TOP STORIES

6/recent/ticker-posts

DOH hindi muna itutuloy ang pagbili ng ‘high-end’ laptops sa kabila ng kontrobersiya

Ni Nikki Coralde

PHOTO: WikiPedia

Hindi na muna bibilhin ng Department of Health (DOH) ang apat na sets ng high-end laptops na nagkakahalagang ₱700,000 kasunod ng negatibong reaksiyon mula sa publiko dahil sa mataas na budget para rito. 

Nitong ika-4 ng Agosto lamang inilabas ng DOH ang dokumento na nagpapakita ng planong pagbili ng apat na high-end 2-in-1 laptops with accessories na umaabot sa halagang ₱700,000 o  ₱175,000 kung paghahatiin.



Sa isang online press conference, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na ang nasabing laptops ay nakalaan “for the use of the knowledge management and information technology.” 

Nakakuha ito ng iba’t ibang puna mula sa publiko dahilan para pansamantala munang itigil ng ahensya ang plano.  

“The transaction was put on hold pending further market study,” aniya. 



Dagdag pa rito, inamin din ni Vega na ang pansamantalang procurement ay ginawa ilang araw matapos makita ng Commission on Audit (COA) ang pagkukulang ng DOH sa paggamit ng ₱67 bilyong pondo para sa COVID-19. 

Samantala, hindi lamang DOH ang nakatanggap ng ganitong puna dahil matatandaang naharap din sa ganitong isyu ang PhilHealth noong isang taon matapos nitong aprubahan ang ₱2.1 bilyon na budget para sa laptops, software at iba pang kagamitan para sa IT system.  


Sanggunian ng ulat: ABS-CBN News