Daniela Dizon, Aifer Jacutin, at Johnny Marquez

Hindi maitatangging Pasko ang isa sa mga pinakainaabangang pagdiriwang ng mga Pilipino sapagkat maliban sa makukulay na parol, magagarbong disenyo, alingawngaw ng mga tugtugin at engrandeng mga handaan, ang diwa nito ay maipapamalas din sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga espesyal na regalo.


Kaakibat na ng Pasko ang salitang regalo ngunit tuwing sasapit ang Disyembre, binabalot ang isipan ng mga tao sa kung ano nga ba ang nararapat ihandog sa mga mahal sa buhay. Isa na marahil sa mga dahilan nito ay ang hindi swak na badyet bunga na rin ng mataas na presyo ng mga panregalo sa merkado. Ngunit hindi kinakailangan ng magagarbo at mamahaling handog upang maging espesyal ang araw ng Pasko. 

Maraming paraan upang maiparamdam ang pagmamahal at pasasalamat; ang pinakamagandang regalo ay hindi nasusukat sa presyo kundi sa intensyon ng magbibigay nito. Ngayong panahon ng kapaskuhan, marapat lamang na maglaan ng oras upang mag-isip ng mga paraan para mapasaya ang ating mga mahal sa buhay. Maaari nating maiparamdam ang pagmamahal nang walang bigat sa bulsa ngunit tiyak pa rin na tatagos sa puso ng bawat isa. 

LIHAM NG PUSO

May mga nais ka bang sabihin sa iyong mahal sa buhay ngunit ‘di mo magawang bigkasin? Ito na ang iyong pagkakataon – ang mag-regalo ng liham. Talaga nga namang hindi matutumbasan ang mga salitang nagmula sa puso, at tulad ng isang taos-pusong liham, ay mananatili itong isa sa pinakamagandang regalong maaaring ialay kasama ng mga pasasalamat at mga kahilingan. 

Ang paglalaan ng oras upang isulat ang mga natatagong saloobin, paghanga, pagpapahalaga at taos-pusong pasasalamat, ay isang paraan upang lalong bigyang kulay at ningning ang Pasko. Gayundin, ang liham ay maaaring ilagay sa sobre at punuan ng mga dekorasyon. Ang ganitong uri ng regalo ay hindi magastos ngunit paniguradong makapag-iiwan naman ng pangmatagalang alaala at tatatak sa kanilang mga puso. 

DO-IT-YOURSELF (DIY)

Ang Do-it-yourself (DIY) na mga regalo ay isa sa mga bagay na tiyak na makapagpapasaya sa mga mahal sa buhay. Ilan sa mga halimbawa nito ay handmade bracelet, keychains at iba pa. Ang ganitong mga regalo ay maituturing na personalized kung saan makapag-iiwan ng sentimental value na hatid ng inilaang oras, pagsisikap at pagbubuhos ng ‘di matatawarang pagmamahal. 

Hindi kinakailangang maging eksperto –ang mga bagay na gawa sa kamay, basta galing sa puso ay laging mayroong halaga. Bukod pa rito, ang handmade gifts ay bukod-tangi. Mas praktikal din ito dahil maaaring mabili ang mga materyales sa murang halaga.  

2025 PLANNER

Sa pagdating ng Pasko, nalalapit na rin ang pagsisimula ng panibagong taon. Kaya naman isa sa mga magagandang regalo na puwede mong ibigay ay ang planner. Makatutulong ito sa iyong pagbibigyan para makapag-isip-isip ng mga dapat gawin para sa susunod na taon. Mabibigyan mo rin ng dahilan ang iyong reregaluhan para mapaghandaan niya ang mga mangyayari sa kanyang buhay, lalo pa’t kadalasan sa mga planner ay may budgeting section.

MUNTING ANIK-ANIK

Nauuso ngayon ang iba’t-ibang mga makukulay, nakaaakit at kakaibang mga anik-anik. Isa sa mga sikat ngayon ay ang Labubu, isang serye ng mga monster art toys. Nabibili ito sa paraang blind box kung saan hindi alam ng bibili kung ano o sinong karakter ang makukuha niya kung kaya’t bawat kahon ay naglalaman ng sorpresa. Subalit dahil sa mataas na presyo nito, hindi ito ang pinakamainam na pangregalo lalo na sa mga nagtitipid. 

Kaya naman maraming nagtitinda ngayon ng mga alternatibo o pamalit na mas mura ngunit maganda pa rin. Nariyan ang Squishy Blind Boxes na naglalaman ng malambot at may iba’t iba ring karakter na puwede mong pisil-pisilin at nariyan din ang Kawaii Blind Boxes na may makukulay at cute na mga misteryong karakter. Mas marami ang nagtitinda sa online kaya may iba't iba ring mapamimilian. Pare-parehas naman sila ng konsepto na hindi makikita ang nilalaman kaya kapag bubuksan ay nandoon pa rin ang pananabik.

MGA KLASIKONG REGALO

Sa mga exchange gifts at mga Christmas party, hindi mawawala ang photoframe, tasa, tuwalya at mga tumbler. Kadalasang malulungkot ang mga nakabubunot ng mga regalong ito dahil masyado na raw itong tipikal. Subalit sa darating na Pasko, maganda pa rin itong iregalo dahil praktikal at magagamit talaga sa pang-araw-araw. Upang makapagbigay ng mas malalim na ngiti, maaari mo itong ipa-customize gaya ng paglalagay ng pangalan o larawan na talagang nauuso ngayon. Mas ideyal itong ibigay sa mga may edad na subalit papatok pa rin ito sa mga bata kung ito ay nagpapakita ng mukha ng mga iniidolo nilang mga artista o icons.

MULTIMEDIA SURPRISES

Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ay ang pag-angat din ng ating pagkatuto. Ngayong Pasko, maaaring gumawa ng video presentation upang ipanood sa mga mahal sa buhay. Ang presentation na ito ay maaaring maglaman ng awiting pamasko, mga larawan at bidyo ng iyong pamilya at ang mga mensaheng nais iparating sa kanila. Sa paraang ito, mapupukaw ang kanilang damdamin at maipadarama ang pagmamahal. Simpleng paraan ngunit nakagagaan ng pakiramdam.

PANAHON, HIGIT PA SA MATERYAL NA BAGAY

Sa tuwing sasapit ang Pasko, hindi nawawala ang mga pamasko at regalo. Ngunit nakaliligtaan ng iba ang pinakamahalagang bagay na maaari mong ibigay sa mga mahal mo sa buhay – panahon. Sa pagpasok sa araw-araw, sa trabaho man o sa paaralan, madalas nakalilimutan nang bigyan ng oras ang pamilya. Kahit sa mismong tahanan, hindi na nagpapansinan dahil sa maraming ginagawa o hindi kaya ay pagtutok sa telepono. Kaya sa araw ng pasko, panahon ang pinakamagandang regalong hindi nila malilimutan. Lumipas man ang panahon, babakas ang alaalang nabuo nang sama-sama at salu-salo.

Sa paglipas ng mga taon, patuloy pa rin nating mararamdaman ang simoy ng hangin at ang tunay na diwa ng Pasko kung isasabuhay natin ang simbolismo nito sa bawat isa. Higit pa ito sa karoling at pagbibigay ng regalo dahil ito ay pagmamahal sa kapwa at paglalaan ng sapat na panahon kasama ang mga mahal natin upang umukit pa ng masasayang alaala kasama sila. 

Ngayong darating na Pasko, ating pahalagahan ang anumang ipagkaloob sa atin – materyal na bagay man ito o ang ipinararamdamn sa atin mula sa puso. 

Dahil ang totoong esensiya ng Pasko ay ‘di naman nasusukat sa kung gaano kamahal ang presyo ng regalong matatanggap natin kundi sa pagpaparamdam natin sa ating kapwa na sila’y ating minamahal at pinahahalagahan.