Daniela Dizon at Aifer Jacutin

Sa kabila ng pagmahal ng mga bilihin, ang mga Pilipino ay nagmamahal pa rin. Ngayong Buwan ng mga Puso, maraming paraan para ipadama ang iyong pagmamahal sa sarili, kaibigan, pamilya at maging sa iyong sinisinta. 


Matapos ang malamig na simoy ng hangin sa mga nagdaang buwan, muling mararamdaman ang init ngayong buwan ng Pebrero. Ang buwan na ito ay hindi lamang tungkol sa romantikong relasyon kundi isang paalala rin na ang pag-ibig ay maaaring ipahayag sa iba’t ibang anyo. Mula sa simpleng paglalaan ng oras para sa sarili hanggang sa mga masayang bonding moments kasama ang mga mahal sa buhay, may iba’t ibang paraan upang gawing espesyal ang panahong ito. 

Kung nais mong gumala o makipag-date, ano-anong lugar ang maaari mong bisitahin, may kasama ka man o wala? Tuklasin ang ilang patok na destinasyon kung saan maaaring maramdaman ang pagmamahal sa paligid, maging ito man ay isang romantic getaway, isang chill na solo date, o isang masayang lakad kasama ang barkada.

MUSEO, LUGAR NG MAKULAY NA PAG-IBIG

Mula sa mga makukulay na pinta, hanggang sa nakakamanghang mga artifact, pati na ang mga makasaysayang mga paso, lahat ng iyan ay nasa isang museo, marami ang pwedeng tignan kaya may dahilan ka na para siya ay pagmasdan. Sa Maynila matatagpuan ang National Museum of Fine Arts, National Museum of Anthropology at National Museum of Natural History. Magkakalapit lamang ang mga museong ito kaya maaari mo itong puntahan lahat. Baybayin niyo ang bawat gallery nang magkahawak ang kamay at sumulyap-sulyap ka ng sabay. Isang tahimik ngunit makabuluhang date—matututo ka na, kikiligin ka pa.

Bukod sa mga pambansang museo sa Maynila, marami pang museo sa bansa na maaaring bisitahin para sa isang masining at makabuluhang date. Kung nais mo ng mas kakaibang karanasan, subukan ang Pinto Art Museum sa Antipolo, kung saan matatagpuan ang mga contemporary art pieces na perpekto para sa mga mahilig sa sining at aesthetic na litrato. Maaari ring bisitahin ang Ayala Museum sa Makati upang mas lumalim ang iyong kaalaman sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas. 

SINEHAN NG MGA KWENTONG NABUO

Anong pelikula ang pumapasok sa isip mo kapag nakikita mo siya? Mapa 100 Tula Para Kay Stella man yan o kahit Shake, Rattle, and Roll pa, hindi malalaos ang isang movie date. Pero para gawin itong mas espesyal pa ngayong Valentine's Day, pasyalan niyo ang Cinema 76 na matatagpuan sa Tomas Morato. Manood habang magkahawak ang kamay nakakaantig man ang eksena at kahit nakakakilig pa. Idagdag mo pa ang post-movie kwentuhan sa cafe kung saan may usapan at pagkaing mapagsasaluhan. Bawat sulok rin nito ay Instagrammable kaya mag-iiwan ito ng magandang alaala.

Kung nais mo naman ng kakaibang cinematic experience, subukan ang outdoor movie screening sa ilang lugar tulad ng Movie Stars Café, isang movie-themed restaurant and cafe o kaya naman Rooftop Cinema Club, kung saan mas ramdam ang romantikong ambiance. Anuman ang piliin, siguradong magiging isang alaala ang bawat eksena—hindi lang sa screen kundi pati na rin sa inyong puso.

LARONG MAY DAGDAG PUNTOS SA PUSO

Isang kakaiba at lighthearted na date ang mararanasan kung pupuntahan niyo ang Pat’s Putts sa may Pasig at Pasay. Ito ay isang indoor mini golf na may game room kung saan marami ang pwedeng paglaruan. May diner din sa loob nito kung saan pwede kayong uminom at kumain. Ang bawat sulok ay Instagram-worthy din, dahil sa black light at neon theme nitong konsepto. Ang usapan niyo ay mas magiging komportable at natural habang sinusubukan ninyong ipasok ang bola sa butas ng pag-ibig dahil sa magandang ambiance ng lugar.

LUKSONG PAG-IBIG: ILABAS ANG SAYA NG PAGKABATA

Malalabas niyo ang kakulitan ng isa’t-isa sa WiiJUMP Trampoline Park na isang adult playground. Isang energetic na date ang mararanasan niyo dito dahil sa dami ng trampoline at mga kagamitang pampasaya. Malilimutan ang stress at muling mabubuhay ang pagkabata. 

Bukod sa pagtalon-talon, maaari rin kayong sumubok ng iba’t ibang interactive activities tulad ng mystery at obstacle courses na siguradong magbibigay ng hamon sa inyong dalawa. Ang ganitong klase ng date ay hindi lang pampasaya kundi isang paraan din para mapalakas ang inyong teamwork at pagtutulungan. Mas lalo rin kayong magiging komportable sa isa’t isa habang pinapawisan sa kakatawa at pagsubok sa iba’t ibang laro.

Kung nais pang palawakin ang adventure, maaari rin kayong bumisita sa iba pang activity parks tulad ng Jump Yard sa Ortigas o Trampoline Park sa Greenfield District sa Mandaluyong. Mula sa pagtakbo hanggang sa pagtalon, siguradong bawat sandali ay puno ng ligaya. 

HINDI MASUNGIT: MASUNGI GEORESERVE

Lumayo sa maingay na siyudad at mapalapit sa kalikasan kasama ang iyong iniibig. Mas magiging kakaiba ang araw ng mga puso kung masusubukan niyo ang nature adventure sa Masungi Georeserve na matatagpuan sa Rizal. Humanga sa kagandahan ng kalikasan at sa taglay niyang ganda. Subukan ang pag-akyat sa mga rock formation at lakbayin ang hanging bridge. Isama mo rito ang taong gusto mong makasama sa maraming byahe ng buhay.

Ang ganitong uri ng date ay hindi lang tungkol sa adventure kundi sa pagbubuo ng tiwala at tibay ng loob na rin. Sa bawat tanawin ng luntiang kagubatan at malalawak na kabundukan, mararamdaman ninyo ang katahimikan at kakaibang ganda ng kalikasan—isang perpektong bucketlist para sa magkarelasyon.

Kung nais naman ninyo ng mas mahabang bonding time, subukan ang pagbisita sa iba pang sikat na spots sa Antipolo, tulad ng Hinulugang Taktak o Cloud 9, kung saan may hanging bridge at 360-degree view deck na perpekto para sa isang romantic escapade. Maaari rin kayong magdala ng sariling polaroid o film camera upang makuha ang mga candid moments na magiging alaala ng isang gabing puno ng tawanan, kwentuhan, at pagmamahal. 

KAPE, TANAWIN AT MGA SALITANG MATAMIS

Mapait man ang kape, mapagsasaluhan niyo naman ang matatamis na sambit sa isa’t-isa. Maraming overlooking cafe ang matatagpuan sa Antipolo, Rizal kasama na diyan ang Cafe Florentine, Senorita Rica, at Cafe Brillo. Matatanaw dito ang bukang-liwayway, dapit-hapon at ang city lights, kaya anumang oras man kayo magpunta mas nagiging espesyal ang inyong pagkikita.

Habang nilalasap ninyo ang bawat higop ng kape, mas magiging makahulugan ang inyong pag-uusap kung sasamahan ng malalim na kwentuhan tungkol sa buhay. Ang tahimik at preskong hangin sa mga overlooking café ay perpektong setting para sa isang slow and intimate date, kung saan ang bawat sandali ay hindi minamadali. 

PAG-IBIG NA WALANG PINIPILING LUGAR

Kahit saan, kahit kailan, ang pag-iibig na busilak ay iiral. Ang halaga ng isang date ay nasusukat hindi sa marangyang tagpuan, kundi sa pagmamahalan. Maging sa simpleng paglalakad o tahimik na pagsasama sa ilalim ng mga bituin, ang tunay na diwa ng pagmamahal ay hindi nakasalalay sa lugar kundi sa taong kasama mo. 

Ang bawat sandali ay nagiging espesyal kapag may kasamang pagpapahalaga. Kaya ngayong buwan ng mga puso, iparamdam ang pagmamahal sa paraang simple pero totoo—dahil sa dulo, hindi ang lugar o gastos ang tatatak sa alaala, kundi ang damdamin sa likod ng inyong pinagsamahan. Saan man dalhin ng bawat yapak, makararating sa tamang destinasyon ang mga pusong tapat. Ngayong buwan ng Pebrero, ipadama ang iyong pagmamahal. Kahit saan, kahit kailan.