Palasyo kay Trillanes: ‘Libre lang mangarap’
Nina Deighton Acuin at Gwyneth Morales
LARAWAN MULA SA: ABS-CBN News |
“Una, libre po mangarap so hayaan po nating mangarap na maging presidente si dating senador Trillanes, karapatan niya po 'yan bilang isang Pilipino.”
Ito ang naging pahayag ng Malacañang nitong Huwebes matapos isapubliko ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang kaniyang intensyong tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas.
“Mukhang hindi naman siya makakatakbo dahil nilinaw po ni Vice President Leni [Robredo] na tatakbo pa rin siya, at least nandiyan pa rin yung plano,” ani Roque sa isang media briefing.
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkoles, sinabi ni Trillanes na lumapit siya sa 1Sambayan coalition upang maging “principal candidate” sa pagkapangulo.
Hinayag ng dating mambabatas ang kaniyang desisyon matapos ang mga balitang umanong iniisip ni Robredo na tumakbo na lamang sa lokal na posisyon sa 2022 elections.
“In view of VP Leni's preparations to run for governor of Camarines Sur in 2022, I, together with the Magdalo group, have decided to convey to the 1Sambayan coalition to change my status from being an alternate candidate (to VP Leni) to being a principal candidate for president to vie for the coalition's nomination,” ani Trillanes.
Gayumpaman, ayon sa Office of the Vice President (OVP), isinasapinal pa ni Robredo ang kaniyang desisyon kaugnay sa muling pagkandidato sa pambansang halalan.
“As VP Leni has repeatedly stated, her focus remains on helping our fellow Filipinos through the Covid-19 crisis,” ani OVP Spokesperson Ibarra Gutierrez sa isang pahayag.
“She has not made a decision regarding the 2022 elections, and there is absolutely no truth to the claim that she is making ‘preparations’ to run for Governor of Camarines Sur,” aniya pa.
KAUGNAY NA ULAT: Rappler, Philippine Daily Inquirer