Ni Gwyneth Morales

LARAWAN MULA SA: Presidential Communications

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Diyos —na tinawag niyang "istupido" noon —ang tanging makapagliligtas sa bansa mula sa problemang kinahaharap nito.

"So many things really coming our way, problems. But if you want to have an advice, there is only one thing that can save this planet, it's God," aniya sa isang televised speech nitong Miyerkoles. 

"Maybe we should pray more," aniya pa.

Sinabi niya ito matapos banggiting naniniwala na siya sa climate change bunsod ng pananalanta ng Auring sa Surigao del Sur.

"Noong una, iyong climate change, medyo ano pa ako, parang ayaw akong maniwala. Pero ngayon, sobra talaga ang tubig na galing sa langit because of umiinit ho ang planeta," paliwanag niya.

Dagdag pa niya, wala nang pinipiling panahon ngayon ang bagyo.

Ang bagyong Auring ang unang bagyong dumating sa bansa, na may dalang maximum winds of 65 kilometers per hour at 80 kph gusts.

Matatandaan noong Hunyo 2018, inatake ni Duterte ang Simbahang Katoliko at minura ang Diyos na sinasamba nito dahil sa istorya kung paano nabuo ang mundo.

"Kinain ni Adam then malice was born. Who is this stupid God? Istupido talaga itong putangina kung ganoon," hayag niya sa isang sumite sa Davao.

Nangako naman siyang bababa siya sa kanyang pwesto kung may magpapakita sa kanya ng "selfie" kasama ang Panginoon.

'If there is one witness, I will announce my resignation immediately," aniya isang linggo matapos ang pag-atake sa Simbahang Katoliko.


ITO AY ISANG EKSKLUSIBONG ULAT.