Allen Marc De Jesus

“Ang daming taong namamatay sa murang edad pero inililibing kung kailan gulay na…Itong looban mismo, looban ito ng mga patay. Matagal na kaming patay. Kung kailan kami ililibing, iyon ang pare-pareho naming ‘di alam.”


Isa ito sa  linyahang tumatak sa karakter na si Dodong sa unang aklat ng trilohiya na Ang Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat, sa isang lamay ng isang siga sa looban na kanilang tinitirhan.  

Sa kuwentong ito ni Ronaldo Vivo, Jr., bida ang karakter ni Dodong. Isa siyang holdaper na umiibig kay Che, isang sexworker, na siya namang nakatali sa pulis na si Elmer. Inakalang sangkot sa isang malagim na krimen si Dodong, na sa pagtatangkang linisin ang kanyang  pangalan, natagpuan niya ang sarili sa  sala-salabat na katotohanan ng buhay-maralita — droga, kamatayan, sindikato at kapulisan.

Sa unang tingin, mahihinuhang natural na lente lang ito ng mga sosyo-politikal na problema sa isang looban katulad ng kawalan ng oportunidad, tala-talangkang pag-iisip, magkakatulad na mga mindset (dulot ng alienation) at isang-kahig, isang tukang pamumuhay.  Parte ang looban ng dreamland —   ang naging katawagan sa pook na kung saan nakatira ang mga tauhan. Sa trilohiya, paghahambing ito sa dehumanization kaya maituturing ito bilang isang pantasyang tawag na kung saan pangarap talaga ang pangarap. 

Ngunit higit na naisabuhay ito sa trilohiya nang nagkaroon ng fusion ng mga reyalidad ang mga karakter. Sa pamamagitan ng fusion, nagbabanggaan ang mga katotohanan ng mga karakter: si Dodong bilang isang holdaper, si Che bilang isang sexworker at si Elmer na isang makapangyarihang korap na pulis. Sa pagbabanggaang ito, ninanais ng akda na gumawa ng realidad ang mambabasa sa kung ano ang magiging resulta ng mga pagbabanggaang ito. 

Kontemporaryong literatura

Ngunit bago ang lahat, balikan muna natin ang estado ng kontemporaryong  literaturang Pilipino. Isa ito sa mga hindi pinagtutuunan ng pansin lalo na sa akademya. Bihirang makatagpo ng mga kaklase at kaedaran na kilala sina Chuckberry Pascual, Joselito Delos Reyes, Jr. at maging si Allan Derain, na mga kilalang mga manunulat. Isa sa mga itinuturong dahilan ay ang patronohiya sa kanluraning literatura dulot na rin ng globalisasyon. Dagdag pa, kakaunti ang mga kabataang nagbabasa, ano man ang wika at konteksto ng mga babasahin.

Sa pag-uulat ng GMA News, ayon sa isang survey na inilabas noong Marso 2024 ng National Book Development Board (NBDB), nasa 42% lamang ang adult readership noong 2023, habang ang sa mga bata ay nasa 47%. Higit itong mababa kumpara sa resulta ng survey noong 2017 ng Philippine Statistical Research and Training Institute (PSRTI) na kung saan ang adult readership ay nasa 80% at 93% naman sa mga bata. Sa tersyaryong akademya naman, isang salik na problema ang kultura ng pagbabasa ng mga mag-aaral na pinapalala pa ng kakaunti na mga assigned readings. 

Parallel sa panahong Duterte

Kung nais mong ma-visualize ang mundo ng karumihan sa lipunang Pilipino noong panahong Duterte, amuyin ang ingay at gulo ng war on drugs, isa ang aklat na ito sa magbubuyangyang ng sistematiko at likas na kabulukan ng mga taong may kapangyarihan o ng mismong sistema na ginagalawan nito. 

Bagama’t maituturing na fiction, sumasalamin rin ang kuwento ni Dodong sa kawalan ng oportunidad at kung paano ito naging dahilan ng pagsakay sa kung sino man at pagkapit sa patalim. Ngunit alam mo bang naisulat na ni Vivo ang nobela noong 2014 pa lamang, dalawang taon bago maupo si Duterte? Patunay ito sa unibersalidad ng akda, nagkataon na mas naging relatable ang kuwento nang umalis na sa puwesto ang sinasabing ‘arkitekto ng mga patayan.’

Ayon sa Human Rights Watch, ang war on drugs ng dating pangulo ay nagtala ng mahigit labindalawang libong kaso ng patayan. Ang malala, halos tatlong libo rito ay sangkot ang kapulisan. Nahahalintulad dito ang pagpapakilala sa pulis na si Elmer at kung paano nagiging berdugo ang kalagayan at proseso ng pagsunod sa mandatong “to serve and  protect”.

Alternatibong literatura

Sa blurb ng ikalawang edisyon ay  pinakahulugan ni Amang Jun Cruz Reyes na ang unang aklat na ito ay akdang protesta, transgresibo at impluwensiyado ng novella negra. Ayon sa translation ng University of Minnesota (2024), “hard-boiled” ang tumbas ng novella negra. Tumutukoy ito sa mga literaturang ‘solid’ ang pagkakabuo na umiinog sa lahat ng dimensiyon ng kaganapan at maging konteksto.

Sa kaso ng aklat na Ang Kapangyarihang Higit Sa Lahat, ang panimula at naratibo ni Vivo sa dreamland ay ibang klase ng pagkukuwento ng bawat danas. May mga pagkakataong matitigil ka dahil madarama mong ikaw mismo ang hinuhubaran. May mga pagkakataon naman na magiging saksi ka sa mga patayan — ‘yong tipong ‘di inaasahan sa isang sibilisadong mundo. Minsan naman ay pagkamuhi dahil walang magawa sa kawalang-hiyaan.

Ito mismo ang dahilan kaya maituturing na alternatibong literatura ang Dreamland trilogy. Wala itong sinusunod na canon ng pagsulat bagama’t bumubuo ng panibago. Itinakda ng canon sa pagsulat ang naratibo at unibersong dapat inugan ng isang akda. Madalas, ito ang maituturing na pilosopiya ng pagkukuwento. Ang unibersyo ay ang siyang maglululan ng kuwento. Kung susundin ang canon, ang horror ay dapat makapanindig balahibo, ngunit puwede naman itong nakapupuwing o  nakadidiri (dark horror). 

Kaya halina’t simulan ang paglalakbay sa Dreamland. Damhin ang galit, ang kasamaan ng kapangyarihang higit sa lahat. Kumumpas sa dala nitong destruksyon sa emosyon. Hawiin ang loob na galit na galit. Tingnan ang inhustisya sa iyong harapan. Ito ang nobela ng kasalukuyan!