COLUMN | Family Lockdown Ang Sagot
BAGO pa man isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang NCR dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19, hinikayat na ni Presidential spokesperson Harry Roque ang mga lider ng bawat pamilya na sila ang magpatupad ng lockdown sa kani-kanilang tahanan. Ito ay kasunod ng suhestiyon ni Cebu City Acting Mayor Michael Rama na magsimula ang bawat pamilya ng lockdowns at huwag umasa sa quarantine classification na ibababa ng pamahalaan. Kung gusto nating ma protektahan ang mga mahal natin sa buhay laban sa bagong variant ng virus, mainam kung sa tahanan natin simulan ang pagpapatupad ng lockdown at isa na lamang ang lumabas.
Kung tutuusin, malaki ang maitutulong ng family lockdown sa ipinatupad na ECQ sa NCR. Makokontrol nito ang bilang ng mga taong lalabas. Sa ganitong paraan maiiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao at mapapababa ang tiyansa ng hawaan. Mabilis ding maipapatupad ang mga quarantine protocols at hindi magkakagulo. Mainam itong ipatupad gayung mabilis makahawa ang Delta variant ng coronavirus gaya ng chicken pox o bulutong ayon sa pag-aaral ng Centers for Disease Control Prevention (CDC).
Kahit ang Department of Health (DOH) ay nakikiusap sa publiko na huwag munang lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan kasabay ng tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 at ng Delta variant. Kahapon, sumipa sa 116 ang kaso ng Delta variant at ilan sa mga ito ay mga batang edad 15 pababa. Kung hindi natin seseryoshin ang pagsunod sa minimum health standards,, posibleng umakyat pa ang bilang nito.
Hindi naman kasinghigpit ng lockdown noon ang ipinatupad ngayon. Maaaring lumabas ang isa sa bawat pamilya kung may kinakailangang bilhin tulad ng essential goods, pagpunta sa ospital at pagbili ng mga kinakalailangang gamot. Bukas din ang mga pamilihan gayon din ang mga botika, maging ang mga bangko. Hindi rin suspendido ang pampublikong transportasyon ngayon.
Lubos na makakatulong ang family lockdowns upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa bansa. Gayunpaman, numero unong problemang kakaharapin ng mga pamilyang nakasailalim sa ECQ ang makakain dahil magiging limitado lamang ang kanilang pag-galaw. Sana ay lakihan naman ng pamahalaan ang ibibigay nitong ayuda upang maging sapat ang pera ng mga apektado ng loob ng dalawang linggong lockdown. Mas tutukan sana ng pansin ang mass testing, i-trace kaagad ang mga nagpositibo sa bagong variant at paigtingin pa ang bakunahan upang makamit na ang inaasama na herd immunity.
Kung gusto nating maiwasan ng ating mga mahal sa buhay ang Delta variant, magpatupad na ka agad ng family lockdown. Bawal munang lumabas kung hindi kinakailangan. Isa ito sa magandang paraan upang makontrol ang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 at maprotektahan ang ating pamilya laban sa nakakahawang sakit.