Nalalabusaw na Kagitingan: Pagsipat sa mga Sigaw na Walang Dangal
Kirsten Flores
Sa kasalukuyan, ang mga sigaw na nagsusulong ng mga rally mula sa mga tagasuporta ni Pangulong Marcos na nagtatanggol sa pahayag laban sa impeachment ni Sara Duterte, hanggang sa mga demonstrasyon ng mga DDS na nagpoprotesta sa pag-aresto kay Duterte, ay nagsisilbing simbolo ng isang kagitingang nauupos. Ang kanilang mga pagkilos, na pinapalakas ng mga panawagan ng pagkakaisa at pagdepensa sa mga lider, ay nagiging anino na lamang ng tunay na diwa ng kabayanihan. Ang kanilang tinig ay umaabot sa banyagang mga lansangan at sa social media, ngunit sa kabila ng lakas ng kanilang sigaw, tila nawawala ang tunay na halaga ng kanilang ipinaglalaban. Kagitingan na hindi nasusukat sa panandaliang pagpapakita ng lakas kundi sa pag-alalay sa kapwa at sa paghahangad ng makatarungan at tamang hakbang para sa bayan.
Ang Abril 9 ay hindi lamang isang araw sa kalendaryo. Ito ay isang araw ng pagbabalik-tanaw, ng paggunita sa tapang, dangal, at sakripisyo ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa Bataan. Ngunit sa paglipas ng mga taon, ang Araw ng Kagitingan ay nagiging isang paalala na ang tunay na diwa ng kagitingan ay unti-unting nawawala, tila nababalot ng nalalabusaw na kagitingan, isang pagkilos na dulot ng mga sigaw na hindi na batay sa mataas na prinsipyo kundi sa pansariling interes at ambisyon.
83 taon na ang nakalipas noong mahigit 78,000 sundalo ang sumuko sa Bataan. 60,000 na Pilipino at 11,000 hanggang 15,000 na Amerikano. Ito ang pinakamalaking pagsuko sa kasaysayan ng Pilipinas at Estados Unidos. Kasunod nito, isinagawa ang Bataan Death March kung saan libo-libo ang namatay dahil sa gutom, uhaw, hirap, at karahasan habang sila’y pinilit maglakad mula Bataan hanggang Capas, Tarlac. Ayon sa mga tala, 5,000 hanggang 10,000 Pilipino at 650 Amerikano ang hindi na nakaabot sa kanilang destinasyon. Ang sakripisyong ito ay hindi kayang tumbasan ng mga plakard o ng malalakas na sigaw sa kalsada. Ito ay isang sakripisyo na tahimik na inialay sa bayan, hindi ipinangalandakan sa entablado, kundi isang banal na pag-aalay ng buhay sa ngalan ng bayan. Ngunit sa kasalukuyan, ang tunay na kahulugan ng kagitingan ay mistulang nawawala, napapalitan ng mga sigaw na puno ng galit at pagkiling.
Ang mga rally tulad ng National Rally for Peace noong Enero 13, 2025, ay nagsilbing halimbawa ng isang nalalabusaw na kagitingan. Pinangunahan ito ng Iglesia ni Cristo bilang isang panalangin para sa kapayapaan, ngunit sa halip na maging isang taimtim na pagninilay, ito ay naging isang malupit na pampulitikang pagkilos na sumuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na noon ay laban sa impeachment ng Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Ang rally na ito ay nagsilbing patunay na ang mga institusyong inaasahan nating magtaguyod ng moralidad ay ginagamit na bilang kasangkapan ng kapangyarihan. Sa isang iglap, ang sinasabing "kapayapaan" ay naging isang panlilinlang na nagtatago ng tunay na layunin ng mga organisador—ang pagpapalakas ng kanilang posisyon sa politika, hindi ang magsulong ng katarungan para sa nakararami.
Habang ito’y nangyayari, sa kabila ng mga rally at demonstrasyon ng mga Diehard Duterte Supporters (DDS) na nagpoprotesta sa pag-aresto kay Duterte ng International Criminal Court, mas lumalalim ang tanong: Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kagitingan ngayon? Ang mga rally ng DDS, na isinagawa sa iba't ibang bahagi ng mundo, ay nagsisilbing halimbawa ng isang kagitingan na hindi na nakatali sa katarungan, kundi sa pagpapalakas ng imahe ng isang lider na tinutulungan ng kanyang mga tagasuporta upang makaiwas sa pananagutan. Ipinapakita ng mga rally na ito na ang tinatawag nilang "hustisya" ay may maling alamat—hustisya para sa isang lider, hindi para sa mga biktima ng extrajudicial killings, na patuloy na naghihirap sa ilalim ng isang rehimeng walang malasakit sa kanilang kapakanan.
Sa gitna ng lahat ng ito, isang tanong ang sumisiko sa isipan: Nasaan na ang tunay na kagitingan? Ang kagitingan na ipinaglalaban ng mga bayani ng Bataan ay hindi nasusukat sa lakas ng sigaw ng mga demonstrasyong pinangungunahan ng mga tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon ang mga DDS sa kalsada’t social media. Ang kagitingan ay nasusukat sa kakayahang magsalita at magsagawa ng tama, kahit na mahirap at kahit na ito’y salungat sa pansariling interes. Ngunit sa kasalukuyan, ang tunay na kagitingan ay napapalitan ng mga sigaw na walang dangal, mga aksyon na nagsisilbing pagtatanggol sa mga interes ng iilang tao, hindi ang nakararami. Ang nalalabusaw na kagitingan ay nagiging isang maskara na ginagamit upang itago ang mga pagkukulang at kasinungalingan.
Sa huli, hindi ba’t ang tunay na kagitingan ay makikita sa mga simpleng tao na patuloy na nanindigan para sa tama, kahit na hindi sila tinatangkilik ng nakararami? Ang mga tahimik na naghahanap ng hustisya, ang mga mamamahayag na hindi natatakot magsalita ng katotohanan, at ang mga ordinaryong tao na pinipiling maglingkod sa bayan sa kabila ng lahat ng pagsubok—sila ang tunay na mga bayani. Sa bawat sigaw na puno ng disimpormasyon at kasinungalingan, ang mga bayani ng Bataan ay unti-unting nauurong sa alon ng nakaraan, at ang mga kabayanihan nila ay nawawala sa mga ingay ng kasalukuyan.
Ngayong Araw ng Kagitingan, huwag tayong palilinlang. Huwag tayong padadala sa ingay ng pulitika at idolong iniiwasang panagutin. Huwag nating kalimutan na ang tunay na kagitingan ay hindi kailanman makakamit sa pamamagitan ng sigaw na walang dangal. Ito ay lumilitaw sa katahimikan ng konsensyang tapat, sa paninindigang hindi kailanman nagbenta ng prinsipyo, at sa pag-alala sa mga bayani hindi bilang estatuwa, kundi bilang gabay ng konsensya.