TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Sinovac 'medyo mura' ayon kay Galvez, kahit 'di naman

 Nina Gwyneth Morales at Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: NTF/CNN Philippines

Plit pa ring dinepensahan ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang Sinovac, isang bakunang mula sa China, at iginiit na 'medyo mura' ito kahit sa katunayan ay ito ang isa sa pinakamahal na bakuna laban sa COVID-19.

Sa isang televised briefing, sinabi ni Galvez na nakatanggap ng ‘pinakamagandang presyo’ ang Pilipinas mula sa Tsina, subalit bigo siyang tukuyin kung magkano ito.

“Kaya po namin napili ang Sinovac dahil medyo mura po ito,” ani Galvez nitong Miyerkoles.

Taliwas ang kanyang naging mensahe sa datos na inilabas ni Senate committee on finance chair Sonny Angara. 

Ayon sa datos, nagkakahalagang P3,629.50 ang dalawang doses ng Sinovac, pumapangalawa sa listahan ng pinakamahal na bakuna laban sa COVID-19.

Subalit, iginigiit ni Galvez na mali ang impormasyon na ibinigay ni Angara.

“‘Yung Sinovac, ka-presyo niya po ang Novavax, ka-presyo niya po ang Gamaleya, ka-presyo niya po ang ibang vaccines. ‘Yung sinasabi natin na five times, mali po iyon,” paliwanag ni Galvez.

Base sa datos ni Angara, pumapatak sa P366 ang dalawang doses ng Novavax, samantalang P1,220 naman ang Gamaleya.

Sa ngayon, nakatamo na ng 25 milyong doses ng Sinovac ang bansa ayon sa gobyerno.

Darating naman sa bansa ang 50,000 nitong doses sa Pebrero.


KAUGNAY NA ULAT: Philippine Daily Inquirer