Gutom pero kapos ang bulsa? Pastil na ang bahala
Shean Jeryza Alibin
Sa gitna ng walang katapusang laban ng isang estudyante — sa pagitan ng matinding gutom at manipis na pitaka, sa paulit-ulit na pagbibilang ng baryang kailangang pagkasyahin para sa isang disenteng pagkain — may isang tila biyayang hinulog ng langit.
Sa murang halaga, isang simpleng binalot na kanin at ginisang manok ang takbuhan ng maraming nagtitipid — sagot sa kumakalam na sikmura at sa hamon ng pang-araw-araw na gastusin. Ito ang pastil.
Ngunit higit pa sa pagiging abot-kayang pantawid-gutom, ang pastil ay tagapagtaguyod ng kultura at pananampalataya, lalo na sa mga Muslim sa Mindanao. Nagmula ito sa mga Moro ng Maguindanao. Bahagi ang pagkaing ito ng kanilang tradisyon na madalas inihahain sa mga espesyal na okasyon at handaan. Sa mga pagdiriwang tulad ng kasalan, kaarawan at Eid al-Fitr. Dahil dito, ang pastil ay hindi lamang pagkain sa hapag, kundi isang sagisag ng pagbibigkis ng pamilya at komunidad.
Patuloy na lumalago ang kuwento ng pastil. Mula sa pagkakaroon ng ugat sa isang tradisyon, ito na rin ay naging pantawid-gutom ng mga estudyante, manggagawa at kahit ng mga batang saglit na humihinto sa paglalaro upang kumain ng meryenda at sandaling magpahinga. Ngunit para sa marami, ang bawat kagat ng pastil ay hindi lamang tungkol sa lasa — ito ay kuwento ng diskarte, pagsusumikap at alaala.
Isang praktikal na pagkain
Isa sa mga madalas bumili ng pastil ay si Carl, isang estudyanteng matiyagang bumabalik sa kanyang paboritong tindahan ng pastil sa Hidalgo Street, Quiapo, Manila. Para sa kanya, hindi lang ito isang pagkain kundi isang estratehiya sa pagtitipid.
“Sa isang linggo, dalawang beses akong kumakain ng pastil kasi affordable siya at pantawid-gutom talaga," aniya. Dahil sa murang presyo nito, mas naba-budget niya ang kanyang pera nang hindi kinakailangang isakripisyo ang pagkain.
“Kung ikukumpara sa ibang student-friendly meals tulad ng silog na umaabot na ng P90, dito sa pastil, makakalima akong kanin sa halagang P50 lang,” dagdag niya.
Mga kuwento sa likod ng pastilan
Si Aaron Villamil naman ay isa sa mga tindero ng pastil na dating matatagpuan malapit sa University of Santo Tomas (UST). Nagsimula siyang magtinda noong Marso 2024 at sa loob lamang ng isang taon, nakita niya kung paano naging sandigan ng maraming estudyante ang kanyang pastil.
"Honestly, para sa akin, hindi naman sobrang masarap ‘yung pastil na niluluto ko. Pero sa halagang 10 pesos, nalalasahan na nila ‘yung ingredients, kaya sumasaya sila kasi sulit na sulit," pagbabahagi niya.
Isa sa mga hindi niya malilimutang alaala ay ang unang beses niyang magtinda. Doon niya unang naranasan ang mainit na suporta ng mga estudyante, partikular na mula sa Perpetual Help College of Manila, na mga unang naging suki niya.
Samantala, sa Hidalgo Street, Quiapo, Manila naman matatagpuan ang pastilan nina Mae Usop na nagsimulang magtinda noong 2016. Hanggang ngayon, nananatiling sampung piso lamang ang presyo ng kanilang pastil, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
"Halos lahat ng customers namin ay estudyante. Binabalik-balikan nila kasi mura at budget-friendly," aniya.
Masaya rin siyang makita kung paano naging bahagi ng araw-araw na buhay ng mga estudyante ang tindang pastil.
"Minsan, maingay sila, pero gano’n naman talaga. Masaya kami kasi dinudumog nila ‘yung pastilan namin," dagdag pa niya.
Isang balot ng pag-asa
Sa isang balot ng pastil, hindi lang kanin at ulam ang matitikman — kundi iba't ibang kuwento ng diskarte, pangarap at pakikibaka laban sa hamon ng buhay. Sa bawat kagat, masasalamin ang buhay ng mga Pilipinong natutong magtipid at dumiskarte, mga estudyanteng nagsisikap pagkasyahin ang barya mula sa baon at mga tindero’t tinderang umaasang maiangat ang kanilang kabuhayan.
Mula sa mga lutuan sa Mindanao hanggang sa masisikip na lansangan ng Maynila, ang pastil ay higit pa sa pagkain — ito ay isang biyaya sa panahong gipit, isang saksi sa araw-araw na pagsusumikap at isang patunay na kahit sa pinakapayak na bagay, may kwento ng pagtitiis, pag-asa at tagumpay.