TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

Mas mahabang school year, binabalak; Senior high students, mauuna sakaling ibalik ang F2F class

 Ni Archie Villaflores

LARAWAN MULA SA: Manila Bulletin

Maaaring palawigin ng Department of Education (DepEd) ang school year 2020 – 2021 na nakatakda sanang matapos sa Hunyo 11, ayon sa isang opisyal.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na balak umano imungkahi ng Curriculum and Instruction strand ng kagawaran na i-extend ang academic calendar.

“Wala pang definite number of weeks na extension pero isa ‘yan sa tinitingnan namin,” ani Antonio.

“Para ang lahat ng mag-aaral, lalo na iyong medyo nagkakaroon ng challenges, ay mabigyan ng pagkakataon na maisumite ang mga kailangang gawin,” dagdag pa niya. 

Samanta, sinabi pa ng opisyal na ang mga senior high student ang tinitingnan nilang unang makakapag-face-to-face classes sakaling payagan na ulit ito ng pamahalaan.

"Naniniwala kami na iyong mga senior high school learners, lalo na sa tech-voc (technical vocational track), ay pwedeng maging priority," ani San Antonio.

"Hindi rin sila kailangang sabay-sabay na magpuntahan sa school, staggered din iyan para mas kakaunti ang bata na nasa paaralan," dagdag pa niya. 

Patuloy din daw ang paghahanda ng ahensiya para sa dry run ng limited face-to-face classes habang hinihintay ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng coronavirus task force.

Nauna naman nang aprubahan ang limited face-to-face classes sa higher education partikular sa medical at allied health programs ng ilang Pamantasan.

Nagpapatuloy ang edukasyon sa bansa sa gitna ng coronavirus pandemic sa pamamagitan ng distance learning. Oktubre 5 nang magbalik-eskuwela ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa ilalim ng online, modular, at iba pang alternative learning instructions.


KAUGNAY NA ULAT: The Post, ABS-CBN News