Gianela Zapata, Maricris Tulagan at Stela Militante

Hamón o hàmon? Paano mo mailalarawan ang iyong naging Kapaskuhan?

Pasko ang itinuturing bilang isa sa pinakamasayang pagdiriwang sa buong mundo na nagsimula nang isilang si Hesus sa isang maliit na sabsaban. Gayunpaman, ang ningning na hatid nito sa buhay ng bawat isa ay bahagyang nag-iiba depende sa uri at kinang ng parol na nakasabit sa bawat tahanan. Kapag maliwanag, masigla ang pagsalubong sa hatinggabi at may mga pagkaing nakahain sa hapag, ngunit kung tila mapupundi na, payapa, tahimik at pinalilipas na lamang ito ng iilan.  


Para sa bawat Filipino, iba’t iba ang mukha ng Pasko. Kaya’t upang tunay na maunawaan ang diwa nito, kailangang tingnan ang pagdiriwang mula sa iba’t ibang pananaw ng mga uring panlipunan o social class. 

Pero para saan nga ba talaga ang pasko?

Kaligayahan at karangyaan

Para sa mga may kaya sa buhay, katulad na lamang ng mga kilalang personalidad sa telebisyon o ‘di kaya’y mga nagmamay-ari ng naglalakihang mga korporasyon sa Pilipinas, hindi maipagkakaila na sa mga litratong kanilang ibinabahagi sa social media, ang kanilang Pasko ay isang selebrasyon na puno ng karangyaan at kaligayahan.
 
Ito’y isang panahon ng grandyosong pagtitipon, puno ng mga masasarap na handa, mamahaling regalo at masasayang kaganapan, sa loob man o sa labas ng bansa. 

Katulad na lamang sa mga tahanan ng sikat na mga vlogger kung saan ilan sa kanila ay sina Small Laude, Alex Gonzaga at Ranz Kyle, agad na makikita sa kanilang mga tahanan ang mga magagarang palamuting nagbibigay kulay at liwanag sa bawat sulok saan ka man tumingin. Hindi rin mawawala ang higanteng Christmas tree na sa ilalim nito ay nakalatag ang mga marangyang sorpresa gaya ng alahas o bagong gadget. Sa kanilang hapag-kainan nama’y nag-uumapaw ang mga banyagang pagkain, mamahaling karne at mga espesyal na inumin. 

Subalit isa ring pagkakataon para sa kanila na magbahagi ng kanilang mga biyaya ngayong Pasko. Isang halimbawa ay si Miss Universe 2018 Catriona Gray na noong nakaraang Pasko ay nagbigay ng care package sa 1,000 pamilyang benepisyaryo ng Young Focus PH na naglalaman ng mga bigas, biskwit at iba pang pagkain. 

Nagpapatunay ito na ang Pasko ay hindi lamang para sa kanilang kaligayahan kundi para na rin sa pagbabalik-loob at pagkakawanggawa, sapagkat sa bawat handa at regalo, labis na mahalaga ang pagmamahal at malasakit na ipinagkakaloob sa bawat isa.

Simpleng ligaya 

Para sa middle o working class na Filipino, dalawang ‘B’ ang palaging inaabangan tuwing pasko: benepisyo at bakasyon. 

Ang 13 month pay at Christmas bonus ang ilan sa pinaka-kinagigiliwan na benepisyo ng mga manggagawa sa buwan ng Disyembre. Kasabay nito, bawat opisina’t kumpanya ay nagsasagawa ng kani-kanilang Christmas party na puno ng sayawan, kantahan at nakakabusog na mga salu-salo.

Higit sa kasiyahan, ang Pasko ay panahon din ng pahinga at pasasalamat. Para sa marami, ito ang pagkakataon na makakauwi na sa probinsya at pamilya pagkatapos ng matagal na pagkayod. Ito’y panahon ng kumustahan ng mga magpipinsan, inaabangang pag-uwi ng mga magulang sa kanilang anak at pagbibigay ng simpleng pamasko sa mga mahal sa buhay. 

Ayon kay Arnel Buena, isang 52-anyos na manggagawa mula sa Maynila, ginagawa nila ang mga karaniwang tradisyon tuwing pasko. Kasama na rito ang pagdalo sa simbang gabi, sabayang noche buena, at pagbigay ng mga simpleng regalo sa kanyang dalawang anak at asawa. Taon-taon ay naghahanda rin sila ng mga tatak Pinoy na pagkain gaya ng spaghetti, salad, fried chicken, lechon, at fruit cake. 

Hindi mawawala ang tawanan at kulitan, kahit pa pagkatapos ng masaganang kainan ay nauuwi sa usapan kung sino ang maghuhugas ng pinggan pagkatapos. 

Patok din sa mga Pinoy ang mga usong laro o aktibidad. Ilang halimbawa na lang ngayon ang white elephant exchange gift (kung saan pwedeng kung ano-ano na lang na nakakatawang bagay ang nakukuha mong regalo), paggawa ng Tiktok videos at pati na rin pagkanta ng karaoke. Simpleng ligaya na ang mga regalong nakukuha sa monito’t monita, pati na rin ang regalo ng pagsasama na dala ng bakasyon.

Ngunit, para kay Buena, hindi pa rin sapat ang mga benepisyong ibinibigay tuwing kapaskuhan upang makapagdiriwang nang walang alinlangan at matustusan ang pangangailangan sa araw-araw. 

“Kulang siya [Christmas Bonus at 13th Month Pay], sa sobrang inflation at mahal na mga bilihin lalo na sa pagkain, pero ang ginagawa ko ay tipirin at pag kasyahin na lang ang dumating sa akin na 13th Month Pay,” ani Buena. 

Higit pa rito, ang mabuting kalagayan at kalusugan ng kaniyang pamilya ang pinakahihiling niya tuwing kapaskuhan, kaysa sa kung ano pa mang magarbong bagay at regalo. 

“Simple lang at wala masyadong dekorasyon o pa-ilaw [sa bahay] kasi nagtitipid ako sa kuryente…Ang hinihiling ko lang naman ngayong pasko ay good health para sa tatay at nanay ko na matanda na, sa akin at sa aking kabiyak. Sana walang magkasakit. Good health din sa dalawa kong anak na babae at sana maayos ang kanilang pag-aaral,” saad ni Buena.

Sa ganitong mga sandali, nabibigyang-diin ang mga sakripisyo na ginagawa ng bawat isa upang mapabuti ang estado ng kanilang buhay. Ang bawat grocery at ampao ay hindi lang nahulog galing puno, kundi pinagtrabauhan nang maigi. 

Hindi man lahat ng pamilya ay nakukumpleto o hindi man lahat ng Filipino ay may bongga’t magarbong selebrasyon, ang simpleng paggunita at paghiling ng mas abot-kayang mga pangarap at mas mabuting kinabukasan ang nagbibigay lakas sa bawat middle class Filipino.

Dilim sa Sinag

Para sa mga nasa baba ng uring panlipunan, hindi kasing liwanag ng ilan ang kanilang mga tahanan. 

Sa pagtitipid ng kinukunsumong kuryente, marami ang pumipiling huwag na maglagay ng mga pampailaw na dekorasyon. Simpleng kaganapan tuwing Noche Buena din ang matatagpuan sa hapag-kainan.

Sa taas ng mga bilihin, tanging hàmon lamang ng pagtitipid ang natitikman nila sa bisperas ng kapaskuhan. Biyaya na kung maituturing kung mayroon ang inaabangang mga putahe, o kung makapaghahanda man lang. 

“Grabe [ang] taas ng [presyo ng] mga bilihin, tapos ‘di naman tumataas mga sahod namin. Sobrang hirap mag-badyet kaya tinipid na lang din talaga namin ang paghahanda noong pasko, yung sakto lang sa'ming pamilya,” ani ni Miguel Mulato na isang haligi ng tahanan na nahirapan mairaos ang handaan noong kapaskuhan. 

Para sa mga bata, nagdadala ng hiwaga sa pasko ang pagkakaroon ng mga regalo. Subalit sa likod ng bawat regalong iyon ay ang doble-dobleng kayod ng kanilang mga magulang, na kahit nasa baba ng minimum wage na sinasahod, pilit na gumagawa ng paraan upang makapaglaan kahit kaunti. Sa kabila ng mga sakripisyong ito, napapawi naman ito sa bawat ngiti at pasasalamat na natatanggap nila. 

Salat man sa pinansyal, maswerte’t mayaman naman sila sa pagmamahalan. Sama-sama sa espesyal na pagdiriwang at pinagbubuklod ng samahang hindi matitinag ng kahit anong pagsubok kasabay ng pagsisimba bilang paraan ng pagpapasalamat sa Panginoon sa mga biyayang natatamo at pananalangin na sa susunod ay aayon na sa kanila ang pagkakataon.

Natututuhan din nilang yakapin ang konsepto ng pagiging kuntento sa kasalukuyan at magpatuloy sa buhay nang may pag-asa, sa kabila ng kanilang pinagdadaanan. Kasabay ng mga hiling at ang umuusbong na pangarap para sa mas maliwanag na kinabukasan, ang taimtim na pagnanais na sa susunod na pasko, may hamón na sa mesa.

Bituin sa tuktok ng pakikipagsapalaran

Para naman sa mga kapus-palad tuloy ang pakikipagsapalaran sa araw ng kapaskuhan.
 
Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na iniulat noong Agosto 2024, naitalang 10.9% o katumbas ng 3 milyong pamilyang Pilipino ang itinuturing na mahirap — mga pamilyang mas mababa sa 12,030 pesos ang buwanang kita. 4.5 milyong tao naman ang itinuturing na walang tahanan sa bansa ayon sa tala ng World Review Population, at halos dalawang-katlong bahagi o 3 milyon nito ay nasa Metro Manila. 

Kung ang iba'y abala na sa pag-aayos at paghahanda sa pagdiriwang, may iilan na nasa kalsada pa rin at humahanap ng mapagkakakitaan. Sa kasamaang palad, marami sa kanila’y walang mapalalamutiang tahanan sapagkat namamahay lamang sa lansangan.

Sa bisperas ng pasko, walang magarbong handaan ang nagaganap dahil wala silang hapag-kainan upang simulan. Biyaya nang maituturing kung mayroon mang maipanlalaman sa nagwawalang tiyan: makabibili ng pagkain kung papalarin, o magtitiis sa tira-tira ng ibang tao. 

Taliwas sa sigla at liwanag na mula sa mga tahanan ang nasasaksihan sa mga lansangan. Dito ay tanging ingay ng kumakalam na sikmura ang maririnig, habang silahis ng buwan at ilaw ng dumadaang kotse ang tanging nagsisilbing liwanag sa gabing madilim.

Matatagpuan din sila sa tapat ng mga simbahan, hindi lamang upang dumalo sa misa kundi upang makalimos mula sa mga taong dumadayo rito, nagbabakasakaling makatatanggap ng kahit na kaunting aguinaldo. 

Para sa mga batang paslit na namulat sa kalsada n, hindi komplikado ang depinisyon nila ng perpektong regalo — sapat na pera lamang upang mairaos ang araw at kung papalarin mang may maghandog sa kanila ng bagong damit, laruan, o kagamitan. 

Pasko ng pag-ibig

Sa kabila ng pagkakaibang dulot ng estado sa buhay, ang Pasko ay isang pagdiriwang ng pagmamahal at pag-asa. 

Mula sa mga magagarang handa at regalong mamahalin ng mga mayayaman, hanggang sa simpleng kasiyahan ng mga manggagawa at mahihirap, ang diwa ng Pasko ay buhay na buhay sa bawat tahanan. 

Hindi nasusukat ang tunay na halaga ng Pasko sa mga materyal na bagay, kundi sa mga sandaling nagsasama-sama ang pamilya, nagkakaisa at nagpapasalamat sa bawat biyaya. 

Ito ay isang paalala na ang tunay na kayamanan ay ang pagmamahal na ibinabahagi natin sa isa’t isa — ang magkasama sa hirap man o ginhawa; ang maging liwanag ng bawat isa hindi lamang sa araw ng Kapaskuhan.