Ni Kaela Patricia Gabriel

LARAWAN MULA SA: Amazon News

Nanindigan ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) sa COVID-19 vaccine ng China na SinoVac sa kabila ng pag-amin umano ng isang Chinese health official na mababa ang effectiveness rate nito.

Depensa ng DOH, malaki pa rin ang maitutulong ng bakuna kahit na nanggaling na mismo kay Gao Fu, isang opisyal mula sa Chinese Control for Disease Center (CDC), na mayroong low efficacy rate na 50.4% ang SinoVac na napatunayan din sa isang pag-aaral sa Brazil. 

Sa isang pahayag, iginiit ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire na walang bakunang makapipigil sa COVID-19 transmission ngunit mas mapabababa nito ang tsansa ng pagkakaroon ng malalang sakit bunsod ng nasabing virus.

"Itong SinoVac na sinasabi from the Chinese government, the efficacy for mild disease would be about 50 to 60 percent, pero ang efficacy naman niya for severe would be 90 percent and more," paliwanag ni Vergeire.

Sabi naman ni FDA Director General Eric Domingo, tanging SinoVac pa lamang ang mayroon sa bansa kaya "malaki ang maitutulong ng mga bakunang ito."

Nitong Lunes, kalahating milyong doses na ng SinoVac ang dumating sa bansa. Tuloy-tuloy naman ang vaccine rollout sa iba't-ibang mga lungsod sa bansa at maaari na rin maturukan ang senior citizens.

Samantala, napatunayan din sa isang pag-aaral mula sa Israel na mababa rin ang efficacy rate ng Pfizer vaccine pagdating naman sa South African variant ng COVID-19.

"With all of these things that are happening, our experts and even experts around the world, even WHO [World Health Organization], is saying whatever the effect of this variant to our vaccines, we still continue to vaccinate," ani Vergeire.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng China ang paghahalo ng SinoVac sa iba pang bakuna upang mapataas ang efficacy rate nito at pagpapalawig ng immunization method nito sa pamamagitan ng pagbabago ng dami ng doses.