Running Craze: Kalusugan ang tunay na ‘finish line’
Daniela Dizon at Aifer Jacutin
Nasa ‘running era’ na ba ang lahat?
Sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay, maraming tao ang naghahanap ng paraan upang mapanatili ang kanilang kalusugan at sa kasalukuyan, pagtakbo rin ang nagiging sagot ng karamihan.
Habang patuloy tayong hinahabol ng stress, deadlines at samu’t saring alalahanin, tila kinahuhumalingan ng maraming Pilipino ngayon ang pagtakbo bilang ehersisyo. Sa madaling salita: tumatakbo hindi palayo sa problema, kundi palapit sa kalusugan.
May mga pagkakataong makikita sa mga pampublikong espasyo kagaya ng mga parke o maging sa sidewalk ang mga grupo o indibidwal na tumatakbo sa umaga, hapon o gabi suot ang kani-kanilang running shoes, habang abala ang iba sa pagtatala ng kanilang progreso gamit ang mga application gaya ng Strava.
Sa social media, patok ang mga litratong ibinabahagi ng ilang runners na kung saan makikita ang bilang ng kilometrong kanilang tinakbo, oras na ginugol at mga ngiting tagumpay habang pinapawisan. Mula sa mga parke hanggang sa kalsada, kapansin-pansin ang dami ng taong niyayakap ang ehersisyong ito, maging sa social media kung saan kaliwa’t kanan ang pagbabahagi ng kanilang “healthy lifestyle.”
Pero ano nga ba ang meron sa pagtakbo at bakit dumarami ang nahuhumaling dito?
Bakit dapat tumakbo?
Madalas sabihin ang mga katagang “galaw-galaw baka biglang pumanaw.” Marahil dahil ito sa nakasanayang pagbababad sa cellphone o ‘di kaya’y marami lamang talagang ginagawa. Subalit isa itong paalala na gaano man ka-busy ang isang tao sa pang-araw-araw na buhay, hindi dapat kalimutan ang pag-eehersisyo lalo pa at mahalagang gawain ito para patuloy na mamuhay nang malusog.
Ngayong nauuso ang pagtakbo, ano nga bang mga benepisyo nito? Lumabas sa isang pag-aaral na nakatutulong ang pagtakbo upang maiwasan ang mga malalang sakit at maagang pagkamatay anuman ang kasarian, edad at pangangatawan.
Isa na rito ang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Feldman, kung saan natuklasang 25% hanggang 40% lamang ang tiyansa ng maagang pagpanaw para sa mga taong mahilig tumakbo. Tinatayang nabubuhay ang mga runner nang karagdagang tatlong taon kung ikukumpara sa mga hindi ito ginagawa.
Bukod pa riyan, nakatutulong din ang pagtakbo para mapatibay ang mga buto, mapalakas ang muscles, mapabuti ang cardiovascular fitness at mapanatili ang malusog na timbang. Bukod dito, tinutulungan din nitong makapag-pump nang mas mahusay ang ating puso at mapadaloy nang mas maayos ang ating dugo.
Hindi lamang sa pisikal na pangangatawan ang benepisyong maaaring makuha sa pagtakbo. Ipinakikita sa isa pang pagsusuri na may positibo itong epekto sa mental health lalo na pagdating sa pagpapagaan ng mood ng isang tao. Isa pa, nakatutulong din ang pagtakbo sa pag-stimulate ng ating utak at pagpapasigla ng emosyonal at sikolohikal na kalusugan.
Bakit in ang running?
Sa kabila ng pagkahumaling ng mga Pinoy sa social media, marami pa rin ang nakahahanap ng paraan upang maigalaw ang kanilang katawan. Pero bakit nga ba sa dinami-rami ng ehersisyo, ito ang in na in sa mga tao ngayon?
Kumpara sa pilates, yoga, boxing at iba pang mga exercise, hindi na nangangailangan ng kahit ano pang equipment o facility ang pagtakbo. Sapat na ang simpleng sapatos at paglabas ng bahay upang makatakbo. In na in ang running dahil bukod sa madaling gawin, walang kailangang bayaran upang gawin ito.
Maraming influencers at celebrities na rin ang nagbabahagi ng kanilang ‘running era’ kaya naman marami rin ang nahihikayat na gawin ito. Nariyan ang BINI na naglunsad ng BINI Run noong Enero na dinaluhan ng 7,000 na mga Blooms. Ibinabahagi rin nina Gerald Anderson, Kuya Kim Atienza, Pia Wurtzbach, Kim Chiu at marami pang iba ang mga marathon na dinadaluhan nila. Ginagamit din ni Anne Curtis ang pagsali sa marathon event para itaguyod ang karapatan ng mga bata katuwang ang UNICEF.
Mag-level up gamit ang Strava
Sa pagkahumaling ng marami sa pagtakbo, natutuklasan nila ang iba’t-ibang mga application na maaaring gamitin. Strava ang pinakamatunog ngayon dahil sa maraming dahilan. Kung ikukumpara sa iba, hindi lamang basic data tulad ng pace at heart rate ang makikita rito dahil inaanalisa rin ng app ang effort, elevation at historical performance ng user.
Mayroon din itong mga special feature kung saan nagbibigay ito ng mungkahi katulad ng popular routes para sa pagtakbo. Higit sa lahat, malaki ang epekto nito sa motibasyon ng mga user dahil maaari nilang talunin ang sariling record o ‘di kaya’y makipagpaligsahan sa iba dahil mayroon itong leaderboard feature. Sa bahaging ito, maaaring makita at makumpara ang performance sa segment ng isang ruta. Dito rin maaaring tingnan ang mga detalye ng isang run gaya ng oras, bilis, heart rate at power.
Nahihikayat din ng app ang maraming runners upang makipagkonekta sa iba dahil maaaring mag-follow at magbahagi ng progress. Sa katunayan, may mga online community ang nabuo dahil sa paggamit nito, tulad ng Strava Runner na may kasalukuyang 360K na miyembro.
Sa pag-usbong ng interes ng publiko sa pagtakbo, hindi na ito basta isang simpleng aktibidad bagkus isang lifestyle na rin. Kapansin-pansin ang mga benepisyong pang-pisikal at mental. Bukod pa rito, abot-kaya dahil hindi na kinakailangang gumastos at madali ring simulan kaya naman malinaw kung bakit maraming Pilipino ang nahuhumaling dito. Dagdag pa ang motibasyon mula sa mga iniidolong personalidad at makabagong apps gaya ng Strava kung kaya’t mas nagiging engaging at masaya ang bawat kilometro ng pagtakbo.
Sa huli, hindi lamang patungkol sa pisikal na lakas ang pagtakbo o sa layo ng kilometrong kayang marating, kundi sa pagpili ng mas aktibong pamumuhay, pakikipag-ugnayan sa komunidad at pag-aalaga sa sarili. Isang simpleng hakbang na literal at simbolikal tungo sa mas malusog na kinabukasan.