Alternative learning modality, ipatutupad ng DepEd tuwing Tropical Cyclone Wind Signal No. 2
Kriztelle Sitoy
Inanunsyo ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagpapatupad ng bagong polisiya kung saan itinakda ang pagsasagawa ng alternative learning modality sa mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2.
![]() |
Photos Courtesy of Philippine News Agency/CIIT College of Arts and Technology. |
“Now that the number of suspension of classes has been increasing because of the rainy season, one of the topics discussed during the 39th Executive Committee (Execom) meeting of DepEd and it was agreed to implement a learning continuity plan during class suspension,” ani Angara sa isang Facebook post noong July 11.
Ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) nang mabawasan ang learning loss ng mga estudyante sa kabila ng tumitinding epekto ng kalamidad.
“Under the new policy, if Typhoon Signal No. 2 is declared, it will be automatic to shift to alternative learning from the homes,” dagdag ni Angara.
Kung ikukumpara ang bagong polisiya sa DepEd Order No. 022, s. 2024, awtomatikong sinususpinde nito ang face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Junior High School sa mga lugar na nasa Signal No.2.
Sa bagong polisiya, hindi lamang para protektahan ang kaligtasan ng mga mag-aaral kundi tiyakin din na tuloy-tuloy ang edukasyon kahit may bagyo.
“Interventions needed to mitigate the impacts of face-to-face class suspensions ensuring that learners do not fall behind academically,” ay kabilang sa mga itinakdang hakbangin sa polisiya ng DepEd Order na inilabas noong nakaraang taon.
Gayunpaman, umani ng reaksyon mula sa publiko ang bagong polisiyang ibinihagi ni Angara.
Ayon sa ilang netizens, dapat planado at malinaw ang protocols lalo na sa panahon ng bagyo, kung saan madalas may brownout, baha, at kawalan ng internet.
May mga pagkakataong walang ulan kahit may Signal No. 2, at may mga pagkakataon namang hindi naka-signal pero malala ang lagay ng panahon—na naglalagay sa mga estudyante sa peligro.
Isa ring puna ng ilang netizens ang kakulangan sa access sa gadgets, internet, at ligtas na lugar para makapag-aral, halimbawa nito ang mga pamilyang may maraming anak, limitado ang kagamitan, at sa mga lugar na agad binabaha, imposible ang kahit anong uri ng pag-aaral sa gitna ng sakuna.
Sa kabila ng mga komento, binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng modernisasyon sa edukasyon at ang responsibilidad ng Local Government Units (LGUs) sa paggamit ng Special Education Fund (SEF).
“We slowly see the efforts of the LGUs, not only to utilize the funds to provide improvement to our students,” aniya, sabay rin niyang binanggit ang Information and Communications Technology (ICT) modernization efforts sa Pampanga, tulad ng bagong computer labs sa Governor Rafael Lazatin Integrated School.
Karagdagan, ilalathala rin ng DepEd ang listahan ng mga benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program (SHS VP) at iba pang educational subsidies bilang hakbang tungo sa tapat na pamamahala.
“The publication of the list of learners participating in the GAS programs complies with Section 28, Article II of the 1987 Constitution,” ani DepEd Assistant Secretary Edson Byron Sy.
Bagaman, nailatag ng DepEd ang kanilang paunang solusyon sa suliranin, kaagapay nito ang pagsasaalang-alang ng kaligtasan, kakayahan, at karanasan ng bawat mag-aaral at guro.