Ni Gwyneth Morales

Presidential Spokesman Harry Roque (LARAWAN MULA SA: Inquirer.net)

Nilinaw ng Malacañang nitong Lunes na hindi ipinagbabawal ng batas ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 kahit na hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

"Ang bawal po ay iyong distribution at pagbebenta," ani Presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi ito ni Roque matapos umamin ang militar na tinurukan na ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Inihayag pa ni Roque na isa itong mensahe na hindi na raw dapat pang mainip ang publiko dahil "nandito na ang bakuna."

Dagdag pa niya, tanggapin na lamang ng mga Pilipino na ligtas na sa COVID-19 ang mga sundalo dahil nabakunahan na ito.

"Huwag n'yo naman pong ipagkait sa mga sundalo kung nagkaroon sila ng proteksyon," aniya pa.

Nang tanungin kung maaaring mag-import ng bakuna ang publiko para sa personal use, sinabi ni Roque na marapat na kaunti lamang ang kuhanin kung makalulusot.

 "I suppose, kasi kung commercial quantity iyan, that will have to require a license," sabi ni Roque.

"Hindi puwedeng commercially distributed, commercially sold, commercially administered kung wala pong license galing FDA," dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, sinabi ng FDA na wala pa ring rehistradong bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.

"Thus, there is currently no registered vaccine for use against COVID-19. Selling of unregistered vaccines is prohibited," ayon sa kanilang opisyal na website.

Mariin din nitong sinabi na hindi nito masisiguro ang kalidad at kaligtasan ng bakuna dahil hindi pa ito rehistrado.

"These products have not gone through the registration process of the FDA and have not been issued with proper authorization. The agency cannot guarantee their quality, safety, and efficacy," saad pa ng ahensya.


KAUGNAY NA ULAT: ABS-CBN News

PAALALA