Cess Gatchalian, Jamayka Rhose Pascual at Jonell Rhae Garcia

Sa panahon ngayon kung saan mabilis ang pag-usbong ng talento sa digital platforms, isang pangalan ang naging sentro ng papuri at panlalait sa industriya ng Original Pilipino Music (OPM) — si Dionela. 


Mula sa kanyang orihinal na mga kanta hanggang sa pagiging isang viral sensation, hindi lamang ang kanyang musika ang umani ng atensyonkundi pati ang kanyang imahe, liriko at maging ang kanyang personal na pagkakakilanlan.

Si Tim Dionela, na mas kilala sa industriya ng musika bilang ‘Dionela,’ ay nagsimula lamang sa paggawa ng mga covers at orihinal na kanta.

Hindi man bahagi ng malaki at nagsisikatang mga record labels, naging matunog ang kanyang pangalan sa mundo ng musika dahil sa pag-upload ng kanyang mga kanta sa digital platforms katulad ng YouTube at TikTok, kung saan dito niya unti-unting nakuha ang atensyon ng masa.

Ang kanyang natatanging tunog at liriko ay nagbunga ng mga hit songs tulad ng Musika, Oksihina, Sugal at Sining na mas sumikat pa nang magsimula itong gamitin sa mga TikTok videos. Sa kasalukuyan, hawak niya ang No. 1 spot sa Spotify Philippines sa pitong sunod na linggo dahil sa kanyang kantang Sining. Umabot ito sa 56.9 milyong streams, habang ang kanyang buwanang tagapakinig ay pumalo sa 8.6 milyon, dahilan upang siya ang maging OPM artist na may pinakamaraming monthly listeners

Mga kamada ng pinsala

Ngunit kasabay ng kanyang tagumpay ang pagdagsa naman ng mga pumupuna sa kanyang mga likhang musika mula sa iba na nagsasabing paulit-ulit na lang ang mga tema ng kanyang mga kanta at tila wala ng bago sa mga ito. Ang istilo ni Dionela sa pagsusulat na kadalasan ay mula sa mga hugot at paggamit ng malalalim na mga salita ang naging dahilan ng kanyang pagiging kontrobersyal na kalauna’y nagbigay daan sa isang hate train laban sa kanya.

Isa sa mga pangunahing dahilan nito ang paggamit ni Dionela ng mga salitang hindi pamilyar sa karamihan. Nagdudulot kasi ito ng kalituhan na kung saan ang puna ng ilan ay kadalasang hindi tugma ang mga salitang ginamit sa mensaheng nais niyang iparating. Marami rin ang nagsasabing paulit-ulit na lamang ang kanyang mga kanta dahil ang mga hugot bilang tema ng kanyang mga awitin ay naging pangkaraniwan na sa karamihan at naghahanap sila ng panibagong timpla.  

Nagsimula ang kontrobersiya nang mapansin ng netizens ang kanyang paggamit ng malalalim at tila hindi konektadong mga salita, partikular na nang maging viral ang linyang "Ang mitolohiya ay sa'yo maaari” na itinuturing ng ilan bilang pilit at walang malinaw na mensahe. Sa halip na kilalanin bilang malikhaing liriko, ito ay naging paksa ng memes, na nagdulot ng sunod-sunod na pangungutya sa social media laban kay Dionela

Bukod sa liriko, naging sentro rin ng diskusyon ang umano'y paulit-ulit na tema ng kanyang mga kanta. Marami ang nagsasabing karamihan sa kanyang musika ay umiikot lamang sa hugot at malalalim na salita, kaya't tila wala na siyang bago na maihahandog sa industriya. Dahil dito, ilang tagapakinig ang nagsimulang mawalan ng interes sa kanyang musika, habang ang iba naman ay nanatiling tapat na tagasuporta.

Naging bahagi ng mabilis na viral nature ang kanyang mga awitin sa TikTok, na kung saan siya rin ay naging bahagi ng mga memes. Maging ang kanyang pisikal na itsura na wala namang kinalaman sa kanyang musika ay naging sentro rin ng iba't ibang memes sa social media.

Kasama rin sa mga memes na ito ang liriko ng kanyang mga kanta na binibigyan ng iba pang mensahe o kahulugan ng masa. Hindi rin nakaligtas ang kanyang itsura sa matalas na mata at opinyon ng mga netizens. Sa mga Facebook at Twitter threads, hindi na nga rin matapos-tapos ang pagpuna sa kanyang istilo, at ang kanyang paninindigan sa kanyang likha ay mas lalo pa ngang napuna.

Mula sa mga parody videos hanggang sa memes na ginagawang katatawanan ang kanyang liriko, tila naging isang malaking running joke si Dionela sa mundo ng social media. 

Ang bagong hukuman ng mga artist

Ang espasyo ng social media na dapat sana’y para sa sining ay naging sentro ng panlalait laban kay Dionela. Dahil sa mabilis na daloy ng impormasyon dito, ang bawat post ay may potensyal na mag-viral at sa ganitong sistema, ang mga artist katulad niya ay madaling mailagay sa ilalim ng matinding kritisismo.

Sa digital age, kung paano ka ituturing ng social media ay maaaring magdesisyon ng iyong karera–mapasikat man o hindi. Sa kaso ni Dionela, ang mismong platapormang nagbigay sa kanyang kasikatan ang siya ring naging dahilan sa kanyang hinaharap na matinding kritisismo.

Sa isang mundo kung saan ang mga artist na kagaya niya ay sinusukat hindi lamang sa talento kung hindi pati na rin sa kanilang imahe, nagiging malinaw pa lalo na hindi lang musika ang inaasahan ng mga tao sa mga musikero.

Ang kultura ng panlalait sa social media ay tila isang hindi matinag na pader — isang sistema kung saan ang pagpo-post ay nagbibigay daan sa iba upang “manira.” Marami ang nagtutulak ng naratibong “hindi magaling” laban kay Dionela, pero kung iisipin, paano siya nakarating sa kasikatan na ito kung wala man lang ni isa ang naka-relate sa kanyang musika?

Madalas na ang mga artists na katulad ni Dionela ay nagiging biktima ng echo chamber, isang siklo kung saan ang mga opinyon ng karamihan ay nagiging katotohanan sa mata ng iba. Kung marami ang nagsasabi na ang kanyang musika ay paulit-ulit, ang pananaw na ito ay magiging kolektibong paniniwala, anuman ang tunay na kalidad ng kanyang gawa.

Sa halip na tingnan bilang isang musikero na patuloy na umuunlad, naging bahagi si Dionela ng isang "internet punching bag" — isang artistang ginagawang tampulan ng panunukso at pang-iinsulto sa social media. Naging paborito siyang paksa ng parody videos at reaction content kung saan ang kanyang mga liriko ay ginagawang biro. Maging ang kanyang pisikal na anyo ay hindi nakaligtas sa pambabatikos, na isang malinaw na halimbawa ng kulturang mapanuri ngunit madalas ay mapanira sa internet.

Sa kabila nito, nanindigan si Dionela sa kanyang istilo. Sa isang Facebook post, ipinaliwanag niya ang ibig sabihin ng mga salitang "limbics" at "kinamada,” na dati nang inulan ng batikos. Ayon sa kanya, ang "limbics" ay tumutukoy sa limbic system ng utak, na responsable sa emosyon, samantalang ang "kinamada" ay nangangahulugang inayos o inorganisa na aniya, narinig lang niya sa mga kargador. Sa kabila ng kanyang paliwanag, hindi pa rin nito napigilan ang patuloy na pambabatikos. 

Paglangoy sa dagat ng kritisismo 

Sa kabila ng mga pagsubok, hindi natitinag si Dionela. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin siyang lumilikha ng musika at may matibay na suporta mula sa kanyang loyal fans. Patunay ito na sa industriya ng musika, hindi sapat ang talento — kailangan ding magkaroon ng matibay na paninindigan. Higit sa usaping Dionela, ang kwento niya ay sumasalamin sa mas malaki pang problema ng industriya ng musika at internet culture.

Sa panahon ngayon, hindi sapat na ikaw ay may talento — kailangan mo ring magkaroon ng branding na kayang makipagsabayan sa mabilisang pag-inog ng mga trends. Isa rin na hamon ay ang pagpapanatili ng originality at authenticity sa isang panahong napakabilis magsawa ng mga tagapakinig. 

Kung ang isang artist ay nakilala sa isang partikular na istilo, paano niya ito malalagpasan nang hindi inaakusahan ng kawalan ng pagbabago? Patunay si Dionela na ang tunay na pagmamahal sa musika ay hindi kailanman dapat maglaho — ito ay nananatili.

Maaaring ngayon ay madalas siyang gawing target ng panlalait sa internet at patuloy na ginagamit ang kanyang mukha at gawa sa mga memes,ngunit maraming sikat na ang nakalagpas sa ganitong pagsubok. Kung ipagpapatuloy niya ang pagpapakita ng pagmamahal sa musika, may posibilidad na dumating ang araw kung kailan mabawasan, o tuluyang mawala, ang mga kritisismo laban sa kanya.

Sa kasabihang “bad publicity is still publicity,” ang kasikatan ni Dionela — mabuti man o masama — ay nagsisilbing hakbang upang lalo pang paghusayin ang kanyang musika at mas lalo pa siyang makilala. Ang kanyang kwento ay isang testamento sa mundo ng sining, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng streams o views, kundi sa kakayahang manatiling tapat sa sarili at gamitin ang bawat kritisismo bilang inpirasyon sa paglago.

Sa industriya ng musika, ang landas ng isang artist ay hindi laging patag — madalas itong puno ng pagsubok, panghuhusga at matinding pang-aalipusta. Ngunit tulad ng maraming nagtagumpay na artists, mahalaga ang kakayahang gamitin ang bawat kritisismo bilang gasolina, dahil ang tagumpay ay nakukuha sa kakayahang gamitin ang mga balakid na ito bilang inspirasyon.

Ang industriya ng musika ay hindi palaging magaan, ngunit para sa mga may tunay na pagmamahal dito, ang bawat pagsubok ay isang hakbang patungo sa mas matibay na kinabukasan sa larangan ng sining. At ang sining ay hindi kailanman dapat limitahan ng opinyon ng iba, ito ay dapat pinapalago pa ng bawat salita — kahit gaano pa ito kasakit o kaginhawa.

Sabi na nga sa kanta niya, “lalangoy tayo sa lungkot, talakayin ang sakit, sa mundong madilim ako’y mananatili.” 

Sa mundong puno ng ingay ng opinyon, kritisismo at memes, nananatili ang isang katotohanan — ang musika ay hindi para sa lahat, ngunit para sa mga handang makinig at umunawa. May mga panahong malulunod ka sa panghuhusga, ngunit tulad ng kanyang kanta, patuloy kang lalangoy at mananatili.