Kaka-rally niyo yan!: Ang bulwagan ng sining at pakikibaka ay iisa sa UPLB 2025 FebFair!
Reeve Jairo De Los Santos
Tayo ang repleksyon ng mga panahong pinagdaanan natin. Ang mga anak ng digmaan ay naiiba ang mga paniniwala sa mga anak na iniluwal sa panahon ng kapayapaan.
Sa kulturang UP, ang February Fair ng UP Los Baños ay nagsimula bilang punong karibal ng Batas Militar noong 1972. Una itong ginanap noong Setyembre ng kaparehong taon bilang direktang pagsalungat sa militarisasyon. Mahigit limampung taon na ang nakalilipas matapos ang diktaduryang Marcos, nananatili pa rin ang kultura ng FebFair at handang harapin ang susunod na mga pagbabanta sa demokrasya ng bansa. Sa panahon na kung saan humaharap sa mga panlipunang usapin ang Pilipinas, ang protest fair ngayong taon at sa mga susunod pa sa gitna ng administrasyong Marcos Jr. ay mas maraming kailangang mapatunayan.
Ang isang linggong protesta sa Freedom Park ng UP Los Baños ay muling pagsasamahin ang sining at pakikibaka sa ilalim ng isang sigaw — ‘Pagbigwas!’ Binibigyang diin ng mga komite ng UPLB FebFair ang pagiging accessible nito sa mga ordinaryong mamamayan. Patatambulin din dito ang mga kampanyang bitbit ng mga batayang sektor ng lipunan.
Sama-sama ang mga lokal na lider at anak ng masa sa pagmobilisa ng iisang boses ng Timog Katagalugan mula Pebrero 11 hanggang 15, Sabado. Sa taunang pagtitipong ito binibigyang diin ang lakas ng maka-militanteng aksiyon sa mukha ng drastikong paglala ng pamumunong nasyunal at lokal.
Mas Palaban, militante!
Sa tulong ng unibersidad at ng mga Iskolar ng Bayan ng UPLB, militante nitong ipararating ang ngayong taon ang temang Pagbigwas.
Ayon kay Information and Publicity Head Jay Rumbaoa, kaabang-abang ang mga artista, produksyong teyatrikal, iba’t-ibang uri ng pagtatanghal at mga tagapagsalita na magtatampok ng kanilang adbokasiya sa mga parating na araw.
Day 1: Sektor ng mga Kabataan at Edukasyon
Palalakasin dito ang kampanya para sa libreng edukasyon laban sa pagkamkam ng estado sa badyet ng unibersidad sa porma ng budget cut at mga pambansang balakid na humahadlang sa pagbibigay importansya sa edukasyon ng kabataan.
Day 2: LGBTQIA+ at ang Sektor ng mga Kababaihan
Bibitbitin dito ang mga panawagan laban sa pang-aabuso sa kababaihan at mga kasapi sa komunidad ng LGBTQIA+. Layon din nitong ipagpatuloy ang mga usapin ukol sa SOGIE Bill at diborsyo.
Day 3: Pesante at Manggagawa
Itatampok dito ang talakayan patungkol sa reporma sa agrikultura at patas na pasahod at proteksyon sa mga manggagawa, lalo na sa mga blue-collar workers.
Day 4: Karapatang Pantao at Kapayapaan
Isa ito sa mga usaping pinakamalapit sa mga Iskolar ng Bayan lalo na sa gitna ng mas umigting pang panggigipit ng estado laban sa mga progresibong kabataan. Ang pagsupil sa mga estudyante-aktibista sa pamamagitan ng mga gawa-gawang kaso ay naging laganap nitong mga nakaraang buwan hindi lamang sa komunidad ng UP.
Day 5: Call for Good Governance
Ang huling araw ng Pagbigwas ay tutuon sa isang kampanya para sa mas maayos na pamamalakad sa mga sektor na nasa laylayan lalo na’t nalalapit na ang eleksyon sa Mayo 2025.
“Nadadamay ‘yong mga mamamayan sa mga polisiya nila at nagkakaroon ng mas malalim na divide. So, ‘yon ‘yong bibigwasan natin… Magkaroon sana tayo ng [better] governance,” ani ni Rumbaoa.
Shawarma, karnabal at protesta laban sa Pasismo
Patuloy naman ang pagtatayo ng mga student at concessionaire booths na tinatayang lalampas dalawang-daan para sa pagdiriwang ng FebFair ngayong taon. Ang mga ito ay magsisilbing kumpol ng mga maliliit na produkto, serbisyong lokal at tahanan ng mga personal na adbokasiya ng mga organisasyon ng mga Iskolar. Magiging “daluyan ito ng mga kampanya” upang maabot nito ang kamalayan ng mga dadalo kung ano ang konteksto ng mga isyung isisigaw sa entablado.
Bukod sa mga produktong makatutulong sa pag-aakit ng mga bibisita, ang karanasan ng protestang malapit sa tao ang magpapapasok sa kanila sa pagreyalisa ng personal na mga paninindigan sa mga nakahaing problema ng kasalukuyan. Panawagan din ni Rumbaoa na bisitahin din ng mga dadalo ang mga organisadong tents ng mga student orgs dahil sa importansyang malaman ang mga kampanya ng mga lupon ng mga estudyante; bawat booth ay may nakahandang mga pakulo para sa pagkatutong may aliw.
Nais namang bigyang diin ni Daxin Bartolome, co-head ng Information and Publicity Committee ngayong taon na “... ang FebFair ay isa s’yang protesta na hinaluan ng fair,” dahil sa pagbibigay daan nito sa mga lokal na negosyo tulad ng taunang karnabal sa kabilang dako ng entablado.
Syempre hindi mabubuo ang FebFair experience kung wala ang mga pangunahing artista-aktibistang Drag Queens, tulad ni Pura Luka Vega at iba pamula sa lokal at nasyunal na spotlight. Ang mga reynang imbitado ay may mga dalang pasabog, joint slay at lip sync para suportahan ang mga kampanyang laban sa militarisasyon, suporta sa mga maliliit na kabuhayan at mas malayang pagsasarili. Kaakibat nila ang iba pang malalayang student performers na baon ang mga masining na pagkukuwento ng buhay, pagbigwas at pakikibaka.
Dagdag pa ni Bartolome, malaking bahagi ng protesta ang kritikal na pagkonsumo sa sining na dala ng maraming imbitadong performers. Saad pa niya na tulad ng mga magtatanghal ng drag queens, minsan ang simpleng pagdalo natin upang magpakita ng ating sarili sa mga ganitong pagsasama-sama ay protesta na.
Dagdag naman ni Rumbaoa, “nagiging bulwagan s’ya ng pagkilos…Lahat ng porma ng pakikibaka, tulad ng art, napapakita natin ‘yong gusto nating mensahe.”
Tuloy kayo, libre ang FebFair!
Sa February Fair ng UPLB, kadalasang senyales kapag malalaking performers na ang nagtatanghal ay kapag naglalapitan na muli ang mga manonood sa entablado o kaya’t hindi na mapakali ang mga nasa unahang paalisin ang mga speakers. Ngunit para sa mga nakababatid ng mas malalim na layon ng fair, madali na lamang na mainis sa mga manonood na hindi makapaghintay na marinig ang kanilang paboritong kanta, ngunit suhestiyon ng mga namumuno ay ganap na naiiba rito.
Anila, ang mas epektibong paraan upang maiwasan ang pagkakawatak-watak ng pangarap na iisang masa ay mas subukang ilapit sa kilusan ang mga taong mas malayo o sa tingin nati’y hindi relatibo. Dagdag pa ni Rumbaoa na ito rin ang rason kaya’t walang bayad ang pagpasok at pakikilahok sa UPLB FebFair.
Aniya, “Sama-sama tayong mamamayan na bumigwas laban sa pahirap na sistema na meron tayo.”
Libre ang entrance kung kaya’t makiisa na sa programa at sumamang manawagan!
Ang mobilisasyong mapaghiwalay sa simula pa lang ay patuloy na magiging segregated anumang pagbabago ang pinangarap nila sa pinakasimula. Mas mahirap itong maaabot kung pababayaan nating mabahiran ito ng pagiging makasarili, kapitalismo at klasisismo.
Panawagan ng UPLB FebFair mula pa noon ay pagsamahin ang mamamayan at direktang labanan ang mga huwad na hirarkiyang naghihiwalay sa masang Pilipino. Ang unang hakbang ay siguraduhing alam natin ang mga sandata ng mga mapagkunwari at huwag bigyang pagkakataon ang korapsyon na magsimula sa loob ng kilusan.