginagamit natin.