Nina Gwyneth Morales at Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: Philippine Star

Dapat daw mauna si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 upang tumaas ang kumpiyansa ng taumbayan, ayon kay Bise Presidente Leni Robredo.

“Sobrang popular ni Pangulo, so makakatulong sana to boost ‘yung confidence ng ating mga kababayan kung makita siya [magpabakuna],” hayag ni Robredo sa kanyang programang panradyong “Biserbisyong Leni” nitong Linggo.

Nakatamo si Duterte ng 70 porsyentong approval rating at 62 porsyentong high trust rating, base sa sarbey ng PUBLiCUS Asia Inc. nitong Disyembre.

Pinunto rin ni Robredo na bagama’t “general rule” nang mahuhuli ang lingkod-bayan pagdating sa pagtanggap ng mga benepisyo, ibang usapan ang pagpapabakuna.

Para sa kanya, makatutulong kung magpapaturok ang mga ‘tinitingalaang lider’ sa harap ng madla upang mapataas ang public confidence sa bakuna. 

“Makakatulong na kung sino ‘yung tinitingala nila eh makita nila, ipakita sa kanila na walang dapat ipangamba. So ako lang, sana tine-take into consideration ‘yung mga ganito,” aniya.

Subalit, sinabi ni Duterte nitong Miyerkoles na magpapahuli na siya sa pila ng tuturukan ng bakuna.

Taliwas ito sa una niyang mensahe noong nakaraang Agosto na handa siyang maunang magpabakuna sa harap ng publiko upang pataasin ang kumpiyansa ng mga Pinoy.

Sinasaad ng sarbey ng Social Weather Stations nitong Setyembre 2019 na 66 na bahagdang mga Pinoy ang handang magpabakuna laban sa COVID-19; 32 bahagdan ang nagsasabing sigurado silang magpapabakuna; at hindi naman sigurado ang 34 na bahagdan.


KAUGNAY NA ULAT: Philippine Daily Inquirer