Explained Thoughts: Silang May Ginintuang Kutsara at Pangalan
Jericko Arangis
Sa bawat sulok ng Pilipinas, lansangan man o baryo, tila walang katapusang siklo ang pagdaloy ng kapangyarihan sa kamay ng iilan. Mula sa liwasan ng bawat bayan hanggang sa mga sesyon ng kongreso, halos iisang mukha lamang ang naririto. Silang may ginintuang kutsara sa bibig na tagapagmana ng mga pangalang matunog sa politikal na larang.
Ang mukha ng kasaysayan sa kasalukuyan
Hindi maikakaila ang kahalagahan ng kasaysayan at kultura sa porma ng politika ng bansa—isang sistemang matagal nang nababalutan ng mga tradisyon na tila mahirap tibagin ng hangin ng pagbabago. Sa pulitika ng Pilipinas, malalim ang ugat ng patron-client na relasyon, kung saan ang mga pulitiko ay nagbibigay ng tulong kapalit ng boto at katapatan ng mga tagasuporta. Kaugnay nito ang konsepto ng utang na loob, na nag-uudyok sa mga tao na bumalik ng pabor sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang mga patron. Dahil dito, patuloy ring umuusbong ang padrino system na siyang nagpapalakas ng impluwensya ng mga kilalang tao o pamilya, at nagiging daan para mas madali nilang mapasok ang mundo ng politika. Ang mga tradisyong ito ay umiiral dahil sa mahabang kasaysayan ng kolonyalismo, pyudalismo at piling demokrasya sa Pilipinas, kung saan ang kapangyarihan ay konsentrado sa kamay ng iilang pamilya o sektor.
Sa ating kasaysayan, ang paghawak sa kapangyarihan ay batay sa lahi, kayamanan at karangalan, na nasasalamin sa mga datu at sultan. Ipinanganak sa pamilyang may impluwensya, ipinakilala sa batang edad pa lang ang mga paraan ng pamumuno, at mula roon, itinaguyod ang kanilang mga pangalan bilang mga haligi ng kanilang pamayanan. Sa paglipas ng panahon, hindi na ang maharlikang dugong bughaw ang nagbibigay-daan sa pamumuno, ngunit nanatiling buo ang ideya na ang pamumuno ay nakaangkla sa mga “karapat-dapat”—mga personalidad na may kakayahang tumapak sa kalsadang ginagapangan ng kanilang mga ninuno.
Ayon sa Konstitusyon
Sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987, ang mga kwalipikasyon para sa mga kandidato ng pampublikong posisyon ay pangunahing nakabatay sa mga batayang legal, na tila bukas sa lahat ng mamamayan. Halimbawa, ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay kinakailangang likas na Pilipino, marunong bumasa at sumulat, rehistradong botante at hindi bababa sa 40 taong gulang. Ang mga kwalipikasyong ito ay inilatag upang tiyakin na ang bawat kandidato ay may karampatang kakayahan na mamuno at pag-unawa sa kanilang tungkulin. Bagama't mukhang malinaw at abot-kaya ang mga pamantayang ito, hindi ito palaging sapat upang makapasok sa sistema, lalo na kung isasaalang-alang ang malalim na nakaugat na impluwensya ng mga pangalan, yaman at koneksyon na nagbibigay ng dagdag na kalamangan sa mga "karapat-dapat" na tumapak sa landas ng kanilang mga ninuno.
Ang laro ng dinastiya
Kalimitan sa mga tumatakbo, bagama’t hindi na nakadamit ng mga korona at saya ng makalumang panahon, ay sinasanay na sa murang edad upang maging handa sa agos ng politika. Bata pa lamang, naitatak na sa kanilang isipan ang mga pangalan ng kanilang mga magulang o kamag-anak na naglingkod bilang mga mayor, gobernador, o senador. Ito ang patunay ng malalim na kultura ng political dynasty sa Pilipinas, kung saan ang kapangyarihan ay tila namamana. Bagama’t malinaw na isinasaad sa Artikulo II, Seksyon 26 ng ating saligang batas na dapat ipagbawal ang mga political dynasty ayon sa maaaring itadhana ng batas at maging pantay ang pag-uukol sa mga lingkod-bayan, hanggang ngayon ay wala pa ring naipapasang partikular na batas na magtatakda ng ganitong pagbabawal. Kaya’t nananatiling malaya ang mga politiko na ipasa ang kapangyarihan sa kanilang mga anak, kapatid, o kahit pa apo, na tila ba ang pagiging lider ay bahagi ng isang pamanang hindi maaaring buwagin.
Samantalang ang iba—mga ordinaryong mamamayan na may malasakit sa bayan—ay patuloy na nangangarap. Minsan ay nagtatangka silang sumabak, dala ang pag-asa ng pagbabago at pagbabakasakali na baka sila ang susi upang sirain ang tila walang katapusang siklo. Subalit sa likod ng lahat ng kanilang mithiin, isang matinding pader ang kanilang tinatangkang tibagin—pader na gawa mula sa mga institusyon, kaugalian, at mga koneksyong hindi basta-basta napuputol. Laging rinig na ang bayan ay pagod na sa mga retorikang paulit-ulit. Subalit silang naglalayong itaguyod ang pagbabago ay paulit-ulit ding naisasantabi at ang nananatili sa upuan ay silang may mga malalaking pangalan.
Hindi lamang basta-bastang nakatayo ang pader na ito dahil sa mga politiko. Bagkus, ito’y pinagtagpi-tagping mga kadahilanan—pagtitiwala ng tao, pagkakakilanlan ng apelyido at kakayahang gumamit ng yamang nararapat ay para sa bayan. Ang bawat halalan ay parang isang palabas ng mga tauhang pamilyar na, kung saan ang mga pangunahing kandidato ay laging nasa isip at puso ng mga tao—hindi lang dahil sa kanilang mga plataporma, kundi dahil bahagi na sila ng ating nakasanayang kultura.
Hindi lamang simpleng labanang pampolitika ang panlipunang danas ng Pilipinas. Ito’y danas ng kasaysayan—ng mga naunang institusyong nananatili sa ating kamalayan, ng mga tradisyong patuloy na isinasabuhay sa bawat bayan at ng isang siklong hindi madaling wasakin ng mga bagong pangarap. Sa pagdaan ng panahon, mananatiling nangangarap ang mga ordinaryong mamamayan na nais baguhin ang sistema, ngunit sa harap ng malalim na ugat ng kasaysayan, tila isa itong laban na laging umaasa sa tamang pagkakataon.
Ang katanungan ngayon ay hindi kung sino ang nararapat na manalo sa politika, kundi kung paano binabago ng bawat isa sa atin ang ating pananaw sa kung sino ang dapat mamuno. Subalit sa ilalim ng lahat ng ito, nananatiling matibay ang mga apelyido—mga pangalan na matagal nang nanindigan sa harap ng mga hamon ng kasaysayan at politika. Mananatili silang may mga ginintuang kutsara at pangalan kung ang bayan ay mananatiling nakapikit sa halalan.