Nina Gwyneth Morales at Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: ABS-CBN News

Maaaring sa kulungan ang bagsak ni ACT-CIS Rep. Eric Yap, isang malapit na kaibigan ni presidential son Davao City Rep. Paolo Duterte, kung mapapatunayang sangkot siya sa mga di umano'y anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"By calling up [PACC] commissioner Greco [Belgira]... that simple call can send you to jail. Ano 'yan e, punishable by Republic Act No. 3019 [o] Anti-Graft Law," babala ni Duterte sa isang press briefing nitong Lunes.

Isa si Yap sa siyam na mga mambabatas na idinawit ng Pangulo sa di umano'y mga iregularidad sa mga proyekto ng DPWH base sa isinumiteng report ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

"Congressman Eric Yap, ACT-CIS Partylist, legislative caretaker of Benguet — alleged rigging of bid through his agent. Exerting influence in choosing his district engineer to be able to control the awarding of projects in the district assigned to him," saad niya.

Aniya pa, nagtangka rin daw si Yap na pigilan ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na kasuhan ang kanyang fixer-agent sa DPWH.

Bukod sa di umano'y pagmamanipula sa mga bidding sa proyekto ng pamahalaan, sinasabing nangialam din daw si Yap sa imbestigasyon laban sa isang district engineer.

"Intervened in the investigation against Ricardo... by calling up Commissioner Greco and requesting him to drop the case against District Engineer [Lorna Ricardo]," aniya.

Subalit, binigyang linaw ni Duterte na wala pang mabigat na ebidensya laban sa siyam na kongresista.

“The public should be aware that there is no hard evidence, that it cannot be translated by just reading the names that they are already guilty because presumption of innocence would like all throughout until conviction or acquittal,” aniya pa.

Sa kabilang banda, itinanggi naman ni Yap ang lahat ng nabanggit na akusasyon laban sa kanya.

“I’m ready to leave. Kahit hindi ako tanggalin ni [House] Speaker, once I’m proven guilty, I will resign,” mariin niyang sinabi sa isang online press conference.

Nilinaw din niyang wala siyang kinalaman sa biddings kaugnay sa infrastructure projects sa kanilang probinsya sa Benguet.

"'Yung bidding daw pinakikialaman ko, ang gusto ko lang sabihin pagdating ko dito bilang caretaker ng Benguet nung January 27, halos tapos na ata lahat ng bidding ng projects for 2020," aniya.

Sa isyu kasama si Ricardo, sinabi ni Yap na tinawagan lamang daw niya ang PACC Commissioner para tanungin kung may kaso ang district engineer.

“Nung nakausap ko si Greco Belgica, tinanong ko kung may kaso ba ’to, ang sabi niya ‘meron po yan Cong. kaso at isasampa na po sa Ombudsman.’ Ang sabi ko ‘Ay ganun po ba, sige po, thank you.’ And then pagkatapos n’on wala na,” paliwanag ng kongresista.

Umapela naman si Yap sa PACC na magsagawa muna ng 'masinsinang' imbestigasyon bago maglabas ng akusasyon.

"Bilang PACC, you should be responsible. Alam niyo, Sir, yung ganyang kasing papangalanan mo na, e para sakin hindi po investigation ‘yan. Ang ginawa niyo lang po nagwi-witch hunt po kayo," diin niya.


ITO AY ISANG EKSKLUSIBONG ULAT

PAALALA