Robredo angat sa presidential survey? ‘Wishful thinking' — Roque
Ni Deighton Acuin
LARAWAN MULA SA: Philippine Daily Inquirer |
“Mukhang wishful thinking po ‘yan.”
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos lumabas ang isang online survey na nagsasabing nangunguna si Bise Presidente Leni Robredo para sa pagkapangulo ng Pilipinas.
Ayon sa kaniya, mas mapagkakatiwalaan ang mga polling company na gumagamit ng “cross-sampling method” sa pagsasagawa ng pagtatala.
Dagdag nito, hindi niya alam ang site na PiliPinas, na gumawa ng survey.
“Hindi ko po alam kung ano ang prosesong ginawa ng kompanyang ito at, sa totoo lang, hindi ko pa naririnig ang kompanyang ‘yan. Ang pinaniniwalaan ko po ang mga pinagkakatiwalaang polling companies na malinaw po kung paano ang procedure nila bagama’t 1,200 lang ang kanilang sample,” ani Roque sa isang press briefing na pinalabas sa PTV-4.
“Kasi kapag talagang random po ang statistical surveys natin, nagiging accurate naman,” dagdag ng opisyal.
Lumalabas sa nasabing survey na nangunguna si Robredo na nakakuha ng 33.63 bahagdan. Sumunod naman sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio (22.99%), Senador Manny Pacquiao (14.52%), dating Senador Bongbong Marcos (11.26%), Senador Bong Go (6.5%), Manila City Mayor Isko Moreno (6.38%), at Senadora Grace Poe (4.31%).
KAUGNAY NA ULAT: Manila Bulletin
SURVEY: PiliPinas