Kenjie-Aya Oyong

Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang umuusbong ang mga job offering na hindi na nangangailangan ng diploma para pasukan, tulad ng mga call center agents at mga delivery service. Marami-rami na rin akong nakiktang mga taong hindi na tumutuloy sa kolehiyo at sa halip ay nagiging full-time freelancer o content creator na lang. Kaya naman hindi ko maiwasang matanong sa sarili ko: ano pang ginagawa ko dito sa kolehiyo?

Kartun ni Johann Kristoffer Rivera.

Sa dami ng mga alternatibong landas na puwedeng “pagdiskartehan,” hindi maiiwasang pagdudahan na ng ilan ang kapangyarihan ng isang diploma. Kahit na marami rin ang pintong nagbubukas para sa mga nakapagtapos, tila ba hindi na sulit ang magpatuloy sa kolehiyo. Ngunit, hindi iyon dahil sa yumayabong na oportunidad para sa mga non-college graduate. Bagkus, dahil iyon sa katotohanan na hindi nagkakaroon ang iba ng pagkakataong piliin at tahakin ang landas na ito.

Dito sa Pilipinas, karamihan sa mga college dropout na walang ibang pagpipilian kundi huminto sa pag-aaral ay mga biktima ng sirkumstansiya. Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, problema sa pera, pamilya, at kalusugan ang dahilan ng kanilang paghinto. Malamang, ito rin ang nagiging salik ng iba para hindi na tumungtong ng kolehiyo dahil mas maliit pa sa butas ng karayom ang tsansa nilang makapagtapos. Samakatuwid, dumadapo sa kanila ang kaisipang mas may oportunidad pa kung “didiskarte” na lang kaysa kumuha ng diploma.

Hindi ko sila masisisi, magastos talaga ang kolehiyo. Ang unang naiisip ng mga estudyante kapag pera ang pinag-uusapan ay tuition fee. Sa mga pribadong paaralan, umaabot mula Php 30,000.00 hanggang Php 150,000.00 ang kailangang bayaran kada semestre. Masyadong malaki ang halaga na iyan para sa mga hindi nakaaangat, kaya sa mga state at local univerisities ang punta nila.

Pero kahit pa libre ang tuition doon, wala namang takas ang mga estudyante sa Cost of Living Allowance (COLA). Noong nakaraang semestre, ang gastos ko sa isang araw ay umaabot ng Php 275.00 para sa pagkain at pamasahe. Kung pumapasok ako nang limang beses sa isang linggo, sa loob ng sampung buwan na nag-aaral ako, ang kabuuang gastos ko ay aabot ng Php 55,000.00 Hindi pa kasama diyan ang kung ano-anong gastusin sa unibersidad. 

Masuwerte nang may stipend akong natatanggap dahil may scholarship ako, pero paano naman ang iba na wala? Malaki ang Php 55,000.00 lalo na sa mga mag-aaral na minimum lang ang suweldo ng mga magulang. Kaya hindi na nakapagtataka kung ang isang kapos-palad ay hindi na nangangahas na makipagsapalaran sa kolehiyo. Oo nga’t sigurado ang kinabukasan ng isang indibidwal kapag nakapagtapos, ngunit para sa mga biktima ng sirkumstansiya, masyadong malaki ang oras at perang kailangan nilang ipuhunan sa pag-aaral.

Marami ang magsasabi, paano naman sina Bill Gates, Mark Zuckeberg, o iba pang mga indibidwal na mga college dropout noon pero bilyonaryo na ngayon. Ang sagot: malinaw ang hangarin nila sa buhay. Kung iisiping mabuti, dropout ang dalawa ng Harvard Univeristy—isa sa pinakaprestihiyosong pamantasan sa buong mundo. Hindi basta-basta ang desisyon nilang umalis sa pamantasang magbibigay sana sa kanila ng sandamakmak na oportunidad sakaling doon sila makapagtapos. Buo ang isip nilang maging mga entrepreneur. Pinag-isipan nilang mabuti ang kanilang desisyon na huwag nang mag-aral at sa halip ay magtayo ng sarili nilang negosyo at kumpanya. Sumugal sila, at alam nila ang panganib na kaakibat niyon. Hindi iyon dala ng kahirapan o ng iba pang suliranin na hindi nila kontrolado. Mayroon silang pagpipilian.

Pero, hindi ko hinihikayat na huwag nang magkolehiyo ang mga kapos-palad at sa halip ay dumiskarte na lang. Ang dapat lang na mangyari ay magkaroon sila ng kalayaan na piliin o huwag piliing magkolehiyo katulad ng mga bilyonaryong iyon. Ako, pinili kong magkolehiyo. Pero kung tutuusin, puwedeng-puwede rin akong magdesisyon na hindi tumuloy at rumaket na lang kung gugustuhin ko. Sa kabilang banda, karamihan sa mga hindi nakapagkolehiyo ay wala nang ibang pagpipilian. Gustuhin man nilang mag-aral, hindi sila pinapayagan ng sitwasyong kinalalagyan nila.

Kaya kasabay ng pagbibigay ng trabaho at training workshops para sa mga taong hanggang sekondarya lang ang tinapos, dapat ay gumawa rin ng pamahalaan ng hakbang upang gawing aksesible sa lahat ang pag-aaral sa kolehiyo. Nararapat lang na bigyan ng pamahalaan ang mga state universities ng sapat na pondo at hindi dapat ito kailanman tinatapyasan ng badyet. Bukod pa roon, dapat magtayo rin ng mga paaralan lalo na sa mga liblib na lugar upang mabigyan din sila ng akses sa edukasyon. Kasabay niyon ay ang pag-iimplementa ng mga pangmatagalang proyekto na makapagpapababa sa antas ng kahirapan.

Lahat ng mga hakbang na iyon ang makapagsisigurong lahat ay may pagpipilian sa nais nilang pasukin. Kung gusto ng isang indibidwal na maging negosyante, nariyan halimbawa ang TESDA upang mahasa ang kasanayang kailangan sa pagnenegosyo. Kung nais naman ng isang magpakadalubhasa sa isang larangan, naririyan din ang iba’t ibang mga pamantasan. Ang mahalaga rito ay mayroon silang kalayaang pumili. 

Ngayong dumarami na ang mga trabahong puwedeng pasukan para sa mga taong walang diploma, nagiging pantay na ang oportunidad na mayroon sila at ng mga nakapagtapos. Sa huli, ang halaga ng kolehiyo ay hindi dapat nakabatay sa dami ng oportunidad na nakaabang. Bagkus, nakabatay dapat ito sa indibidwal at sa bagay na gusto niyang maging. Hindi rin ito dapat nakabase sa mga salik na hindi niya kayang kontrolin. Sa halip, dapat masukat ang halaga ng diploma o bisa ng diskarte sa landas na kaniyang tatahakin at sa bukas na kaniyang bubuuin.