TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Roque: Kung ayaw ng Sinovac, eh 'di huwag

 Nina Gwyneth Morales at Archie Villaflores

PHOTO: Philippine Star

"Kung ayaw n'yo ng Sinovac, well, hindi kayo pipilitin."

Ito ang naging tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Martes matapos pagdudahan ng ilang Pinoy ang 50% efficacy rate ng nasabing bakuna. 

“Sa mga mayroong colonial mentality na gustong Pfizer, puwede po kayong maghintay, pero ang ating warning po eh talaga diyan lang po iyan mabibigay dito sa Pilipinas sa mga major na siyudad,” aniya pa sa isang press briefing.

Matatandaang binatikos ng publiko si Health Secretary Francisco Duque III nang sinira niya umano ang kasunduan sa pagitan ng US pharmeceutical company Pfizer — na mayroong 95% efficacy rate na bakuna.

Dagdag pa rito, mas mura din ito kaysa sa Sinovac nang mahigit P1,000, kung kaya't ikinagalit ng ilang netizens ang naging tirada ni Roque laban sa mga taong mas gusto ang Pfizer.

"I love it when my desire for a safe, effective, and affordable vaccine that utilizes groundbreaking technology is dismissed as colonial mentality,” ani ng isang Twitter user.

Subalit para kay Roque, hindi pwedeng mamili ang mga Pilipino sa bakuna laban sa COVID-19 kahit na karapatan ng publiko na mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

“[M]eron tayong lahat na karapatan para sa mabuting kalusugan, pero hindi naman po pwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan,” sabi ni Roque.

Nilinaw niya namang maaaring hindi magpaturok ang healthcare workers at mga matatanda na ayaw sa Sinovac, subalit mawawalan sila ng priyoridad.

"Wala pong pilian, wala kasing pilitan. Pero magsa-sign ka ng waiver na hindi ka nagpaturok," sabi ni Roque.

"At kung mayroon kang priyoridad, siyempre, mawawala 'yung priyoridad mo, sasama ka sa the rest of the taumbayan na naghihintay ng bakuna," aniya pa.

Inaasahang darating sa Pebrero ang unang batch ng bakuna ng Sinovac na mayroong 50,000 doses.


KAUGNAY NA ULAT: GMA News