COLUMN | Naliligaw at mala-lugaw
Ni Gwyneth Morales
Cartoon ni Yanmar Barrera
Bumalik na naman sa unang gawi ang bansa nang ibalik ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Greater Manila Area (Bulacan, National Capital Region, Rizal, Cavite, at Laguna) dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19. Subalit, kahit na may karanasan na ang pamahalaan sa ECQ, nakagagalit na pati ang simpleng lugaw ay pinagtatalunan pa kung ‘essential’ ba ito o ‘non-essential.’ Sinasalamin ng insidenteng ito ang nakalulungkot na katotohanan: malabnaw, kagaya ng ibang lugaw, ang pagpaplano at pamamalakad ng gobyerno sa pagresponde sa pandemya.
Nitong Marso 30 ng madaling araw, sinita ng barangay officers ang isang GrabFood delivery rider at ang may-ari ng isang lugawan sa Bulacan dahil bukas pa ito kahit curfew na. Nang ipinaliwanag ng rider na pinapayagan ng ECQ guidelines ang food deliveries habang curfew, tila nagbigay pa ang opisyal ng utak-sabaw na rason at iginiit na hindi essential o importante ang lugaw, kahit na pagkain pa ito, dahil kaya raw mamuhay ng tao nang wala ito. Nakadidismayang dahil lamang sa maling interpretasyon sa guidelines, nagdulot pa ng aberya at kaguluhan ang lingkod-bayan. Nakapanghihina ng loob na hindi kabisado ng mga opisyal ang mga pasikot-sikot sa quarantine protocols. Isang patunay lamang ito na magulo ang patnubay ng pamahalaan at hindi ito makatutulong upang maresolba ang pandemya.
Ang pinakanakalulungkot pa rito ay ginawa pang isang politikal na isyu ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang insidente ukol sa lugaw delivery. Ayon kay Densing, tama lamang ang ginawa ng barangay officer dahil tinukoy niya ang lugaw bilang tao at hindi bilang pagkain, kung kaya’t hindi raw importante ang lugaw––partikular kay Bise Presidente Leni Robredo na sikat sa paghahandog ng lugaw sa mga mahihirap––sa paningin ng DILG. Sa kabila ng lumalalang pandemya, maling mali na mas pinagtuunan pa ng pansin ni Densing ang pagbibigay ng sarkastikong komento sa halip na akuhin ang responsibilidad ng kamalian ng hawak nilang barangay. Mapapansing hindi siya seryoso sa pagpapaigting ng ECQ dahil nagagawa pa niyang magbiro at magparinig kay Robredo. Hindi makatutulong ang pagbabangayan at pagiging isip-bata sa pagsugpo ng COVID-19.
Sa kabilang banda, inamin din ng mga ibang opisyal, tulad ni Cavite Governor Jonvic Remulla, na naguguluhan na sila sa pabago-bagong desisyon at anunsyo ng Inter-agency Task Force (IATF) ukol sa ECQ guidelines. Angkop na angkop ang deskripsyon ni Remulla sa ECQ na “Enhanced Confusion Quarantine” dahil kitang-kita pa lamang sa lugaw incident na nalito ang barangay officials. Kung magulo na ang sistema at patakaran sa itaas, malamang sa malamang ay mas lalong hindi magiging organisado ang implementasyon nito sa publiko. Isa lamang ang aberya ng GrabFood driver sa Bulacan sa daan-daang mga sitwasyong nagpapakita ng kapalpakan ng pamahalaan sa pagtutuldok ng pandemya.
Ang pinagdedebatehang lugaw ay nagrerepresenta ng sitwasyon ng bansa pagdating sa pagresponde sa COVID-19: may malabnaw na plano; maraming mistulang utak-sabaw na pagpapalusot mula sa mga opisyal; at pagturing sa COVID-19 bilang ‘non-essential’ o hindi mahalaga. Nangunguna na ngayon ang Pilipinas sa buong Timog Silangang Asya na may halos 140,000 aktibong kaso. Imbes na bumalik na sa normal na pamumuhay ang mga Pilipino, naghihikahos pa rin ang lahat kung paano nga ba masosolusyunan ang pandemya. Sa halip na mahimasmasan ang pinsalang dala ng virus, mas lumalala pa ang sitwasyon ng Pinas kumpara noong nakaraang taon. Isa lamang ang ibig sabihin nito: hindi tumatalab ang butas-butas na sistema ng IATF.
Dahil dito, mas mabuting palitan na ang mga miyembro ng IATF ng mga eksperto sa larangan ng medisina upang mas maging komprehensibo ang mga solusyon at patakaran tungkol sa COVID-19. Kung hindi man papalitan, marapat na suriin ng kasalukuyang IATF ang kanilang ECQ guidelines at iba pang quarantine protocols at isulong na ang solusyong medikal tulad ng contact tracing, pagbibigay ng mas malaking kompensasyon sa healthcare workers, at mass testing. Iwasan na rin ng pamahalaan ang paggamit ng press conferences bilang plataporma upang magparinig at manghamon ng gulo. Dahil kung susuriin ang Pilipinas ngayon, halatang naliligaw pa rin tayo ng landas at mala-lugaw na sistema pa rin ang pinaiiral.
KAUGNAY NA ULAT: http://bit.ly/SiLugaw, http://bit.ly/OvpDilg, https://bit.ly/LugawDelivery