Sa Hapag ni Juan: Pagsilip sa Buhay ng mga Mambubukid at Mamamalakaya
Arkin Yeshua Aznar at Jonell Rhae Manalo
Hanggang kailan kaya may maihahain sa lamesang nagpapakain?
Hindi lingid sa kaalaman ng bawat pamilyang Pilipino ang kahalagahan ng palay at yamang tubig sa pang-araw-araw na pagkain. Ika nga, rice is life. Tulad ng kanin, nabubuhay tayong mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng isda lalo na kung napaliligiran tayo ng mga karagatan. Hindi na ito kakaiba sapagkat umaasa tayo sa kamay ng ating mga mambubukid at mangingisda para sa pagkaing ihahanda natin sa ating mga lamesa.
Tunay ngang may malaking gampanin at halaga sila hindi lamang sa ating ekonomiya, kung hindi, pati na rin sa paninigurong may maihahain tayo sa mga hapag. Subalit sa paglipas ng panahon, kasama nga ba natin sa kaunlaran ang mga nagbababad sa palayan at pala-isadaan?
Oktubre 16 noong nakaraang taon ipinagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain kung saan nanawagan ang mga grupo ng mga magsasaka kagaya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan National Federation of Peasant Women at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na paigtingin ang suporta ng gobyerno sa lokal na produksyon at agrikultura dahil sa patuloy napag-aangkat ng bansa ng mga produktong kaya namang sustentuhan ng mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
Sa pagbubukas ng panahon ng anihan at hulihan, kumustahin natin ang ilan sa ating mga kababayang tila napag-iwanan ng kaunlaran.
Sa Palayan ng Kinabuhi
Sa init ng pagsasaka, tunay bang buhay ay ‘di karera?
Kinabuhi — isang salitang Waray na nangangahulugang buhay. Kanin ang nananatiling pinakapangunahing pananim sa bansa, kasama ng pagtaas sa pangangailangan nito taun-taon. Kaya naman, masasabing may malaking gampanin sa lipunan ang ating mga magsasakang nagbibilad sa tirik na araw upang masigurong may maaaning palay at mayroon tayong maihahandang kanin sapagkat isa ito sa mga maituturing na buhay ng pamilyang Pilipino, habang palay naman ang nagbibigay sa mga magsasaka ng kinabubuhay. Subalit sa pag-aaral na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) taong 2020, ang mga kapatid nating mambubukid ay nananatiling isa sa mga biktima ng kahirapan mula sa mga sektor ng lipunan.
Kaakibat nito, kinondena ng KMP ang paglalaan ng pamahalaan ng maliit na bahagdan ng taunang badyet para sa sektor ng agrikultura sa bansa. “Walong beses na malaki ang badyet ng imprastraktura kaysa sa agrikultura. Apat na beses na malaki ang badyet sa pagbabayad ng utang kaysa sa agrikultura. Paano mapapalakas ang lokal na produksyon kung pinababa na nga ang pondo sa agrikultura, hindi pa epektibo ang mga programa at patakaran ng DA?” saad ng tagapangulo ng KMP na si Danilo Ramos matapos maglaan lamang ng 2.3% ang gobyerno ng badyet mula sa P6.325 trillion ng 2025 National Expenditure Program (NEP).
Paano nga naman makasasama sa pag-unlad ang mga magsasaka kung hindi sila bibigyan ng suporta?
Matagal nang ipinaglalaban ng ating mga magsasaka ang kanilang mga karapatan, pero sa tala ng kasaysayan, ang pakikibaka ay madalas nauuwi sa pagdanak ng kanilang dugo. Taong 1987, mahigit kumulang sampung libong magsasaka ang naglakad sa kahabaan ng Mendiola sa Maynila upang hingin ang agarang pagbabago ng sistema ng agrikultura sa bansa, subalit imbes na pagbabago mula sa administrasyon ng dating pangulong Corazon Cojuangco Aquino, 13 magsasaka ang napaslang dahil sa pagpapakawala ng bala ng sundalo at pulis. Noong 2004, nagsagawa ng strike ang mga magsasaka ng asukal na nagtatanim sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco sa Tarlac upang maitaas ang kanilang sahod, pero tulad ng nangyari sa Mendiola, ang pakikibaka ay nagdulot ng pagdanak ng dugo, at pagkamatay ng buhay ng mga magsasaka. Ilang dekada ang nakalilipas, patuloy ang pang-aabuso at pang-aapi sa mga mambubukid.
Ayon sa dating tagapangulo ng KMP at kalihim ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) Rafael Mariano, hanggang ngayon ay wala pa ring tunay na repormang nangyayari para sa kapakanan ng mga mambubukid sa bansa. Bukod pa rito, napakaraming lupang sakahan ang nais gamitin para sa pagpapatayo ng mga imprastraktura tulad ng nangyari sa Bulacan, kung saan bigla na lamang pinaalis ang mga magsasaka kahit protektado ng batas sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang lupang kanilang tinataniman, at sa Negros Occidental na hanggang ngayon ay nakabinbin ang desisyon ng DAR na biglang pagpayag sa paggamit ng lupa ng La Castellana para sa imprastraktura o land use conversion kahit protektado rin ng CARP ang lupain.
Kung patuloy na magkakaroon ng mgamagte-taingang kawali sa pang-aabuso, karahasan at kawalan ng suportang nararanasan ng mga mambubukid, ‘di-malayong ang dating palayan ng kinabuhi ay tuluyan nang manunuyo at malalanta.
Sa Dagat ng Ka(u)nlaran
Hindi kalayaan kundi pang-aabuso ang umiiral sa karagatan, at ang mga simpleng mangingisda, ay patuloy na dinadahas sa West Philippine Sea.
Araw-araw tinatawid ng mga mangingisdang pinoy ang alon ng takot at pangamba dahil sa mga banyagang bapor. Sa bawat hampas ng alon mula sa malalaking barko ng Tsina, tila ba sinasagasaan hindi lamang ang kaniyang bangka kundi pati na rin ang kaniyang pangarap na mamuhay mula sa yaman ng dagat. Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative, patuloy ang gjnagawang pandarahas ng Tsina gamit ang mga water cannon, na nagdudulot ng pagbagsak ng kita ng mga Pilipinong mangingisda ng halos 70%, gaya ng iniulat ng Oceana Philippines. Ang dating karagatang pinagkukunan ng maihahain sa hapag, ngayo’y isang mapanganib ng lugar. Kasabay ng mga pagsubok sa West Philippine Sea, si Juan ay humaharap din sa mga hamon sa sariling bayan.
Habang patuloy ang mga reclamation projects sa Manila Bay, ang likas na yaman ng dagat ay tila nawawala sa bawat pagbuo ng mga imprastraktura. Sa likod ng mga proyektong ito, na sinang-ayunan ng mahigit 187 beses ng Philippine Reclamation Authority, ang unti-unting pagkasira ng mga bakawan at korales. Ang mga lugar na dati’y tahanan ng mga isda, ngayo’y mga sako ng buhangin at palay na. Ayon sa Haribon Foundation, halos 40% ng mga bakawan sa Manila Bay ang nawala — at kasabay nito, nawawala rin ang kabuhayan ni Juan.
Sa tuwing itinataya ng mga Pinoy ang kanyang lambat sa dagat, hindi lamang isda ang kanyang sinasalubong kundi ang kawalan ng katiyakan na may maihahain pa sa hapag. Maraming Pilipino ang umaasa sa isda bilang pangunahing pinagkukunan ng protina, ngunit sa bawat araw na lumilipas, dumarami ang mga bakanteng lambat at nababawasan ang pagkain sa hapag. Wala rin siyang natatanggap na sapat na tulong mula sa gobyerno, na ayon sa Asian Development Bank, hindi nabibigyan ng sapat na suporta ang mga mangingisdang Pinoy sa ilalim ng reclamation projects at pangha-harass ng mga banyagang bapor.
Ayon sa IBON Foundation, 85% ng mga mangingisda sa West Philippine Sea ang umaasang mabibigyan sila ng proteksyon. Alam natin na ang tunay na laban ay hindi lamang para sa isda o karagatan, kundi bitbit n'ya ang hustisya para sa kinabukasan.
Ang dagat na dati’y nag-aalok ng pag-asa, ngayo’y larangan ng labanan, ngunit patuloy na aasa at titindig ang mga Pinoy para sa kanilang buhay at pangarap.
Sa Hapag ng Kinabukasan
Sa bawat butil ng bigas at tinik ng isdang kinakain, ang kinabukasan ng hapag ay alanganin.
Mula sa pagiging tanyag na bansang nakasalig sa agrikultura ang ekonomiya, kilala ang Pilipinas pagdating sa serbisyo, habang ang mga manggagawa ay humaharap sa mga banyagang higante na kayang tirisin ang mga tulad ni Juan na gumagamit ng maliliit na sagwan sa sariling karagatan.
Tulad natin, ang mga mangingisda ng Pilipinas ay humaharap sa matinding dagok ng kabuhayan at pakikipagsapalaran sa karagatan. Habang patuloy ang panglulupig ng mga banyaga, mas lumalala ang banta sa seguridad ng mga mangingisda, at tila ba ang kanilang mga pangarap ay unti-unting nilalamon ng alon ng pang-aabuso. Mula sa pagiging bansang tagaluwas ng bigas, ngayon ay pangunahing tagapag-angkat na tayo, na simbolo ng ating pagkukulang sa sariling produksyon.
Sa hapag ng kasaganaan ng Pilipinas ay maaring maging hapag ng kakulangan, lalo na't patuloy ang sigalot sa karagatan at suliranin sa agrikultura. Sa kabila ng kanilang pagsisikap na maghatid ng masustansyang pagkain, hindi pa rin sumasapat ang 80% ng mga magsasaka t mangingisda sa kanilang kita. Sa huli, kung sila mismo ang mawawalan ng maihahain, tiyak na ang mga umaasa ay mangangailangang manalangin. Ngayon, ang kalagayan nito ay nag-iiwan sa atin ng tanong:
Kakayanin kaya nating maghanda para sa kakulangan ng pagkaing maihahain?